FIGHT THIRTY THREE

2.6K 210 26
                                    

FIGHT FOR YOUR LIFE
FIGHT THIRTY THREE

ZIA

Nagtago ako sa gilid matapos kong talikuran si Queen nang sabihin ditong babalik ako sa kusina.

Nagbuntong hininga ako nang makitang pumasok na si Queen sa kwartong ipinagamit sa amin nina Patricia.

Naikuyom ko ang aking kamao at mariin na ipinikit ang mga mata. Gusto kong umiyak nang umiyak. Hindi ko man ipakita sa iba pero alam ko ang totoo.

Sobra akong nasasaktan sa nangyari kay Beans. Sobrang masakit sa dibdib. Nakakapagngalit ng kalamnan.

"Anong ginagawa mo riyan?"

Bigla akong napaangat ng tingin nang marinig ang boses ni Jelly.

"Tapos ka nang kumain?" tanong ko na tinanguan nito.

Naiiwas ko ang aking tingin nang diretso akong tingnan ni Jelly sa mga mata.

"Gusto mong mag-usap?"

Napaawang ang aking labi sa sinabi niya. Dahan-dahan akong tumango na sinagot nito ng isang ngiti.

"Tara sa labas," aya nito at nauna nang lumakad.

Umupo si Jelly sa maliit na hagdan at ginaya ko siya. Umupo ako sa tabi niya at nagpakawala ako ng isang malalim na paghinga.

"Sorry."

"Ha?" maang ko sa sinabi ni Jelly.

Bakit siya nag-sosorry? Para saan?

"Sorry kasi bumigay ako sa harap niyo. Hindi ko naisip na nasasaktan din kayo ni Queen. Hindi ko naisip na sa pagkawala ni Beans, pare-parehas lang tayo ng nararamdaman. Galit, sakit o kung ano pa man," paliwanag nito at hinawakan ang kamay kong nakapatong sa aking hita.

"Hindi. Huwag kang magsorry. Ang tapang mo nga eh, naiiyak mo yung sakit samantalang kami ni Queen hindi makaiyak," saad ko at mapait na ngumiti.

Naramdaman kong pinisil ni Jelly ang aking kamay. Parang bigla ay umakyat sa mata ko ang lahat ng sakit.

Naramdaman ko ang unti-unting pag-agos ng luha sa aking pisngi. Lumapit sa aking pisngi ang palad ni Jelly.

"A-Alam mo, parang....parang naririnig kong kumakahol si Beans. H-Hindi ko alam kung b-bakit, pero simula kanina nung namatay siya...naririnig ko siyang kumahol, baliw na ba ako?" Umiiyak na saad ko at mahigpit na humawak sa kamay ni Jelly na nasa aking mukha

Mapait na ngumiti si Jelly at pinunasan ang aking  pisngi gamit ang hinlalaki niya.

"Hindi. Siguro kasi nangungulila ka lang, paglipas ng ilang araw mawawala rin 'yan." Hinaplos ni Jelly ang aking ulo kaya muli akong nag-angat ng tingin. "Siguro kasi bago pa lang."

"Si Jay," saad ko na bahagyang pumiyok. "Anong sasabihin natin kay Jay? Paano natin sa kanya ipaliliwanag?" nag-aalang tanong ko nang maalala ang bata.

"H-Hindi ko alam," sagot ni Jelly at nagbuntong hininga.

"Momma Jelly, Mama Zia."

Sabay kaming napalingon sa likod nang marinig ang maliit na boses ni Jay.

Kinukuskos ni Jay ang dalawang mata, halatang nagising ito.

"Bakit?" tanong ko at inabot ang kamay ni Jay.

Kung normal na araw siguro ito ay nag-aasaran na kaming dalawa ng batang ito. Pero hindi, eh...kahit saang anggulong tingnan, hindi magiging normal ang araw na ito.

"Napanaginipan ko po si Beans," saad nito dahilan upang magkatinginan kami ni Jelly.

"Tumatakbo po palayo sa akin si Beans, a-ayaw na po ba ni Beans sa akin?" tanong nito na nanunubig ang mga mata.

"Mahal mo si Beans 'di ba?" tanong ko na tinanguan nito. "Kung mahal mo si Beans, mahal ka rin niya," saad ko at sinuklay ang kanyang buhok gamit ang aking mga daliri.

"P-Pero bigla pong nawala si Beans sa panaginip ko habang tumatakbo," ani nito at sumingit sa gitna namin ni Jelly.

"Hmm, ibig sabihin masaya si Beans," katwiran ko na alam kong ang layo-layo sa sinabi ng bata.

"Alam ko naman pong kinain ng zombie si Beans."

Nanigas kaming dalawa ni Jelly mula sa narinig.

"Nakita ko po na hinila ni Avery si Beans palabas ng kotse, tapos kinain si Beans," dugtong nito.

Hindi ko alam kung tatawa ba ako dahil Avery lang ang itinawag niya sa babae at hindi man lang nilagyan ng Ate.

"Ang sama-sama po ng ugali niya. Tsaka kawawa si Beans, hindi pa niya naaamoy yung eroplanong bigay mo," nakakunot ang noo nito habang nagsasalita at bahagya ring humaba ang nguso. "Wala na ring hahabol sa kotse-kotsehan ko. Wala na rin po ako kasama maglaro sa labas kapag umaalis kayo."

Sa sinabi nito ay nagbara ang aking lalamunan at nag-init ang sulok ng aking mga mata.

Tumingin ako kay Jelly at nakita ko rin ang sakit sa mata niya.

"Bakit nasa labas kayo? Gabing-gabi na, paano kung may zombie na biglang sumulpot sa harap niyo?"

Nalingunan namin ang nakapameywang na si Queen at naniningkit ang mata sa aming tatlo.

"Naku po!" bulong ni Jay na tila ba nahuli sa isang kasalanang ginawa

"Pumasok na kayo!" nanlalaki ang matang utos ni Queen.

Tumayo na kami nina Jelly.

"Mommy Queen, wala man po si Beans sa atin masaya naman po siya sa heaven. Kanina sa panaginip ko bigla siyang nawala kasi kinain siya ng liwanag. Kaya alam kong nasa heaven si Beans," saad ni Jay hindi pa man kami nakapapasok sa loob mismo ng bahay.

Napaawang ang aking labi ng biglang mapaluhod si Queen.

Nakita ko ang pagyugyog ng kanyang balikat at impit na paghagulhol.

"B-Bakit mo pa 'yan sinabi!" singhal ni Queen sa pagitan ng pag-iyak. "Ayoko ngang u-umiyak, eh bakit mo ko pinapaiyak," dagdag ni Queen na nagpangiti sa akin nang mapakla.

"Natatakot po ako."

Natigilan kaming tatlo at natigil rin si Queen sa pag-iyak ngunit nandoon pa ang pagsinghot-singhot.

Pinaikutan namin si Jay at kitang-kita namin ang takot sa mukha ng bata. Mukhang iiyak na rin ito dahil nanginginig ang mga labi at namumula ang ilong.

"Paano po kung ako naman ang makain ng zombie? Hindi ko po kayang lumaban katulad niyo, paano po 'pag namatay ako. Ayoko pong umiyak kayong tatlo."

Tuluyang umiyak ang bata. Nahigit ko ang aking hininga dahil sa mga pinagsasasabi nito.

Ngayon alam ko na. Kung mayroon mang mas naapektuhan sa nangyari ngayon, si Jay iyon. Hindi ako...hindi kami kundi 'yong bata.

"No. Hindi ka mamamatay. Nandito kaming tatlong nanay mo," saad ni Queen at nilingon kami ni Jelly.

"Kahit anong mangyari, hinding hindi ka mahahawakan ng zombie o malalapitan man lang," dagdag ko at hinaplos ang pisngi ng bata.

"Handa kaming mamatay para sa'yo, Jay. Handa kaming ialay ang buhay namin sa mga zombie, mabuhay ka lang," ani ni Jelly.

Nagkatinginan kaming tatlo, nagngitian matapos ay sabay-sabay na tumango at binigkas na salita ni Queen ay sinang-ayunan naming dalawa ni Jelly.

"Makikipagpatayan at makikipaglaban kami para sa'yo, Jay. Kasi ikaw ang buhay naming tatlo."



senseigan

FIGHT FOR YOUR LIFE (Zombie Apocalypse) (COMPLETED)Where stories live. Discover now