CHAPTER THREE - Part 2

1.2K 57 3
                                    

"SIGURADO ka bang hindi ka na magpapahatid? Will you be okay?" nag-aalalang tanong ng Mommy ni Julianna kay Darlene.

Ngumiti siya sa mabait na ginang. "Opo, huwag po kayong mag-alala. Sanay naman po akong umuwi ng ganitong oras. Text ko na lang po si Julianna kapag nasa bahay na ako," sagot niya.

"O sige," pagpayag nito.

"Thank you po ulit," nakangiting sabi niya bago tuluyan umalis.

Nag-practice sila ni Julianna buong hapon. Hindi na nila namalayan ang oras, mabuti na lang at nakapagpaalam siya sa Nanay niya kaya kampante si Darlene na hindi mapapagalitan pag-uwi. Pagdating sa tapat ng isang malaking bahay, biglang napahinto si Darlene ng mapansin na tila may lumabas na tao mula sa sulok ng hardin sa loob ng bakuran na iyon. Nang titigan niya iyon ng husto, isang matangkad na lalaki na mukha pormal ang suot. Bigla siyang napatakbo at nagtago sa gilid ng malaking puno ng lumingon ito sa paligid. Nakaramdam ng takot si Darlene ng makitang naka-maskara na puti ang lalaki.

Hala, sino 'yon? Kinakabahan na tanong niya sa sarili.

Pero hindi lumabas ng bakuran ang lalaki, sa halip ay pumasok na ito sa loob ng bahay. Hanggang sa napapitlag siya ng biglang bumukas ang pinto ng flower shop na nasa labas lang ng bahay na iyon. Gaya ng nakita niyang misteryosong lalaki na nakakulay puti na maskara, hindi lang isa kung hindi marami. Hula niya ay humigit kumulang sampung kalalakihan ang mga ito. Pormal ang suot ng mga ito, tuluyan natakot si Darlene ng makitang naka-maskara din ang mga ito.

"Multo..." wala sa sariling usal niya.

Wala sa sariling napaatras siya, kasunod ng pagtunog ng natumbang lata. Napapikit siya ng mariin, sabay lingon sa likod. May mga lata pala sa sulok at nasagi ng paa niya iyon. Dahilan para makuha niya ang atensiyon ng mga lalaking lumabas mula doon sa flower shop.

"Sino 'yan?" tanong agad ng isa sa mga ito.

Natutop niya ang bibig. Nanginig siya sa takot ng humakbang palapit sa pinagtataguan niya.

"Sino ba yan? Darl..."

Dahil sa sobrang taranta, bigla siyang sumigaw at nagta-takbo.

"Inang ko po, multo!" tili niya sabay karipas ng takbo.

"Sandali lang, Darlene!" narinig niyang sigaw ng lalaki.

Pero hindi siya lumingon. Hindi na muna niya iisipin kung paano siya nakilala nito, ang importante ay makalayo siya agad, kaya binilisan niya ang takbo. Nagulat na lang siya ng biglang may humawak sa braso niya sabay hila sa kanya. Kaya tumili na naman siya, kasunod niyon ay agad nitong tinakpan ang bibig niya.

"Darlene, it's me! Steven!" sabi ng lalaki.

Ngunit hindi na siya nakasagot pa dahil ilang segundo lang ang nakalipas ay biglang siyang nawalan ng malay.



NAALIMPUNGATAN si Darlene matapos maramdaman ang magaan na tapik sa kanyang pisngi.

"Darlene, hey, wake up," anang isang pamilyar na boses ng lalaki.

Dahan-dahan niyang minulat ang mga mata. Hanggang sa maalala niya ang nangyari, napabalikwas siya ng bangon ng wala sa oras sabay lingon sa paligid.

"Nasaan ako?" may takot pa rin na tanong niya.

"Nandito ka sa hide out ng Love Confessions Society."

Love Confessions Society Series 3: Steven Santos (Tanangco Boys Batch 2)Where stories live. Discover now