Kabanata 19

194K 12.8K 24.3K
                                    

[Chapter 19]

SUNOD kong narinig ang pagbagsak ni Niyong sa sahig. Gumulong ang nakasinding kandila na hawak niya kanina papasok sa silid.

"Niyong!" ilang ulit ko siyang ginising ngunit nanatili itong walang malay tulad ni Sebastian. Agad akong tumakbo papalabas upang humingi ng tulong ngunit laking gulat ko nang makita ang lahat ng tao sa paligid ay nakahandusay sa lupa.

Ang mga naglalakad ay nakahiga sa kalsadang lupa. Ang mga sakay ng kalesa ay wala ring malay, maging ang mga kabayo at ang kalesa ay tumagilid. Ang mga tindera at tindero na abala kanina sa pagsasara ng kani-kanilang mga tindahan ay wala ring mga malay.

Naghahari na ngayon ang kadiliman habang nakasindi ang iilang lampara at gasera sa bawat tindahan. Nagsimula akong humakbang papunta sa gitna, nagbabaka-sakali na baka may iisang tao na kahit papaano ay may malay sa mga oras na ito.

Wala akong ideya sa mga nangyayari. May kinalaman ba dito ang pagpatay ko sa sindi ng lampara?

Ilang sandali pa, napatigil ako nang makaramdam ako ng pagkahilo. Hinawakan ko ang aking noo. Tila umiikot ngayon ang paligid hanggang sa tuluyang dumilim ang aking paningin.

NAALIMPUNGATAN ako nang marinig ko ang mahihinang bulungan. Una kong nakita ang nakasisilaw na liwanag mula sa bintana. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata, pamilyar ang kwarto kung nasaan ako ngayon.

"Gising na siya!" wika ng isang babae saka mabilis tumakbo palabas ng kwarto. Napahawak ako sa aking ulo at sinubukan kong bumangon. Naramdaman ko ang paghawak ng isang babae sa braso ko. "Ikaw ay magpahinga muna" saad nito, sandali ko siyang tinitigan at nanlaki ang aking mga mata nang makilala ko kung sino siya, si Amalia.

Sunod-sunod na yapak ng mga paa ang aming narinig at nang bumukas ang pinto, tumamabad sa aking harapan sina Aling Pacing, Mang Pedro, Aling Lucia at Lolita. "Kumusta ang iyong pakiramdam hija?" nag-aalalang tanong ni Aling Pacing saka hinawakan ang kamay ko.

"May masakit ba sayo?" tanong ni Aling Lucia.

"Magpapatawag lang ako ng manggagam---" hindi na natapos ni Mang Pedro ang sasabihin niya dahil nagsalita na ako.

"A-ayos lang po ako. 'Wag na po kayo mag-abala" tugon ko, biglang umupo si Lolita sa tabi ko at niyakap ako nang mahigpit.

"Labis kaming nag-alala sa iyo ate Tanya. Saan ka ba nagtungo?" wika nito dahilan upang gulat akong mapatingin sa kanila. Bakas sa kanilang mukha ang matinding pag-aalala. "Lolita, baka hindi makahinga si Tanya" suway ni Aling Lucia sa anak kung kaya't bumitaw na si Lolita sa pagkakayakap sa'kin at pinunasan niya ang luha niya.

Ngayon ko lang napansin na nakalugay ang mahaba kong buhok pero nakasuot ako ng kamiso at pantalon. "Halos dalawang buwan ka nawala hija. Tulad ng dati, hindi ka man lang nagsabi sa'min na aalis ka" wika ni Mang Pedro. Muli ko silang tiningnan isa-isa. Hindi ako makapaniwala na naaalala na nila na ako si Tanya na dating nakituloy sa kanila!

"N-naalala niyo na po ako?" halos wala akong kurap na nakatingin sa kanila. "Pasensiya na hija, hindi ka namin nagawang patuluyin noong nakaraan. May pagka-ulyanin na rin kaming dalawa" ngiti ni Aling Pacing, hindi ko masabi sa kanila na hindi naman ako nagdadamdam dahil hindi talaga nila ako naaalala noong mga oras na iyon.

Posible kayang may kinalaman ang pagpatay ko sa sindi ng lampara dahilan para mawalan ng malay lahat ng characters sa kwentong ito?

"O'siya magpahinga ka na muna Tanya. Sabihin mo lang sa amin kung may iba ka pang kailangan o ibig kainin" bilin ni Aling Pacing saka ito tumayo, hindi nila pwedeng pabayaan ang Panciteria sa baba dahil dumadagsa ang mga tao ngayong umaga.

Salamisim (Published by Bliss Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon