Kabanata 18

211K 12.7K 28.4K
                                    

[Chapter 18]

NAPAHAWAK ako sa aking noo nang tumama ako sa matigas niyang dibdib. Maging siya ay napahawak sa kaniyang likod sa sakit. Agad akong napabangon sa gulat at dali-dali kong tinali ang buhok ko pataas upang itago ito sa sumbrero.

Tatakbo na sana ako papalayo upang takasan siya ngunit napatigil ako nang magsalita siya. "S-sandali..." dahan-dahan akong napalingon sa kaniya. Nakahiga pa rin siya sa lupa habang nakahawak sa kaniyang balakang at pilit na bumabangon.

"Napilay ka ba?" tanong ko sa kaniya saka inalalayan siyang maupo. Napapikit ako, ang obvious ng tanong ko. Siguradong napilay nga siya o nabalian ng likod dahil sa'kin. "Anong ginagawa mo dito?" hindi ko maintindihan kung bakit iyon ang itinanong niya. Sa dinami-dami ng pwede niyang itanong lalo na't nakita na niya kung sino ako.

Naalala ko na hindi ko pala pwede sabihin na nandito ako kasama si Maria Florencita na nakipagkita kay Lorenzo. "Ah, wala lang. Gusto ko lang maglakad-lakad" palusot ko saka napatingin sa kinaroroonan ng dalawa. Hindi dapat sila makita ni Sebastian dito.

Tumayo na siya ngunit nakahawak pa rin siya sa kaniyang balakang. "K-kaya mo bang maglakad?" tanong ko, tumingin lang siya sa'kin. Nakalimutan kong gamitin ang malalim kong boses kung kaya't napatikhim ako. "Natuyo ata ang lalamunan ko dahil sa hamog" saad ko gamit ang malalim na tono.

Nakatingin lang siya sa'kin, hindi ko naman magawang tingnan siya ng diretso. Kailangan ko na talaga umalis para masabihan silang dalawa na nandito si Sebastian. Tiyak na magugulo ng sobra ang Salamisim kung maaabutan niya sina Maria Florencita at Lorenzo.

Bukod doon alam kong masasaktan siya kapag nakita niyang may ibang napupusuan ang babaeng gusto niya.

Kinuha na niya ang kaniyang espada at ang lampara. Pinagmasdan ko siyang mabuti, mukhang hindi naman siya napilayan o nabalian ng balakang. "Heneral, kailangan ko na talaga umalis" mabilis kong sabi saka dali-daling tumakbo pababa ng ilog.

Napalingon sa'kin sina Maria Florencita at Lorenzo, "Nandito si Sebastian! Magtago ka na Lorenzo" saad ko, tumayo lang si Lorenzo na parang hindi naman nagulat. Samantala, napatakip naman sa bibig si Maria Florencita at dali-daling tumakbo papalapit sa'kin.

"Bakit siya nandito? Nalaman na ba niya?" halos mamutla ang mukha ni Maria Florencita. Napailing ako, "Sa tingin ko hindi, may iba ata siyang pinuntahan" saad ko saka ko naalala na malapit dito ang bahay ng mangkukulam.

"Halika na" saad ni Maria Florencita saka hinila ako pabalik sa kalesa. Nagulat kami nang magsalita si Lorenzo, "Haharapin ko siya ng lalaki sa lalaki" seryoso nitong saad dahilan para mapanganga kami sa gulat.

Napahawak si Maria Florencita sa kaniyang pisngi. Mukhang tinamaan ng pana ni kupido ang kaniyang puso nang dahil sa sinabi ni Lorenzo. "Maria Florencita, mauna ka na sa kalesa" saad ko upang magising ang diwa niya.

Naglakad ako papalapit kay Lorenzo "Magtago ka na muna. Hindi pa ngayon ang oras para magharap kayo" saad ko para akong nanay na pinagsasabihan siya. Kinikilig si Maria Florencita sa sinabi niya pero hindi ako natutuwa dahil magugulo na naman ang aking istorya.

"Ngunit---" hindi na niya natapos ang sasabihin niya dahil nagpatuloy ako sa pagsasalita habang nakapamewang.

"Wala ng pero pero. Uwi" napakamot na lang sa ulo si Lorenzo. Naglakad na ako papalapit kay Maria Florencita at isinama siya pabalik sa kalesa. Sa pagkakataong iyon ay natanaw na namin si Sebastian na naglalakad sa kalsadang lupa.

Napatigil si Maria Florencita nang magtama ang mga mata nila ni Sebastian. Maging si Sebastian ay hindi makapaniwala kung bakit nandito ang babaeng nakatakdang ikasal sa kaniya. Agad siyang naglakad papalapit sa'min.

Salamisim (Published by Bliss Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon