FIGHT NINE

3.1K 213 23
                                    

FIGHT FOR YOUR LIFE
FIGHT NINE

QUEEN

"Bakit po wala pa sila Mama Zia at Momma Jelly, Mommy Queen?"

Napahinto ako sa pag-aayos ng mga pellet gun ng marinig ang tanong ni Jay.

"Malay ko, magkasama tayo buong araw 'di ba?" ani ko at ipinagpatuloy ang ginagawa.

"Sungit mo naman, Mommy Queen. Kaya ka nagkaka-wrinkles eh." Nakangusong sagot nito na pinandilatan ko ng mata.

"Bata ka, huwag kang lapit nang lapit kay Mama Zia mo kung ano-ano natututunan mo," saad ko at ginulo ang buhok nitong mukhang dinilaan ng kalabaw dahil tuwid na tuwid mula sa pagkakasuklay.

"Sabi rin ni Tito Niall, huwag ako lapit nang lapit kay Mama Zia. Ako rin eh, ayoko rin po lumapit kay Mama Zia kasi ang sakit po sa tenga ng boses niya."

Napatawa ako sa sinabi ng bata. Masakit nga sa tenga ang boses ni Zia dahil kahit kalmado ito ay sobrang lakas pa rin ng boses.

"Huwag niyo pong sasabihin kay Mama Zia na sinabi ko iyon," ani nito na tinanguan ko.

"NARINIG KO 'YON!! IKAW NA BUBWIT KA, PLASTIK KA!"

Napalingon ako sa bagong dating na si Zia at Jelly.

Kumunot ang noo ko nang mapansin na gulo-gulo ang buhok ni Jelly kahit nakaponytail naman ito.

"Totoo naman ah!" laban ng batang si Jay at binelatan ang nakapameywang na si Zia.

"Malakas din naman boses mo! Daig mo pa babae sa sobrang tinis ng boses mo!" ganti ni Zia at dumila rin.

"Panget mo, Mama Zia!!" nakangusong sigaw ni Jay at sumimangot.

"Ako pa panget ha! 'Di ko ibibigay sa'yo yung eroplanong de remote! Kala mo riyan ha! Bubwit ka!"

"Kauuwi lang natin nag-aaway na agad kayo," suway sa kanila ni Jelly.

Nilapitan nito si Jay at pinisil sa pisngi.

"Ang ganda po ni Mama Zia, di'ba Momma Jelly?" biglang bait na saad ni Jay at ngumiti ng ubod tamis kay Zia.

"Hindi ako maganda! Pogi ako!" saad ni Zia at bumaling sa akin.

"Ay Queen, may ikukuwento ako sa'yo!" Nakatawang saad nito at lumapit sa akin.

"HAHAHAHA ALAM MO BA?!" panimula nito at umupo sa aking harap.

"KANINA! HAHAHAHHA!" Tumawa ito ng malakas at lumingon kay Jelly.

"GRABE! KUNG NANDOON KA MATATAWA KA RIN!" ani nito na sinundan ng paghagalpak ng tawa.

"Eh kung tumawa ka kaya muna bago magkuwento?" nakataas ang isang kilay na saad ko. Inuna pa 'yong tawa, eh bago magkwento. Ligayang-ligaya si Zia.

"Eto naman, hindi makapaghintay. Sa natatawa pa ako eh!" angal nito at hinampas ang aking braso.

"Muntikan na 'yang mangisay kanina! Basta basta na lang pumasok sa isang kotse, ayon muntikan na siyang malapa ng zombie! Buti na lang at nakaposas ang zombie kundi nangangagat na rin 'yan ngayon," singit ni Jelly na may pagturo-turo pa kay Zia.

"Bakit hindi ka nag-iingat!" masungit na saad ko at tiningnan ng masama si Zia.

Nawala ang masaya nitong mukha at napalitan iyon ng pagkasimangot.

"Naakit ako sa baril eh! Kasalanan nung baril hindi ko kasalanan!" katwiran nito at inilapag sa mesa ang isang snob nose gun. At talagang sa baril pa nito isinisi ang sariling katangahan.

"Mukha kang baril! Kaya 'yang bunganga mo ratatat nang ratatat eh! Parang armalite!" ani ko at pinandilatan ito ng mukha.

"Eh, atleast buhay ako! Okay! 'Di ako zombie, 'di ako nakagat!" tugon nito at itinaas ang damit upang ipakita ang katawan.

"Ano ka ba, may bata!" suway ko rito at tinapik ito sa hita.

"Eh duleng naman 'yang bubwit na 'yan!" ani nito at itinuro si Jay.

"Nanay mo duleng!" sagot ni Jay at tumakbo palapit sa puwesto ng aso na si Beans.

"Hoy! Walang damayan ng nanay! Aba kang bata ka ah!" sigaw ni Zia at tila uusok na ang bunbunan nito sa inis.

"Ikaw ang nagturo niyon sa bata," saad ni Jelly at ngumisi. "Huwag ka nang magtaka kung bakit ganoon ang ugali dahil ikaw ang nagturo," dagdag nito at tumawa.

"Tse!" Irap ni Zia at humarap ulit sa akin.

"Pero eto nga! Kanina kasi dumaan kami ng presinto," panimula nito.

Kumunot ang noo ko ng marinig ang presinto. "Anong ginawa niyo roon?" tanong ko na inilingan ni Zia.

"Ssh, ako muna magsasalita," awat nito. "May bukas na bintana, tapos sumilip si Jelly." Humagikhik ito matapos lumingon kay Jelly.

"Tapos nung pagsilip niya biglang may sumulpot na zombie," lumaki ang mata nito at biglang tumayo.

"Tapos sinabunutan siya!!" saad nito.

Nabigla ako ng bigla niyang hawakan ang aking buhok at hilahin. Umawang ang aking labi dahil masakit ang pagkakahila nito.

"Ganito ginawa ng zombie!" pagbibida nito habang hila-hila ang aking buhok.

"HAHAHAHA GAGO!" rinig kong tawa ni Jelly na nasa gilid namin.

Napangiwi ako at nakurot sa braso si Zia upang alisin ang pagkakasabunot nito sa akin.

"Bwiset ka! Bakit mo ako sinabunutan!" ani ko habang hawak ang aking ulo.

"Ay sorry! Na carried away lang ako, Queen." Nagpeace sign ito na sinagot ko ng irap.

"Pero alam mo kung anong mas nakakagulat?" dagdag pa nito.

Napipilitang lumayo ako kay Zia at mahirap na. Baka kung ano na naman ang gawin.

"May buhay!" saad nito na nagpatigalgal sa akin. "May tatlong tao roon sa presinto at kailangan natin silang iligtas."

Lumingon ako kay Jelly at tumango ito bilang pagpapatunay sa sinabi ni Zia.

"Totoo?" hindi makapaniwalang saad ko.

"Kundi dahil kay Beans malamang ay hindi namin malalaman na may tao roon," saad ni Jelly.

Lumapit si Beans at ikinawag nito ang buntot, tila nagmamalaki sa kanyang natuklasan.

"Bakit hindi niyo sila kasama?" takang tanong ko.

"Maraming zombie sa loob ng presinto. Nasa dulo pa sila. Hindi namin kaya ni Zia," saad ni Jelly na nagpangiwi sa akin.

"Eh ano gagawin natin? Hindi naman kakayanin ng flashlight ang mga zombie. Sa apat na taon na lumipas napansin nating unti-unting nasasanay mga mata nila sa bahagyang liwanag," saad ko at nagbuntong hininga.

"May naisip ako eh, hindi ko nga lang alam kung magiging successful," saad ni Zia.

Nilingon namin siya at kasalukuyan nitong kinakagat ang kuko sa daliri. Senyales iyon na sobra itong kinakabahan.

"Ano naman naisip mo?" tanong ko at kinunutan ito ng noo.

Sa sinagot nito ay napaawang ang labi naming dalawa ni Jelly.

"Gabi natin sila ililigtas."




senseigan

FIGHT FOR YOUR LIFE (Zombie Apocalypse) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon