13th Chronicle / No Way Out

20 2 0
                                    

8:00 AM / January 24, 2040

Isolation Tent / Radial Road 10

Makalat sa loob ng isolation tent. Umaga pa lang ngunit, dama na ang kulob na init sa loob. May isang stretcher naman ang nakasandal sa isang gilid at nakaupo roon si Gina. Tahimik lang siyang nakaupo sa ibabaw ng nasabing stretcher habang nakayakap naman siya sa dalawang niyang binti. Mababakas naman sa kaniyang itsura ang pag-aalala.

Sa kabila noon ay kitang-kita sa kaniyang noo ang mga butil ng pawis na umabot na sa kaniyang mukha.

Sa hindi kalayuan, may isang maliit na flat screen tv naman ang nakapataong sa isang medical trolley. Nakasindi ito ngunit, hindi pansin ni Gina ang ipinalalabas nito. Isang balita ang ini-e-ere ng mga oras na iyon.

Nabasag ang katahimikan ni Gina nang may biglang pumasok. Napatingin siya sa gawi papasok ng tent. Iniluwal niyon ang isang health authority. Napabalikwas pa nga siya sa kaniyang kinauupuan dahil sa walang paalam na pagpasok ng health authority na isa pa lang nars. May dala naman itong isang cellphone na nakatapat pa sa tainga habang may kausap ito sa kabilang linya.

Seryosong tinitigan iyon ni Gina.

"Miss? May itatanong ako sa 'yo," bungad ng nars.

"A-ano?"

"Kilala mo ba ang mag-asawa na dinala sa ospital kahapon?"

Napatango naman si Gina.

"O-oo. B-bakit?"

"Hindi kase namin nakuha ang pangalan nila. Alam mo ba? May nanghihingi kase ng pangalan nila, kailangan lang," malamig na sabi ng nars.

Napakunot-noo si Gina sa sinabi ng nars. Tila may masama siyang kutob sa tanong ng nars.

"Alam mo ba ang pangalan nila?" pag-uulit ng nars dahil tila natulala si Gina.

"Ah, eh, oo!"

"Kung gano'n! Ano ang pangalan ng babae?" may diin na tanong ng nars.

"S-si Lourdes Rimeños!" kabadong sagot ni Gina.

"Eh, ang asawa niya? Ano ang pangalan ng asawa niya? 'Yung infected? Ano ang pangalan niya?" iritang tanong ng nars.

"S-si, s-si..."

Hindi kaagad nakasagot si Gina. Nadala siya ng kaba at pagkataranta. Nanginginig pa ang kaniyang mga kamay maging ang mga tuhod dahil sa kaba.

"Sino?!" inis na tanong ng nars dahil sa pautal-utal na sagot ni Gina.

Mababakas sa itsura ni Gina ang pangamba ngunit, tila wala naman pakialam ang nars sa nararamdaman niya.

"S-si Roman Rimeños! 'Yun ang pangalan ng asawa ni Lourdes..."

Hindi mapigilan ni Gina na makaramdam ng kaba, dahil iniisip niya na baka kung ano ang gawin sa kaniya ng nars. Lalo na at mahirap lamang siya, kayang-kaya siyang perwisyuhin nito.

Isa pa sa ikinababahala niya ay baka nahawaan siya ni Roman. Nag-aalala siya para sa kaniyang kalusugan. Wala naman siyang sapat na salapi upang ipambayad sa ospital kung sakali man na nahawaan siya ni Roman.

"Sigurado ka sa sinabi mo, ha?" inis na tanong ng nars.

Napatango na lamang si Gina.

Quarantine ChroniclesWhere stories live. Discover now