CHAPTER FIVE - Part 2

971 54 2
                                    

ALAS-NUWEBE na ng gabi ng matapos ang rehearsal ni Darlene kasama si Julianna. Matapos kumain ng gabihan, makalipas lang ng ilang sandali ay nagpaalam na sila ni Mhay. Sinundo ito ng boyfriend nito, kaya siya na lang mag-isa ang uuwi.

"Thank you po ulit sa dinner, Tita Cassy," nakangiting sabi ni Darlene sa magandang Mommy ni Julianna.

"You're welcome hija," sagot nito, pagkatapos ay niyakap pa siya.

Hinatid siya ni Julianna hanggang sa may gate. Lumingon pa ito sa paligid.

"Gabi na girl, ipahatid kaya kita kay Steven," sabi pa nito.

"Ay naku 'wag na! Ikaw na rin ang nagsabi na busy 'yon. Huwag mo akong alalahanin," sagot niya.

"O sige. Teka, maalala ko, kumusta na pala ang panunuyo mo sa pengkum na pinsan ko na 'yon? May pag-asa ba?" usisa pa nito.

Napangiti na lang siya sabay iling ng maalala ang ginawa niya kanina, pagkatapos ay tumingin kay Julianna.

"Ang totoo, hindi ko alam. Isang piraso pa lang ng bulaklak ang nabigay ko, wala pa sa kalahati ang effort ko," sagot niya.

"This can't be! Kailangan tanggapin na ni Steven ang role, my gosh! Marami pa siyang kailangan pag-aralan," sabi pa nito.

"Kaya nga eh, huwag kang mag-alala. Ako ang bahala, pasasaan ba't tatanggapin din niya ang role," sagot ni Darlene.

"Uy ah, baka mamaya mauwi sa totohanan 'yang ligaw-ligaw na 'yan," sabi pa nito.

"Ha? Ano ka ba? Hindi ah," sabi niya.

"Hay naku girl, pero kung iyon ang mangyayari. Ay bet! Boto ako sa'yo para sa pinsan ko! Saka para din makalimutan mo na ng tuluyan si Jason, mokong na 'yon!"

Biglang natigilan si Darlene. Noon lang niya naalala ang dating nobyo, kung hindi pa ito binanggit ni Julianna ay hindi sasagi sa isipan niya ito. Hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin ito tumatawag. Aaminin niya, noong mga unang araw simula ng hiwalayan siya nito. Umasa pa rin si Darlene na hindi siya matitiis ni Jason at tatawagan siya nito. Pero kahit mensahe ay wala pa rin siyang natatanggap, siguro kailangan na nga talaga niyang kalimutan ito. At nagpapasalamat siya dahil hindi niya naranasan ang hirap na dinanas ng ibang kaibigan niya na-brokenhearted. Naging malaking tulong ang theatre club at ang dami ng ginagawa niya sa school kaya naging abala siya. Sa ganoon paraan ay hindi niya magawang isipin ito o ang sakit na naramdaman niya ng bigla siyang iwan nito sa ere.

"Ang importante sa akin ngayon ay ang musical play natin. Ayoko ng sayangin ang panahon ko na isipin ang taong ayaw sa akin," sabi niya.

"Tama ka diyan, ipakita mo sa kanya kung sino ang sinayang n'ya," dugtong pa nito.

Napangiti si Darlene matapos tingnan ang kaharap. Hindi niya akalain na dahil sa teatro ay magiging kaibigan niya ito.

"O sige na, uwi na ako," paalam niya.

"Okay, ingat! See you tomorrow sa school," sagot nito.

"See you," aniya.

Hindi pa man din masyadong nakakalayo si Darlene sa bahay nila Julianna, napahinto siya ng makitang nasa tindahan ni Olay si Steven at abalang nakikipag-usap kay Dawson. Sa hindi malamang dahilan ay biglang umahon ang kaba sa dibdib niya, lalong dumoble iyon ng biglang mapalingon si Steven sa gawi niya. Agad nitong iniwan si Dawson at lumapit sa kanya. Gustong pumikit ni Darlene ng muling gumuhit ang magandang ngiti ng binata, hindi kasi niya mapigilan ang sarili na ma-attract sa ngiti nito.

Love Confessions Society Series 3: Steven Santos (Tanangco Boys Batch 2)Où les histoires vivent. Découvrez maintenant