CHAPTER FOUR - Part 1

1K 52 0
                                    

          LUNCHTIME. Panay ang lingon ni Darlene habang naglalakad papasok ng main campus.

"Nasaan na kaya iyon?" tanong pa niya, sabay sulyap sa oras sa lockscreen ng phone niya.

"Hi Darlene!"

Ngumiti siya ng makita ang classmates niyang babae. Kasama ang ilan sa mga ito sa musical play.

"Hi," bati din niya.

"Anong ginagawa mo dito? Hindi ka ba kakain? Lunchbreak na," tanong ng isa.

"Kakain, may hinihintay lang ako," sagot naman niya.

"Oo nga pala, balita ko nakahanap ka na daw ng gaganap sa iniwan role ni Jason."

"Parang ganoon na nga, kaya lang, hindi pa talaga siya pumapayag. Sinusubukan ko pa rin siyang kumbinsihin," sagot niya.

"Ay naku girl, go! Push mo 'yan! Sabihin mo lang kung kailangan mo ng tulong namin," sabi pa ng classmate niya.

"Sige, thank you ha?" nakangiting sagot niya.

Nawala sa mga kausap ang atensiyon niya ng biglang tumili ang isang grupo ng mga estudyante sa tabi nila.

"OMG! Ayan na sila!" kinikilig na wika ng isang babae.

"Oh no... oh no... papunta na sila sa canteen!"

"Girls, make sure na sa tabi ng table nila tayo pupuwesto ha?"

Pagtingin niya sa di kalayuan ay paparating na pala ang sampung pinaka-sikat na estudyante doon sa campus nila. Biglang naalala ni Darlene ang nalaman niyang sikreto ng mga ito, ang Love Confessions Society. Ngayon na tinitingnan niya ang mga ito, kahit kaunti ay hindi talaga halata sa mga ito na papasang kupido pala ang mga ito. Sa dami ng mga nakikita niyang mga babaeng labis na humahanga sa mga ito, mas maniniwala siyang maaring pumasa ang mga ito bilang mga playboy. Pero hindi iyon ang nasaksihan niya. Those boys are more than just their handsome faces, at mapalad ang mga babaeng mamahalin ng mga ito.

Napako ang mga mata ni Darlene kay Steven. Gusto niyang mapailing, panay ang ngiti ng binata sa mga babaeng nadadaanan nito. Naalala niya ang misyon na kailangan gawin, ang mapasagot si Steven.

My gulay, kaya ko bang manligaw? Nakakahiya! Pero hindi, huwag mong isipin ang sarili mo Darlene. Para sa musical play! Hiyaw niya sa isipan saka napapikit.

"Ano? Ready ka na?"

Literal na napapitlag siya sa gulat sabay lingon. Nakahinga si Darlene ng makitang si Julianna at nasa tabi nito si Regine.

"Saan?" tanong pa niya.

"Sabi mo di ba? Desidido ka ligawan ang pinsan ko para lang pumayag siyang kunin ang role?"

Marahan siyang tumango.

"Naisip ko kasi, panahon na rin siguro na ipakita sa lahat na kahit tukmol 'yan si Esteban Santos. May bonggang talent naman, kaya dahil diyan, tutulungan kita," sabi pa ni Julianna.

"Talaga?!" hindi makapaniwalang bulalas ni Darlene.

"Oo naman, kaya halika na! Sumama ka sa amin," sabi pa ni Regine, pagkatapos ay sumunod sila sa mga ito. Pero bago pumasok ng canteen ay pinigilan muna niya ang mga ito.

"Teka lang, hindi ko pa alam kung paano at saan ako magsisimula. Hindi ko pa naranasan manligaw sa lalaki," pag-amin niya.

Napaisip ang dalawa.

Love Confessions Society Series 3: Steven Santos (Tanangco Boys Batch 2)Où les histoires vivent. Découvrez maintenant