20th Chronicle / Back To Manila

17 1 0
                                    

Sa pakikipag-usap ni Syrell sa mga kasamahan ni Thea ay biglang sumulpot si Nico na tila kagagaling lang mula sa kabilang silid. Bakas sa kaniyang itsura na may nais siyang iparating. Sa kaniyang pagpasok sa silid ay napatingin kaagad sa kaniya ang mga tao roon kasama na si Syrell at ang mga kasamahan nito. Tila nabigla pa sila sa biglaang pagpasok ni Nico.

"Nico? Bakit?" gulat na tanong ni Thea.

"Ang broadcast na narinig natin kahapon... narinig ulit namin ngayon..." ani Nico.

Dahil sa kaniyang sinabi ay tila nagkaroon ng kuryosidad si Syrell at ang mga kasama nito. Napakunot-noo naman si Thea maging sina Dino, Rica, at Jasen.

"Ano? Malinaw na ba ang nadinig n'yo?" may kuryosidad na tanong ni Dino.

Tumikhim naman si Nico.

"Sundan n'yo 'ko. Pakinggan n'yo," ani Nico.

Dali-dali naman nagtungo ang mga kasama ni Thea pati na rin sina Syrell sa silid na pinanggalingan ni Nico. Sa silid na iyon ay nandoon din ang iba pa sa mga kasama ni Thea na sina, Jim, Mike, at Rome. Abala ang mga iyon sa pag-ayos sa radyo na nasa loob ng silid upang mas mapakinggan nila nang maayos ang nabanggit na broadcast ni Nico.

"Ano, Jim? Malinaw na ba?" tanong ni Dino pagkapasok nila.

Napalingon naman si Jim at napailing.

"Medyo nagpuputol-putol pa rin siya kagaya nu'ng kahapon."

"Pero may mga narinig na kaming malilinaw na salita," sabi naman ni Mike.

"Ni-record din namain 'yun!" sabi naman ni Rome at akmang ipaparinig niya mula sa cellphone ang ni-record niyang broadcast.

Iniabot ni Rome kay Dino ang cellphone at ipinatugtog ang nasabing na-i-record na broadcast.

Ce-Cenchrea... au... autonomous... and glo...global city...

If you can he - hear...thi- this... we are loo...looking for survivors like you... come and join us! Lo...Location... former Ci... City...of Navotas...


Lahat sila ay nangunot ang noo nang marinig ang broadcast na iyon. Sumagi sa kanilang isipan ang iba't ibang katanungan.

"Totoo kaya 'yan?" kunot-noong tanong ni Thea.

Napakibit-balikat lamang si Dino maging sina Mike, Jim, at Rome.

"Narinig na rin natin 'yan kahapon, 'di ba?" tanong pa ni Thea.

"Mukhang naghahanap sila ng mga survivors..." tugon ni Dino.

"Base sa broadcast nila, naghahanap nga sila," pasingit na sabi ni Syrell.

"Pero totoo naman kaya 'yan?" pagdududa pa niyang tanong.

"Iyon ang hindi pa natin alam..." tugon ni Jasen.

"Teka lang! Bakit Cenchrea ang binabanggit nilang lugar? Ang pagkakaalam kong autonomous city dito sa bansa ay ang Navotas. Eh, bakit diyan sinabi former city of Navotas? Pa'nong naging Cenchrea 'yon?" pagtatakang tanong ni Mike.

"Hindi kaya baka pinalitan nila?" tanong ni Dino.

"Hindi natin alam..." tugon ni Dino.

"Sa pagkakaalam ko ay Navotas City pa rin ang pangalan ng lugar na 'yon kahit na na-convert siya bilang isang global city nu'ng 2029 yata o 2030 kung hindi ako nagkakamali," turan ni Jasen.

"2030 siya na-convert ng Philippine government into a global city. Narinig ko na dati sa balita 'yun, eh," pagtatama ni Diana.

Napatango naman si Jasen dahil doon.

Quarantine ChroniclesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon