8th Chronicle / The Consequences

39 2 0
                                    

8:32 AM / January 23, 2040

Squatter Area near Manila North Harbor

Nagising si Roman dahil sa walang tigil na kakaubo. Siya ang lalaking nasukahan ng dugo kagabi ng isa sa mga infected. Sa katunayan, wala siyang maayos na tulog magmula pa kagabi pagkatapos ng kaganapan sa north harbor. Simula kase ng masukahan siya ng infected, ilang oras lamang ay nakaramdam na siya ng kakaiba sa kaniyang katawan. Nagkaroon din kase siya ng direct contact sa infected. Hindi malayong nahawaan siya nito.

Nakahiga pa si Roman sa kaniyang higaan. Katabi niya naman ang tatlo niyang anak. Ang bunso ay dalawang taong gulang, ang pangalawa ay limang taong gulang, habang ang panganay naman ay pitong-taong gulang.

Nakatira lamang si Roman at ang kaniyang pamilya sa isang squatter area na malapit sa Manila north harbor. Gawa lamang sa pinagtagpi-tagping mga yero at kahoy ang kanilang bahay.

Habang nakahiga si Roman, wala pa rin tigil ang kaniyang pag-ubo. Napatagilid siya sa kaniyang kaliwa, at sa akmang pag-ubo ay laking-gulat niya na lamang ng may kasama na itong malapot na dugo. Kaagad siyang napaupo dahil sa kaniyang nakita. Tumalsik din ang ilang malapot na dugo sa sahig.

Sa kaniyang pagkaupo, naramdaman niya na lang bigla ang pagkahilo. Nakaramdam din siya ng biglang panghihina ng katawan. Sumunod din ang pananakit ng kaniyang ulo. Iyon ay ba dahil sa wala niyang tigil na pag-ubo? Iyon ang hindi niya alam.

Napalinga-linga siya sa loob ng bahay.

Hinahanap niya ang kaniyang asawa.

Napalingon siya sa kanilang higaan, ngunit hindi niya nakita ang kaniyang asawa.

Sinubukan niyang tumayo, ngunit dahil sa ramdam niyang pagkahilo ay tila dinuduyan na siya ng kapaligiran.

Napahawak siya sa isa sa dingding ng kanilang bahay upang maiwasan ang pagkatumba. Sa pagkakataong iyon, kinutuban na siya at isang bagay ang pumasok sa kaniyang isipan. Baka may kinalaman ang taong nakabangga niya kagabi sa kung ano ang nararamdaman niya ngayon, lalo na at nasukahan din siya noon ng malapot na dugo na maaaring dala ang mikrobyo. Mukhang ang lalaking iyon ay may dalang sakit! Ang ikinatatakot pa niya ay baka ang sakit na dala ng lalaki ay ang sakit na kumakalat ngayon sa iba't ibang bansa gaya ng nakikita nila sa TV. Malala ang sakit na iyon kaya maraming tao ang natatakot doon.

Ngunit, isang tanong naman ang sumagi sa kaniyang isipan, paano naman makararating ang sakit na iyon dito sa Pilipinas gayong sa ibang mga bansa pa lang naman ang mga kasong nauulat noon? Ngunit ang tanong sa kaniyang isipan ay kaagad ding nasagot nang maalala niyang mukhang hindi tagarito sa bansa ang lalaking nakabangga niya kagabi. Mukha rin foreigner iyon. Dahil doon ay lalo na siyang kinabahan at namayani ang takot sa kanyang puso at isipan.

'Ngunit bakit ganoon? Tila ang bilis ko naman yatang nahawaan?' Isang tanong muli ang sumagi sa kaniyang isipan, ngunit kaagad din nasagot iyon nang maalala niya ang napanood niya sa balita. Naalala niya na mabilis kumalat ang sakit na iyon, kahit sa pamamagitan ng hangin ay maaaring maipasa ang sakit na iyon.

Inalala pa niya ang mga narinig niyang detalye mula sa balita tungkol sa sakit na iyon, ang tungkol sa mga sintomas. Ngunit sa pagkakaalala niya ay nabuo rin kaaagad sa kaniyang isipan na mayroon na siya ng sintomas ng sakit na iyon!

Inuubo siya, nagsusuka na ng malapot na dugo, gaya ng nakita niya sa lalaking nakabangga niya sa north harbor. Isa pa sa mga sintomas ay ang pamumula ng mata. Nang maalala niya iyon, ay dali-dali siyang nagtungo sa harapan ng salamin. Halos mapaiktad na lamang siya nang makita ang sarili sa salamin. Medyo namumula na ang kaniyang mga mata! Hindi man ganoon kalala, ngunit patungo na sa ganoon ang kalagayan nito!

Quarantine ChroniclesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon