Kabanata 22

221K 14K 35.3K
                                    

[Chapter 22]

Mabagal ang usad ng prusisyon. Tahimik lang kami ni Sebastian habang sumasabay sa agos ng mga tao. Makailang ulit nagdikit ang aming mga braso ngunit hindi siya umiwas o lumayo ng kaunti. Maging ako ay hindi rin umiwas sa tuwing nagtatama ang aming mga braso. Siguro ay dahil naroon ang kagustuhan ko na masanay siya sa'kin at ako sa kaniya.

Halos nakatitig lang ako sa hawak kong kandila. Nang patayin ko ang sindi ng mahiwagang lampara, hindi ako nakalabas sa kwento. Hindi ko na tuloy alam kung paano ako makakalabas ngayon. Kung makikita ko ba ulit ang lamparang iyon o kung ano ba ang koneksyon nito kay Sebastian.

Hindi rin mawala sa aking isipan kung dapat ko pa bang ipagpatuloy ito? Kung ililigtas ko lahat ng mga characters na mamamatay sa kwentong ito, handa ba ako na matunghayan ang pagbasak ng nobela kong Salamisim?

Halos isang taon kong pinaghirapang isulat iyon. Puyat, pawis at oras ang nilaan ko upang mabuo ang kwento. At ngayon, ako rin mismo ang sisira nang lahat ng iyon.

"Hindi pa tayo uuwi?" tanong ko kay Sebastian, tapos na ang prusisyon at misa. Nakatayo lang kami sa labas ng simbahan. Kani-kaniyang lakad na ang mga tao pauwi sa kanilang mga tahanan. Naghahanda para sa masayang pagdiriwang ng fiesta bukas.

Nagbayad ng paupahang kalesa si Sebastian, tumingin siya sa'kin saka inilahad ang kaniyang palad sa tapat ko. "Ano ang iyong sunod na plano para kay Amalia? Kung sa digmaan, kailangan mayroon tayong iba pang plano kung sakaling hindi magtagumpay ang nauna. Hindi ba?" wika niya, napatingin ako sa kaniyang palad. Tila gumaan ang pakiramdam ko dahil hindi siya madaling sumuko.

Humawak na ako sa kamay niya saka ngumiti ng kaunti. Gusto ko sabihin sa kaniya na nagpapasalamat ako dahil umiiral ngayon ang kaisipan niya bilang bahagi ng hukbo. Ang mga stratehiya at alternatibong plano na binubuo ng mga tulad niyang heneral. "Ano ang maimumungkahi mo, heneral?" sumampa na ako sa kalesa sa tulong niya saka siya sumunod.

"Hindi katanggap-tanggap na talikuran ng isang guardia sibil ang kaniyang sinumpaang tungkulin na maglingkod at ipagtanggol ang bayan..." panimula niya, dahan-dahan nang tumatakbo ang kalesa.

"Ngunit, paano si Amalia? Hindi ko kayang mapahamak siya... Kahit ngayon lang, nakikiusap ako kung maaari mong ipikit ang iyong mga mata sa sitwasyon nilang dalawa" pakiusap ko, napayuko lang si Sebastian. Binuo ko siyang bilang matapang at may paninidigan sa batas at utos mula sa pamahalaan. Hindi mahirap sa kaniya ang pumatay kung alinsunod ito sa patakaran ng bayan.

"Alam ko na tapat ka sa pamahalaan at hindi mo magagawang lumabag sa patakaran ng hukbo. Hindi kita pipilitin na tulungan ako. Ang pakiusap ko lang ay kahit ngayon lang, kung maaari ay ipikit mo ang iyong mata, takpan mo ang iyong tenga at itikom mo ang iyong bibig. Kailangan kong iligtas si Amalia. Ayokong masaktan at maghirap sila Aling Pacing at Mang Pedro"

Napahinga ng malalim si Sebastian. "Anong pakiramdam na nagagawa mong makita ang hinaharap? Ito ba ay masalimuot din tulad nang mga nasisilayan kong kamatayan sa aking panaginip?" tanong niya saka tumingin sa'kin. Hindi ako nakapagsalita. Kung alam lang niya na hindi ko lang basta alam ang mga mangyayari. Ako ang nagtakda mismo ng mga iyon.

"Kung ito lang ang tanging paraan upang gumaan ang pakiramdam ng isang taong may kakayahang makita ang hinaharap. Hindi ko lang basta ipipikit ang aking mga mata, tatakpan ang aking tenga o ititikom ang aking bibig. Iaabot ko rin sa iyo ang aking palad" napatulala ako sa sinabi niya. Hindi ako makapaniwala na magagawa kong palabagin sa batas si Sebastian.

***

Alas-nuwebe na nang gabi nang makarating kami ulit sa beateryo. Naghihintay sa gilid ang kalesang inupahan ni Sebastian. Nakatayo siya sa aking likuran nang kumatok ako sa malaking pinto ng kumbento.

Salamisim (Published by Bliss Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon