Chapter Fifteen

298K 9.8K 5.3K
                                    

"Maliit ba ang tainga ko?"

Ilang minuto na yata akong nakatitig sa harap ng salamin habang tinititigan ang tainga ko.

Bakit naman kaya gano'n ang type ni Mayor? Ang weird naman ng taste niya. May iba pa kaya siyang kilala na maliit ang tainga bukod sa 'kin? Maliit ang tainga ko pero hindi lang naman ako ang nag-iisang gano'n sa buong mundo.

Naiinis na napapadyak na lang ako sa sahig at tumayo saka lumabas ng kuwarto namin ni Mayor. Maaga siyang umalis dahil may kailangan daw siyang asikasuhin kaya hindi na siya rito nag-almusal.

"Mama."

Napatingin ako kay Arkia na agad akong sinalubong. Mukhang kagagaling niya lang sa silid niya, halata na kaliligo lang niya dahil basa pa ang buhok niya.

"Nagugutom ka na ba?" tanong ko.

Hindi siya sumagot. Napailing na lang ako at hinawakan ang kamay niya saka hinila siya papunta sa dining room. Hanggang ngayon nahihiya pa rin sa 'kin ang batang 'to? Kurutin ko kaya siya sa singit para hindi na siya mahiya sa 'kin?

"Arkia, maliit ba ang tainga ko?" tanong ko saka kumuha ng hotcake powder sa cabinet.

Napatingin ako kay Arkia habang hinihintay ang sagot niya. Nakakunot lang naman ang noo niya habang nakatingin sa 'kin na tila ba naguguluhan siya kung bakit ko iyon tinanong.

"They're kinda small. Why did you suddenly ask that?" tanong naman niya.

Napakagat ako sa ibabang labi ko at pasimpleng napahawak sa tainga ko. Kung ganoon, pasok pala ako sa taste ni Mayor, ayos 'yon. Sana 'wag nang lumaki 'tong tainga ko.

"May crush kasi ako, Arkia. Tapos sabi niya ang type niya raw sa babae e 'yung maliliit ang tainga," paliwanag ko naman sa kaniya saka sinimulang lutuin ang hotcake.

"Si Papa ba ang tinutukoy mo?" nakakunot-noong tanong niya.

"Hindi, a. Hindi lang naman papa mo ang crush ko, 'no. Ang dami ko kayang crush," sabi ko naman saka ngumiti sa kaniya.

"Paglaki ko marami rin akong crush," seryosong sabi niya habang nakatitig sa 'kin.

Napasinghap ako at dali-daling hinango ang hotcake saka lumapit sa kaniya. Impit na napatili naman siya nang kurutin ko nang malakas ang pisngi niya.

"Akala ko ba magmamadre ka? Bawal magka-crush ng marami, hindi maganda 'yon," pananaway ko sa kaniya.

"E di bawal ka rin magka-crush ng marami, si Papa lang dapat," nakangusong sabi niya habang nakahawak sa pisngi niya na kinurot ko.

Si Mayor lang naman talaga ang crush ko. Ayoko lang talaga na isipin niyang masyado akong patay na patay kay Mayor, dapat slight lang.

"Sus, gusto mo na talaga akong maging mama mo, 'no? Wala ka na kasi talagang makikilala na tulad ko. Perfect mother ako para sa 'yo," napapangiting sabi ko saka inihain sa kaniya ang hotcake at gatas niya.

Nanatili naman siyang walang emosyon habang nakatitig sa 'kin. Napakamot na lang ako sa batok ko saka napaiwas ng tingin sa kaniya.

Badtrip naman talaga 'tong batang 'to. Minsan hindi ko maintindihan kung boto ba talaga siya sa 'kin o gusto niya lang ng mapagti-trip-an. Parehas sila ni Mayor na hindi ko mabasa ang laman ng isip.

"Mama."

Napatigil ako sa pagtitimpla ng kape at napatingin kay Arkia. Napakamot siya sa batok niya saka napatungo. Binubuka niya rin ang bibig niya na parang may gusto siyang sabihin kaso nahihiya siya.

"Ano 'yon? May gusto ka bang sabihin?" tanong ko saka umupo sa tabi niya habang hinahalo ang kape ko.

"M-may ano kami," nauutal na sabi niya. Halatang hindi niya masabi ang gusto niyang sabihin.

Call Me Mayor (SERIE FEROCI 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon