Kabanata 16

195K 12.1K 21.1K
                                    

[Chapter 16]

NANATILI lang akong nakatingin sa kaniya habang umiihip ang marahan na hangin. Siya na ang unang humakbang paatras. Muli siyang kumuha ng bala at inilagay iyon sa baril. Hindi ko mabasa ang tumatakbo ngayon sa kaniyang isipan. Alam na ba niya na isa akong babae?

Magsasalita na sana ako ngunit biglang dumating si Niyong "May agahan na tayo" wika niya, saka itinaas ang hawak niyang tatlong patay na ibon. "Anong---" hindi ko natuloy ang sasabihin ko nang mapagtanto ko na ang tatlong ibon na iyon ay tinamaan ng mga bala kanina.

Agad nagsindi ng apoy si Niyong. Kumuha naman ako ng mga panggatong. Tinanggalan ni Sebastian ng balahibo ang ibon. "Sandali..." awat ko sa kaniya, nakataas ang kaniyang manggas upang hindi iyon mabahiran ng dugo.

Napalunok ako, "Pwede naman sigurong 'wag na lang natin sila kainin" saad ko, nagkatinginan sina Sebastian at Niyong.

"Sinong sila?" tanong ni Niyong. Tinuro ko ang mga ibon na hawak ni Sebastian.

"Namatay na kasi sila dahil sa'tin. Kung hindi tayo nagbaril dito siguradong buhay pa sila ngayon. Paano na lang 'yung pamilya nila na naghihintay sa kanila pauwi" patuloy ko, napatigilid ang ulo ni Niyong. Nakatingin lang sa'kin si Sebastian na walang emosyon.

"Anong... gusto mong gawin sa... kanila?" tanong ni Niyong, bakas sa mukha niya na gulong-gulo siya sa mga sinasabi ko.

"Ilibing na lang---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil nagpatuloy si Sebastian sa pagtatanggal ng balahibo ng ibon sabay sabing, "Kakainin natin sila. Nang sa gayon, hindi mauuwi sa wala ang kanilang pagkamatay"

Napatango si Niyong saka nagpatuloy sa pagsindi ng apoy. Sinubukan kong magsalita ulit pero nagpatuloy si Sebastian, "Wala naman sigurong nilalang na ibig mamatay nang walang kabuluhan" tumayo siya saka naglakad papunta sa malapit na sapa at hinugasan ang mga kawawang ibon.

Alas-siyete na ng umaga nang maluto ang tatlong kalapati. "Mangunguha lang ho ako ng mga santol" saad ni Niyong saka naglakad patungo sa puno ng santol mula sa di-kalayuan. Tulala lang akong nakatitig sa mga ibon. Alam kong nasa loob lang naman ako ng kwento pero nalulungkot pa rin ako sa sinapit nila.

Kinuha na ni Sebastian ang isang lutong ibon saka inabot sa'kin. "Hindi pa ko nagugutom" saad ko, hindi siya nagsalita. Kinain na lang niya iyon. Iniisip na siguro niya na mahina akong lalaki dahil hindi ko kayang kainin ang ibon tulad nang kaya nilang gawin ni Niyong.

"Marahil ay nagmula ka rin sa may kayang pamilya" wika niya, napalingon ako sa kaniya. "Mas lalong dumaragdag ang aking pagdududa sa iyong pagkatao. Kung nagmula ka nga sa may kayang pamilya, bakit kailangan mo manilbihan sa pamilya Garza?" napapikit na lang ako. Halos kalahati ng buhay ko dito sa loob ng libro ay pinagduduhan at hinuhusgahan ng mga characters.

"Hindi ba pwedeng naaawa lang ako sa mga ibon kaya hindi ko kayang kainin? Maarte na ako agad?" reklamo ko sa kaniya, napakurap siya ng dalawang beses habang kagat-kagat 'yung karne ng ibon. Bakas sa mukha niya na nagulat siya sa tono ng pananalita ko. Nagugutom na rin ako pero hindi ko talaga kayang kumain ng kalapati.

Inilapag ni Sebastian ang kinakain niya sa isang dahon saka pinagpagan ang kaniyang kamay, "Hindi pa rin malinaw sa'kin kung paano ka nakapasok bilang bantay ni Maria Florencita" patuloy niya, napairap na lang ang aking mata. Walang katapusang interrogation ang inaabot ko sa kaniya.

Napatingala ako sa asul na langit, parang naitanong na niya sa'kin iyon dati. Pilit kong inaalala ang isinagot ko sa kaniya noon. "Tinulungan nga akong makapasok ng kaibigan ko na nagtatrabaho sa kanila" tugon ko, amoy chiken inasal 'yung kalapati kung kaya't nahihirapan din ako pigilan ang aking sarili.

Salamisim (Published by Bliss Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon