Kabanata 11

223K 12.3K 18.5K
                                    

[Chapter 11]

MALAKAS na busina mula sa mga nagdaraang sasakyan ang umalingangaw sa buong paligid. Napahawak ako sa aking ulo, nakaramdam ako ng pagkahilo. Hindi ko alam kung bakit ako nakatayo sa tapat ng basurahan. Nababalot ng liwanag ang paligid mula sa mga ilaw ng sasakyan, poste at Post office building.

Dumulas ang bag ko sa aking balikat at bumagsak ito sa sahig, agad kong dinampot iyon at nagsimulang humakbang pabalik sa abangan ng bus.

Naroon din ang iilang mga tao na nag-aabang din ng huling byahe. Napatigil ako nang biglang may motorsiklo na huminto sa tapat ko, "Ngayon ka pa lang uuwi?" tanong niya saka hinubad ang suot nitong helmet.

Hindi ko masyado maaninag ang mukha niya dahil parang nanlalabo pa ang aking paningin at tila umiikot ang paligid. "Faye, okay ka lang?" ulit nito saka hinawakan ang braso ko dahilan upang matauhan ako sa mga nangyayari. "Oo, nahihilo lang ako ng kaunti" tugon ko, napatingin siya sa kalsada.

"May bus pa bang dadaan?" tumango ako sa tanong niya kahit hindi ko sigurado kung nakaalis na ang huling byahe ng bus.

"Halika, sabay ka na sa'kin" inabot niya ang isang helmet, kinuha ko na iyon saka isinuot sa aking ulo. Mukhang wala na akong masasakyan, magkaibigan naman kami ni Mike kaya hindi na dapat ako tumanggi pa.

"SIGURADO ka bang okay ka lang talaga?" tanong ni Mike saka inalapag ang dalawang mainit na bulalo flavor cup noodles sa mesa. Tumigil muna kami sa isang convenience store, nakaharap kami ngayon sa glass window kung saan nakikita namin ang patuloy na pagdaan ng mga sasakyan sa kalsada.

"Sumakit lang 'yung ulo ko, pero uminom na ko kanina ng gamot sa byahe" hinalo na niya ang cup noodles. Napatitig lang ako sa mainit na pagkaing iyon na nasa harapan ko.

"Namumutla ka kasi, hindi ka na dapat nag-oovertime. May pasok pa tayo bukas" saad niya saka tinikman ang noodles pero napakunot ang mukha niya dahil mainit pa ito, mukhang napaso ang kaniyang dila.

"Lipat ka na lang sa department namin. Mababait boss namin at walang masungit sa team. Para kasing lagit sa mundo 'yung boss niyo e" tawa niya, napangiti na lang ako sa sinabi niya. Alam kong sinubukan niya akong patawanin para gumaan ang pakiramdam ko.

"Hindi ako IT, baka masira ko lang lahat ng system at PC sa office. Adik ka talaga" natawa siya sa sinabi ko saka muling napa-aray dahil mainit pa ang noodles.

"Baka naman overfatigue ka na rin lalo na sa pagsusulat" wika niya, saka napalingon sa akin. Tiningnan niya ang binili niyang cup noodles na nasa tapat ko, hindi ko pa ito nagagalaw. "Ayaw mo ba?" natauhan ako, hindi ko alam kung bakit ako natutulala ng ganito.

"Ha? Ah, gusto ko" saad ko saka kinuha ang plastic fork at hinalo iyon. "Mainit pa kasi" patuloy ko, sinubukan kong tikman pero napaso din ang dila ko dahilan upang tumawa siya.

"Ano nga ulit 'yung sinasabi mo kanina?" tanong ko, sumandal siya sa silya saka binuksan ang bottled water at uminom.

"Baka napapagod ka na magsulat" tiningnan ko siya pero ngumiti lang siya.

"Oo nakakapagod magsulat pero alam mo 'yung pagod na masaya ka pa rin. Nakakapagod pero hindi nakakasawa" tumango-tango siya sa sinabi ko.

"Inumpisahan ko na basahin 'yung story mo, nasa chapter six na ko" ngiti niya, napatingin ako sa kaniya.

"Niloloko mo na naman ako. Loko ka talaga" nagpatuloy ako sa pagkain, tumawa lang siya. Alam ko namang hindi siya mahilig magbasa. Palagi pa siyang humihingi ng libro sa'kin pero hindi naman niya binabasa.

"Oo nga! Totoo na 'to promise. Nandoon na ko sa part na engaged na sina Sebastian at Maria Florencita" ngisi niya saka humigop ng sabaw. "Paano ka nagkaroon ng libro? Hindi naman kita binigyan"

Salamisim (Published by Bliss Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon