6th Chronicle / A Close Call

49 2 0
                                    

10:43 pm / Manila North Harbor

Naubusan na ng bala ang dalawang babae na kabarilan ng mga pulis at S.W.A.T. members. Hindi na nakapalag pa ang mga ito nang ma-corner na sila ng mga S.W.A.T.
Papalag pa sana ang kulot na babae, ngunit tinutukan na siya baril ng tatlong S.W.A.T. members, ang iba naman sa kasama ng mga ito ay nasa likuran na nila. Kaya naman siguradong wala na silang takas. Maling galaw lamang nila ay malalamig na bangkay silang iuuwi sa kanilang mga pamilya.
Sa puntong ito ay takot at kaba ang mababakas sa kanilang mga itsura. Natulala rin sila dahil alam naman na nilang wala na silang takas pa. Alam nila na sa oras na mahuli sila ay paniguradong sa kulungan ang kanilang bagsak.
“Ibaba n’yo ang hawak n’yong baril!” bulalas ng isang S.W.A.T. member.
Hindi naman kaagad nakakilos ang dalawa dahil sa takot at kaba. Nanlalaki rin ang mata ng mga ito habang nakatingin sa mga pulis at S.W.A.T. members na huhuli sa kanila.
Lahat ng pulis at S.W.A.T. members ay tinututukan sila ng baril. Sa kanila nakatuon ang atensyon ng mga ito.
“Inuulit ko! Ibaba n’yo ang hawak n’yong baril!” untag muli ng isang S.W.A.T. member.
Gusto man manlaban ng dalawa, ngunit wala na silang pagpipilian pa. Sa oras kase na lumaban sila, alam nilang hindi sila sasantuhin ng mga pulis at S.W.A.T.
Labag man sa kalooban ay marahan nilang ibinaba at binitiwan ang kanilang baril. Marahan naman nilang itinaas ang kanilang mga kamay kasunod noon.
Takot at kaba ang bumabalot sa kanila ngayon. Hindi na nila nakita pa ang tatlong lalaki na kanilang kasama. Mukhang nakatakas ang mga ito bago pa sila mahuli.
Hindi na nag-aksaya pa ng pagkakataon ang mga kapulisan at dali-dali silang pinosasan. Pinaluhod naman sila habang pinoposasan. Diretso lamang ang tingin ng kulot ng babae. Tila nakatingin lamang ito sa kawalan. Pagkatapos silang posasan ay itinayo sila at isinama upang isakay sa isang police cars.
“Sir? Nakatakas ang iba nilang kasama nila,” seryosong sabi ng isang police officer sa isang S.W.A.T.  member.
Nadinig naman iyon ng dalawang babae lalo na ang kulot. Napatingin pa nga siya sa gawi kung saan niya narinig ang usapan ng mga humuli sa kanila.
Dahil sa narinig niya, alam na niya sa kaniyang sarili na silang dalawa lang ng kasama niyang babae ang nahuli. Ang iba ay nakatakas at iniwan sila.
‘Ano na ang ginawa ng mga kasama namin? Bakit iniwan nila kami?’ tanong ng kulot na babae sa kaniyang isipan.
Isinakay na silang dalawa ng kasama niya sa isang police car. May dalawa namang pulis ang nasa loob ng sasakyan na iyon. Ang isa ay nasa driver’s seat habang ang isa naman ay nasa passenger seat. Pinaupo sila sa back seat habang nakaposas naman ang kanilang mga kamay. Kinuha naman ng mga pulis ang kanilang mga armas. Sinigurado ng mga ito na hindi na talaga sila makalalaban pa.
Umalis naman na ng pier ang sasakyan lulan ang dalawang babae. Nakasunod naman ang dalawang escort police cars sa kanilang sinasakyan. Dadalhin na sila ng mga pulis sa presinto upang mapagkuhanan pa ng ibang impormasyon tungkol sa iba nilang kasama at upang mahuli rin ang mga ito. At kapag maayos na ang lahat ng impormasyon ay ikukulong na sila upang panagutan ang krimen na balak nilang gawin.
-_-
“Tinyente Marquez, may masama kaming balita. Hindi na po namin nakita ang ibang mga infected. Ang isa naman sa mga iyon ay napatay ng isa sa mga kasama natin,” sabi ng isang police officer na palapit kay Tinyente Marquez.
“Nasaan na ang bangkay ng infected?” tanong niya.
“Nandoon pa po ngayon kung saan bumagsak ‘yon no’ng barilin kanina.”
“Sino sa mga kasama natin ang naka-close encounter ang infected?” tanong ni Tinyente Marquez.
“Nasa member po ng mga S.W.A.T. ang mga ‘yon.”
“Nasaan nga sila?” seryosong tanong ni Tinyente Marquez.
“Pinaalis na po sila, Tinyente. Isinakay sila sa isang separated vehicle. Sinabi po kase ng mga health officials na nakausap namin kani-kanina lang na kailangang i-quarantine ang mga ‘yon dahil nagkaroon sila ng closed-contact sa isa sa mga infected.”
Napatango naman si Tinyente Marquez.
“Ang iba sa mga kriminal? Nahuli ba bukod doon sa dalawang babae?”
“Hindi na po sila nakita, Tinyente. Nilibot po ng mga kasama natin ang pier, pero hindi na po nila nakita. Mukhang natakasan po nila tayo!”
“Pati ‘yong binata ba hindi na nila nakita?”
Napailing naman ang police officer na kausap ni Tinyente Marquez.
“Isa pa po ‘yon, Tinyente. Hindi na rin po nila nakita.”
“‘Yung ibang mga infected? Nasaan na?”
“Bukod po sa nakita nila kanina. Wala na po, Tinyente. Nawala silang parang bula. Ang dalawa naman po sa mga infected ay isinama ng dalawang kriminal na tumakas kanina sakay ng isang kotse.”
Tumango naman si Tinyente Marquez sabay nang pagpapakalawa nito ng malalim na hininga.
“Sinabi na po namin sa ilang mga health officials na kausap namin kanina ang tungkol sa nangyari. Nasabi na rin namin na hindi nahuli at nakatakas ang ilan sa mga infected. Kailangan daw po na ma-lockdown ang buong pier at ang mga karatig lugar para hindi na makalayo pa ang mga infected na nakatakas.”
“S-sige, sige!” ani Tinyente Marquez.
Tanging buntong-hininga na lang ang ginawa ni Tinyente Marquez habang kausap siya ng isang police officer. Dismayado kase siya sa mga nangyari. Nagawa man nilang mahuli ang dalawa sa mga kriminal. Natakasan naman sila ng mga infected. Ayos pa sana kung ang mga kriminal ang nakawala, walang masyadong magiging problema. Ngunit, ang nakawala ay ang mga taong magdudulot ng isang malaking problema. Tila nagsisisi tuloy siya sa sinabi niya kanina. Kung hindi niya siguro sinabi na papatayin din nila ang mga infected kung hindi simuko ang mga kriminal, baka sakaling hindi na tumakbo ang mga iyon at nakuha nila. Ngunit, lagi talagang nasa huli ang pagsisisi.
Sa mga sumunod na oras ay napagdesiyunan na ng kapulisan na lisanin na ang pier kasama ang ilan sa mga S.W.A.T. members. Dahil sa barilan na naganap kanina, umalingawngaw ang ingay noon na nagsanhi upang marinig iyon ng mga residenteng malapit lang sa pier.
Sumakay si Tinyente Marquez sa isang police car kasama ang tatlo pang police officers, nakapuwesto siya sa passenger’s seat. Nang palabas na sila ng Zaragoza gate, sumalubong naman kaagad ang mga residenteng nakaabang doon at tila naghihintay ng sagot sa mga kapulisan sa nangyaring barilan sa loob ng pantalan.
Marami ang mga residenteng nandoon. Ang iba ay tila galing pa ng higaan dahil sa suot ng mga ito. Ang iba ay mga taong pulubi. Habang ang iba naman ay ang mga nakatira malapit sa nasabing lugar. Nangingibabaw ang bulung-bulungan ng mga ito. Tila pinagsama-samang mga tinig.
Bumaba naman sandali si Tinyente Marquez sa sasakyan upang sabihan ang mga residente roon. Bumaba rin naman ang ibang police officers na may dalang mga quarantine barricade tape.
“Wala po munang maaaring pumasok ngayon sa pier. May problema po tayo ngayon. Kailangan po munang isara ang buong north harbor,” seryosong turan ni Tinyente Marquez sa mga residente roon.
Pagkasabi noon ni Tinyente Marquez, iba’t ibang katanungan naman ang umaalingawngaw sa pagitan ng mga tao. Ang iba ay nangungusap sa isa’t isa.
Habang kaharap ni Tinyente Marquez ang mga residente, naglalagay naman ng quarantine barricade tape ang ilang mga police officials sa mismong gate ng pier. Dahil doon, pagtataka ang lalong nangibabaw sa isipan ng mga tao. Ang iba ay natuon doon ang kanilang atensyon.
“Ano po ba ang nangyari?” tanong ng isang ginang. Mababakas sa mukha nito ang pagtataka.
Napatingin naman sa kaniya si Tinyente Marquez.
“Ipagpaumanhin n’yo na po. Pero hindi na po muna namin sasabihin kung ano ang talagang nangyari sa loob kanina,” sagot ni Tinyente Marquez.
“Ba’t hindi n’yo pa po sabihin? Saka bakit po may mga lumabas kanina sa north harbor, mga sasakyang naghahabulan. May mga nagpaputok pa po ng baril!” turan naman ng isang lalaki mula sa likuran ng ginang.
Isang malalim na hininga ang pinakawalan ni Tinyente Marquez.
“Kagaya po ng sinabi ko kanina,  hindi po muna namin sasabihin kung ano ang talagang nangyari sa loob. Hindi po muna kami maglalabas ng impormasyon hanggang hindi pa po sapat ang aming mga ebidensya,” nainis na, ngunit nagpipigil na sagot ni Tinyente Marquez.
“Bakit n’yo pa po isinisikreto? Bakit hindi n’yo pa po sabihin kung ano ba talaga ang nangyari? Bakit ganiyan kayo? Pilit n’yo pang inililihim sa publiko?” panunuyang sabi ng isang lalaki.
Dahil sa sinabi ng lalaki. Tila nag-init ang dugo ni Tinyente Marquez. Hindi niya alam, subalit nang marinig niya iyon ay iba ang naging dating sa kaniya.
Ikinuyom niya ang kaniyang kamao. Bumuntong-hininga siya at nagpipigil.
Sasagutin na niya sana ang naging tanong ng isa sa mga residente, ngunit mas pinili niya na lamang na maging tahimik. Mababakas man sa kaniyang mukha ang inis, ngunit mas pinili niya na lamang na itikom ang kaniyang bibig alang-alang sa kapayapaan.
“Tinyente? ‘Wag n’yo na lang pong pansinin ang mga ‘yan!” turan ng isang police officer na kasama niya. Hinawakan din siya nito sa balikat na tila pinipigilan siya.
“Okay na po ang pagkakalagay ng mga barricade tape, Tinyente!” sabi naman ng isa pa nilang kasama.
“Ah, sige!” ani Tinyente Marquez.
“Alis na po tayo, Tinyente,” sabi ng kasama niyang police officer.
Sumunod na si Tinyente Marquez sa kasama niya pasakay ng kanilang sasakyan. Tila nadidinig niya pa rin sa kaniyang tainga ang sinabi ng isang sibilyan sa kaniya kanina. Napapaisip siya. Ngunit, pinapaalalahan niya ang kaniyang sarili na wala naman silang isinisikretong masama, kaya bakit siya mag-iisip ng kung anoman dahil doon sa sinabi ng isang sibilyan. Basta ang alam niya sa kaniyang sarili, wala silang ginagawang mali kaya wala siyang dapat na ipagalala.
Umalis na sila kasama ang ibang mga S.W.A.T. members at police officers. Naiwan naman ang mga residente na may katanungan pa rin sa kanilang mga isipan kung ano nga ba talaga ang nangyari sa loob ng pier at kung bakit may narinig silang mga barilan sa loob.
-_-
Mula sa isang madalim na dako. Sa tabi ng mga container vans, may isang infected ang nagtatago. Isa siyang american national. Hindi naman kalayuan ang kinatatayuan niya mula sa mga residente. Habang kausap ni Tinyente Marquez ang mga residente kanina, pinagmamasdan niya ang mga ito. Naririnig man niya ang usapan, ngunit hindi niya naman maintindihan ito sapagkat hindi siya nakauunawa ng wikang Filipino.
Lahat ng mga residenteng nandoon ay walang ideya kung ano nga ba talaga ang nangyari sa loob ng pier, puro lamang sila tanungan at palitan ng mga ideyang wala namang basehan.
Sa dami ng mga tao roon, walang nakaaalam na may isang infected ang malapit sa kanila. Wala naman itong masamang balak na hawaan o saktan sila. Takot at pangamba lamang bumabagabag dito. Natatakot ito na baka kapag nahuli siya ay walang-awa siyang paslangin.
Nang makita ng infected na umalis na ang mga pulis. Naisipan niyang umalis na rin upang makahanap ng lugar na pagtataguan pansamantala upang mailigtas niya ang sarili. At kung papalarin ay makahanap siya ng American Embassy rito sa Pilipinas upang makahingi ng tulong. Iyon ay kung papalarin siyang magawa niya iyon. Ngunit sa sitwasyon niya ngayon, nag-aalangan siya.
Hindi niya alam kung may ideya na ang mga residente tungkol sa mga infected, alam naman niya sa kaniyang sarili na laganap na sa iba’t ibang bansa ang sakit na mayroon siya, kaya posibleng mayroon ng alam ang karamihan ng mga residente tungkol doon.
Dala ng pag-aalala, hindi niya alam kung paano siya magtatago. Makikipagsiksikan na lang ba siya sa mga tao roon? Hindi puwede! Dahil ayaw niya namang manghawa ng kaniyang kapwa.
Sa kabila ng mga pag-aalinlangan sa kaniyang isipan. Hindi na niya napigilan pa ang sarili na lumakad, tumatakbo ang oras at ayaw na niyang sayangin pa iyon upang makaalis sa kaniyang kinaroroonan. Baka sa pagkakataong ito ay walang makapansin sa kaniya dahil maraming tao.
Ngunit, paano na lamang kung mapansin siya ng mga tao? At magsumbong sa mga pulis? Lalo na at hindi pangkaraniwan ang kaniyang kilos dahil nanghihina na siya. Pinipigilan din niya ang sarili sa walang tigil na pag-ubo. At higit sa lahat, namumula ang kaniyang mga mata! Imposibleng hindi iyon mapansin ng mga tao.
Nang lumalakad na siya, pinilit niyang kumilos nang maayos upang hindi siya mahalata ng kung sino mang tao roon. Yumuko rin siya upang hindi mapansin ang namumula niyang mga mata. Pinipigilan din niya ang pag-ubo sa pamamagitan nang pagtakip niya ng kaniyang kamay sa bibig. Mahirap man dahil sa sobrang kati sa kaniyang lalamunan, subalit kailangan niyang tiisin iyon upang hindi siya mapansin ng mga tao at makalayo na ng north harbor.
Tuloy-tuloy lamang siya sa paglalakad. Malaki rin ang bawat hakbang niya. Sa puntong iyon ay tila ang bigat ng kaniyang mga paa. Para sa kaniya ay mabagal din ang takbo ng oras, iniisip niya na lamang na sana ay matapos na iyon at tuluyan na siyang makalayo roon.
Sa kaniyang paglalakad, hindi niya napansin ang isang lalaki dahil nakayuko siya. Nabangga niya iyon dahilan naman upang matuon sa kaniya ang atensyon ng lalaking iyon. Payat lamang iyon at walang damit pang-itaas. Naka-shorts lang din iyon at may hawak pang yosi habang naglalakad. Mukhang namang siga iyon.
Nang mabangga niya ito, tila nabuhusan siya nang malamig na tubig sa katawan. Napatingin kasi sa kaniya ang lalaki. Tila galit din ito kaya mas nilapitan pa siya at pinagmasdan.
“Ano ba’ng ginagawa mo, ah?!” inis na tanong ng lalaki. Siga rin ito sa paraan ng pananalita.
Hindi siya kumibo at nanatili lamang siyang nakayuko. Hindi siya maaaring magsalita. Dahil kapag ginawa niya iyon, baka ubuhin na siya nang tuluyan at hindi na niya mapigilan pa. Sa paraang iyon ay baka makahawa pa siya!
“Teka, mukhang hindi ka tagarito, ah! Kano ka ba?” tanong pa ng lalaki.
Ngunit hindi pa rin siya kumibo.
Dahil sa pagsasawalang kibo niya, tiningnan siya ng lalaki sa mukha. Dito ay mas lalo na siyang kinabahan. Umiwas siya ng tingin sa lalaki. Ngunit, alam naman niya sa sarili na makikita at makikita ng lalaki kung ano man ang itinatago niya.
“Teka, bakit ang pula ng mga mata mo?” mausisang tanong ng lalaki. Nakasimangot naman ito at tila naiirita.
Hindi pa rin siya kumibo. Ngunit sa loob-loob niya ay halos sumabog na ang kaniyang puso sa labis na kaba. Nanginginig na rin ang kaniyang mga paa at kamay.
“Uy! Tinatanong kita!” muling tanong ng lalaki.
Hindi pa rin siya kumibo.
Dahil sa nangyari, natawag nito ang atensyon ng mga tao roon. May pagkamalakas din kasi ang boses ng lalaki.
“Bingi ka ba, ah?!” bulalas muli ng lalaki.
Hindi naman niya magawang sagutin ito dahil unang-una, hindi niya naiintindihan ang sinasabi nito, basta ang alam lang niya ay galit ito base sa paraan ng pananalita nito. Pangalawa ay pinipigilan niya ang maubo sa harapan nito.
“Saka bakit ganiyan ang suot mo? Ba’t ang dumi? Dugo ba ‘yan? Ano’ng  nangyari sa ‘yo?” panunuyang tanong ng lalaki.
Tiningnan pa siya ng lalaki magmula ulo hanggang paa. Nagtataka kung bakit ganoon ang karumi ang kaniyang suot.
Pinagtitinginan na siya ng mga residente. Napalinga-linga siya sa paligid at lahat ay nakatingin na sa kaniya!
‘Hala! Sino ‘yan?’
‘Ano ang nasa damit niya? Dugo ba ‘yon?’
‘Mukhang foreigner ‘yan, ah!’
‘Kano yata ‘yan!’
‘Bakit namumula ang mga mata niya?’
‘Ang pula ng mga mata niya! May sakit ba siya?’
Iyan ang iilan na naririnig niyang bulung-bulungan ng mga residente, ngunit lahat ng mga iyon ay hindi niya naiintindihan.
“Tinatanong kita!” bulalas muli ng lalaki.
Sa pagkakataong ito ay nagawa pa siyang itulak nito. Dahil doon, hindi na niya napigilan pa ang umubo. Ngunit, ang sumunod na pangyayari ay hindi niya inasahan. Sa akmang pag-ubo niya, may kasama itong malapot na dugo! At dahil hindi naman ganoon kalayo ang distansya ng lalaki sa kaniya ay nasukahan niya ito ng dugo sa mukha, nalagyan ang ilong at maging ang bibig nito.
Napasigaw naman ang karamihan sa mga residente dahil sa isinuka niyang dugo, at dahil sa pagkabigla, ang iba ay nagawa pang tumakbo.
Nabigla siya sa nangyari. Hindi niya rin inakala na sa pag-ubo niya ay may kasamang dugo! Dahil sa nagawa niya, lalong nag-init sa kaniya ang lalaki. Dahil sa dugo na nasa mukha ng lalaki, nilayuan ito ng mga tao. Tila nandidiri na sila sa kaniya!
Lalapitan pa sana siya ng lalaki, ngunit sinenyasan niya ito sa kaniyang kanang kamay na huwag siyang lapitan.
“Don’t come near me! Don’t come any closer!” iyon na lamang ang nasabi niya. Nanghihina siya at mababakas iyon sa tono ng kaniyang boses.
‘Hindi ba ganiyan ang sintomas ng kumakalat na sakit? ‘Yong kumakalat na ngayon sa iba’t ibang bansa? Bakit meron siya? Hindi kaya infected siya?’
‘Oo nga! Mapula rin ang mga mata niya!’
‘Inuubo rin siya!’
‘Hoy, Kano! Infected ka ba?!’
‘Umalis ka na rito! Kundi tatawag na kami ng pulis!’
‘‘Wag mo na kaming hawaan pa!’
Iyan ang iilan pang sabi-sabi ng ilang mga residente. Dahil may hinala sila na baka infected nga ang amerikano ng sakit, ang iba sa kanila ay nagsiatrasan na palayo. Ang iba ay nagsitakbuhan na.
Naririnig niya ang sinasabi sa kaniya ng mga tao, ngunit hindi niya talaga magawang maunawaan ang mga iyon, basta nang marinig niya na lamang ang salitang ‘pulis’ na pamilyar sa kaniya at katunog ng salitang ‘police’ sa ingles, kinutuban na siya.
Sa naririnig niyang pananalita at nakikita niyang expresyon ng mga residente, hindi na siya nag-aksaya pa ng oras. Walang kung anu-ano ay dali-dali na siyang tumakbo palayo sa mga tao. Lahat ng mga taong madadaanan niya ay nagsisilayo sa kaniya, ang iba ay nagtakbuhan, habang ang iba naman ay nagagawa pang mapasigaw.
Ang lalaki naman na nasukahan niya ay nandoon pa rin sa kinatatayuan nito at tila natulala na lang habang pinagmamasdan ang malapot na dugong kumalat na rin maging sa kaniyang damit. May kutob ang lalaking iyon na baka infected nga ng sakit ang lalaking sumuka sa kaniya ng dugo.
-_-
Nasa kalagitnaan ng madilim na kalsada ang tatlong police cars. Patungo ang mga iyon sa isang istasyon na pagdadalhan sa mga kriminal. Lulan ng isa sa tatlong police cars ang dalawang babaeng kriminal na nahuli sa north harbor.
Palalim na ang gabi habang binabaybay nila ang kalsada. Tahimik naman ang dalawang babae habang nakaupo sa back seat. Nakaposas naman ang kamay ng mga ito. Takot at pag-aalala ang bumabagabag sa kanilang kalooban, dahil hindi nila inakala na malalaman ng mga pulis ang tungkol sa plano nila. Ang masaklap pa ay nahuli sila, habang ang iba sa kanilang mga kasamahan ay nakatakas.
Tahimik lamang sa kalsada ng mga oras na iyon. Ngunit ang katahimikan na bumabalot sa paligid ng mga oras na iyon, ay may nakaamba pa lang peligro.
Ilang sandali lamang. Nakarinig sila ng sunod-sunod na mga putok ng baril. Ang bala ng mga iyon ay tumama sa tatlong police cars dahilan upang mabasag ang windshield ng mga iyon maging ang mga front at rear door glass. Tinamaan naman ang mga pulis.
Dahil sa takot, dali-dali namang yumuko ang dalawang babae upang umiwas sa posibleng pagtama ng bala.
Lahat ng mga pulis na nandoon ay tinamaan ng bala. Ang iba ay sa ulo. Ang iba ay sa tiyan at sa dibdib. Hindi inaasahan ang mangyayari kaya naman halos napuruhan ang mga pulis.
Natigil sa pag-andar ang tatlong police cars. Sa kadahilanang napuruhan maging ang mga driver ng mga ito.
Walang ideya ang dalawang babae sa nangyari. Nakayuko pa rin sila dahil sa takot na baka tamaan ng bala. Nanatili sila sa ganoong sitwasyon hanggang sa marinig nila ang pamilyar na tinig. Ang tinig ng dalawang lalakeng kasama nila!
Tinatawag sila ng mga ito sa kanilang pangalan. Dahil doon, dali-dali silang dumungaw sa bintana ng sasakyan, at hindi nga sila nagkamali! Nakita nila ang dalawang lalaki na kasama nila! Bumaba ang mga ito sa isang kotse.
Tila nabuhayan naman sila ng dugo dahil doon. Tinawag nila ang dalawang lalaki kaya lumapit naman ang mga ito sa kanila. May mga dala namang M14A4 ang mga ito na ginamit nila upang barilin ang mga pulis.
“Ayos lang kayo?” tanong ng isa sa dalawang lalaki pagkabukas ng pinto ng sasakyan.
“Ayos lang!” sagot ng kulot na babae pagkababa niya. Tila hindi naman siya makapaniwala sa nangyari.
“Pinosasan kayo?” tanong ng lalaki.
“Oo, eh! Pa’no ba aalisin ‘to?” tanong ng kulot na babae.
“Akin na…” iniharap naman ng kulot na babae ang posas na nasa kaniyang kamay. Binaril naman ng lalaki ang pagitan ng posas upang masira iyon. Ganoon din ang ginawa doon sa isang babae.
“Kayo lang dalawa?” tanong ulit ng isang lalaki. Tila nagmamasid naman ito sa loob ng sasakyan at tila may hinahanap.
“Oo naman! Bakit?” tanong ng kulot na babae.
“Hindi n’yo kasama si Clyde?” tanong ng lalaki.
“Hindi, eh! Bakit? Hindi n’yo ba kasama?” tanong ng kulot na babae.
“Hindi! Akala namin kasama n’yo siya!”
“Eh, nasaan siya? Kung hindi n’yo kasama?”
“Ewan ko,” sagot ng lalaki.
“Hindi naman siya kasama nina Mathias at Cornelio, ‘di ba?” tanong ng isa namang babae.
“Hindi, eh! No’ng umalis sila kanina, sila lang dalawa,” sabi ng isa pang lalaki.
“Teka, bago ‘yan. Pa’no nalaman ng mga pulis ang tungkol dito? Paano nila nalaman ang tungkol sa gagawin natin?” takang tanong ng kulot na babae.
“‘Yon ang hindi ko alam…” may pagtatakang turan ng lalaki.
“Wala namang nagsumbong, ‘di ba?” tanong muli ng kulot na babae.
“Wala kayang kinalaman si Clyde dito? Hindi kaya siya ang nagsumbong? Bigla na lang din siyang nawala kanina no’ng kalagitnaan ng barilan,” may kutob na turan ng isa pang lalaki.
“Paano namang siya? Eh, akala ko ba kailangan niya rin ng pera para sa nanay niya? Imposible namang magsumbong siya!” sabi ng kulot na babae.
“Baka ‘yon lang ang akala natin! Baka mamaya traydor pala ‘yon! Masyado kase siyang pinagkatiwalaan ni Cornelio!” inis na turan ng lalaki.
“Alam n’yo? Saka na natin pagtalunan ‘yan! Umalis na tayo rito! Baka mamaya may makakita pa sa ‘tin!” sabi ng isa pang babae.
“Tara na! Tara na!” sabi ng kulot na babae.
Bago sila umalis, nakita nila na gumagalaw pa ang isa sa mga police officers, may tama ito sa dibdid at tila sa ilang sandali lang ay babawian na ito ng buhay. Nahihirapan na itong huminga. May tumutulo namang dugo sa naka-awang nitong bibig habang nakatingin sa kanila. Hindi iyon pinalagpas ng isang lalaki, binaril niya ang pulis sa ulo kaya tuluyan na itong binawian ng buhay. Kasunod noon ay walang pag-aalinlangan na silang umalis lulan ng isang kotse. Palinga-linga pa sa paligid habang lulan sila ng sasakyan upang masiguro kung wala nga ba talagang nakakita sa kanila.

Quarantine ChroniclesWhere stories live. Discover now