CHAPTER SEVEN - Part 1

964 49 0
                                    

PAGDATING nila sa mall ay agad silang pumunta sa arcade. Pero papasok pa lang si Darlene ng huminto sa paglalakad si Steven at may kinuha mula sa wallet nito.

"Ako ang taya dito, huwag ka ng maglabas ng pera. May sobra naman sa allowance ko," sabi niya.

Tumingin sa kanya ang binata, saka inangat ang isang card.

"I know, pero may card ako nitong arcade na 'to. Two hundred plus ang laman nito, ang tagal ko ng hindi nagagamit, sayang naman 'to. Nandito na rin lang tayo," sabi pa nito.

"Steven, ako ang nagyaya. Ako ang gagastos," giit ni Darlene.

Imbes na sumagot ay nginisian lang siya nito pagkatapos ay hinawakan sa kamay sabay hila sa kanya papasok ng arcade. Wala ng nagawa pa si Darlene ng gamitin ni Steven ang card nito sa mga games, kaya minabuti niyang hayaan na lang ito.

Hindi alam ni Darlene kung kailan siya huling tumawa at nag-enjoy ng ganoon. Noong sila pa ni Jason, hindi niya maalala kahit kailan na pumunta sila sa arcade at nagpakasaya ng ganoon. Iyong parang wala ng bukas na darating. Iyong tatawa ng walang pakialam sa mga tao sa paligid nila. Hindi pa niya naranasan iyon, ngayon lang, sa piling ni Steven.

Mapa-car racing, o iba pang mga games. Palagi silang nagpa-paligsahan, kung sino ang mananalo ay pipitikin ang noo ng talo. Hindi siya pamilyar sa mga games sa arcade, dahil minsan lang naman pumunta doon si Darlene. Kaya laking tuwa niya ng madalas ay siya ang nananalo. Kaya tuloy ay panay ang pitik niya sa noo ni Steven. Minsan nga ay naaawa na siya dahil namumula na ang noo nito. Nang dumating sila sa larong counter strike, doon na siya nag-alangan. Iyon mga ganoon klaseng laro ang walang siyang alam.

"I swear, mananalo na ako ngayon," determinadong sabi ni Steven.

Tumawa siya. "Wow, confident! Palibhasa wala akong alam sa larong 'to," pang-aasar pa ni Darlene.

Ngumisi ang binata na para bang sigurado na ito na mananalo.

"It's time for revenge!" sigaw pa nito sabay tutok ng baril sa malaking tv screen.

"Bang!"

Natatawa habang napapailing na lang si Darlene.

"Teka, paano ba 'to?" tanong pa niya.

Lumapit si Steven sa kanya. Nagulat pa siya dahil pumwesto sa likod niya ang binata at halos nakayakap sa kanya habang pinapaliwanag kung paano iyon laruin. Hinawakan nito ang kamay niya, habang patuloy siyang tinuturuan.

"Kapag maglo-load ka ng bala, ibababa mo lang 'yong baril, tapos tapakan mo 'to," sabi pa nito ng hindi man lang bumibitaw sa kanya.

Muling naging aktibo ang puso niya, it started beating fast and crazy. Pinipigilan ni Darlene ang sarili na langhapin ang mabangong amoy ng binata ng salakayin nito ang ilong niya. Pinilit niyang i-focus ang sarili sa sinasabi ni Steven, pero isipin pa lang na nakayapos sa kanya ang binata ay parang gusto ng mabaliw ng husto ng puso niya.

Bakit ba ganito ang nararamdaman ko? Naguguluhan tanong niya sa sarili.

"Ano? Alam mo na?" biglang tanong ni Steven.

Napakurap siya sabay ngiti, paglingon ni Darlene. Muli siyang natigilan ng makitang kaylapit ng mukha nito sa kanya. Bigla niyang nakalimutan ang isasagot niya, napako na ng tuluyan ang paningin niya sa magandang pares ng mata ng binata. Unti-unting nawala ang ngiti sa labi ni Steven, habang nakatitig din sa kanya. Hindi alam ni Darlene kung gaano sila katagal na nakatingin sa isa't isa. Basta na lang siya napakurap kaya pasimple siyang lumayo dito.

Love Confessions Society Series 3: Steven Santos (Tanangco Boys Batch 2)Where stories live. Discover now