Kabanata 10

218K 13.1K 26.9K
                                    

[Chapter 10]

"KUMUSTA ang iyong anak? Kailan siya babalik dito?" panimula ni Don Antonio nang buksan niya ang pinto sa kaniyang opisina. May maliit na uwang ang aparador dahilan upang makita ko ang kanilang pagpasok. Nakasunod sa kaniya si Don Severino.

"Ayon sa kaniyang liham, marahil ay sa katapusan dadaong ang barko" tugon nito sabay hithit ng tobacco. Naupo si Don Antonio sa kaniyang silya at inimbatahang maupo ang kaibigang Don. Ang anak ni Don Severino ay si Roberto na isa ring Heneral. Natauhan ako nang mapatikhim ng mahina si Sebastian. Hindi ko namalayan na hindi na pala siya makahinga ng maayos dahil sa higpit ng pagkakayakap ko sa kaniya.

Gulat ko siyang nabitawan pero bigla siyang nawalan ng balanse kaya mabilis ko siyang niyakap ulit dahilan upang kumalabog ng kaunti ang aparador na pinagtataguan namin. Nakita kong napalingon sa aparador ang dalawang Don. Nagkatinginan sila ngunit biglang lumundag mula sa itaas ng aparador ang pusang alaga ni Don Antonio kung kaya't nagtawanan na lang sila.

"Ano ba ang ibig mong sabihin sa'kin na hindi dapat marinig ng iba?" tanong ni Don Antonio kay Don Severino, nababalot na ng usok ang buong opisina dahil sa sabay nilang paghithit ng tobacco.

Tumawa muna si Don Severnio bago magsalita, "Ibig ko lang sana iparating sa iyo ang tungkol sa mga hakbang ni Sebastian. Bilang isang ama, aking hinihiling na kausapin mo ang iyong anak"

"Anong ibig mo sabihin?"

Tumawa muli si Don Severino saka ibinuga ang usok, "Hindi lingid sa iyong kaalaman na nagkaroon nang hindi magandang pagkakaunawaan sa pagitan naming dalawa nang kampihan niya ang isang serbidora. Sa totoo lang, wala naman akong pakialam kung sino ang paburan niya ngunit ang akin lamang, hindi ko matanggap na nagawa niya akong ipahiya at lapastanganin ang aking reputasyon sa harap ng madla. Inaanak ko pa naman siya" wika nito, dahan-dahan akong napatingala kay Sebastian. Nakatitig lang ito sa dingding ng aparador at pinapakinggang mabuti ang sumbong ni Don Severino.

Napahinga nang malalim si Don Antonio saka inilapag ang kaniyang tobacco, "Huwag kang mag-alala amigo, aking kakausapin ang aking anak" napangiti si Don Severino dahil mukhang pumanig sa kaniya ang kaibigan.

"Pakisabi rin na palayain na niya ang aking mga tauhan. Hindi nakabubuti sa ating alyansa ang pagbihag niya sa aking mga tao. Batid mo naman ang ibig kong mangyari hindi ba amigo?" ngisi muli ni Don Severino, sandaling napatitig sa kaniya si Don Antonio na 'di kalaunan ay nakisabay na rin ito sa pagtawa.

Tumayo na si Don Severino na sinabayan din ni Don Antonio, sabay silang naglakad papalabas sa opisina ngunit bago nito buksan ang pinto ay muling napalingon si Don Severino, "Siya nga pala, kung maaari ay kausapin mo rin si Don Florencio ukol sa kaniyang serbidora" ngisi nito, nanlaki ang aking mga mata sa aking narinig. Ako ba ang tinutukoy niya?

"Sinong serbidora?" nagtatakang tanong ni Don Antonio, tumawa muli ng malakas si Don Severino sabay tapik sa balikat ng kaibigan. "Ang babaeng kinampihan ni Sebastian" napatango na lang si Don Antonio at muling naghari ang kanilang tawanan papalabas sa opisina.

Nang masiguro na naming nakalayo na sila, dahan-dahan kong binitawan si Sebastian. Maingat din siyang bumaba sa aparador paatras at nang makababa siya, hindi niya alam kung dapat ba niyang ilahad ang kaniyang palad sa tapat ko o kung bubuhatin niya rin ba ako tulad kanina. Sa huli, pinili na lang niyang ilahad ang palad niya para alalayan akong bumaba sa mataas na aparador.

Agad sumilip si Sebastian sa pinto, "Kailangan mo nang makalabas dito. Ipapahatid kita kay Niyong" wika niya saka isinarado ang pinto at lumingon sa akin. Ngayon ko lang napansin na pinagpapawisan siya, hindi naman gano'n kainit sa loob ng aparador kanina.

Salamisim (Published by Bliss Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon