22nd Chronicle / We Who Left

33 2 0
                                    

6:00 PM / February 26, 2040 / Angeles International Airport

Sarah Lueldez
Padilim na ang kalangitan. Napapansin ko rin ang makakapal na ulap na tila sa ilang sandali lamang ay magbubuhos ito ng malakas na ulan. Napansin ko rin sa himpapawid ang paglipad ng ilang itim na ibon. Hindi ko alam kung ano ang dahilan bakit nandoon ang mga iyon.

    Kasalukuyan kaming nakasakay ni Mackenzie sa eroplano nang makita na namin ang airport ng Angeles dito sa Pampanga. Nakita ko na ang runway niyon ngunit hindi lang iyon ang nakita at napansin ko, tila may mga bangkay rin doon!

    Sa paglapag namin sa runway ay sumalubong kaagad sa amin ang mga bangkay. May karamihan sila sa bilang! Dinig din namin ang kanilang pinagsama-samang atungal.

    “Hanggang dito ba naman?!” inis kong turan.

    “Marami sila, Sarah! Wala rin tayong baril! Pa’no tayo bababa ng eroplano niyan?” dinig kong tarantang tanong ni Mackenzie.

    “Bahala na! Kapag napahinto ko na ‘tong eroplano bumaba na kaagad tayo tapos tumakbo na tayo!” tugon ko.

    Pagkahinto ng eroplanong sinasakyan namin ay kaagad kaming tumayo sa aming kinauupuan at saka bumaba sa aming sinasakyan.

    Pagkalabas namin ng eroplano ay bumungad na kaagad sa amin ang mga bangkay. Pagkakita ko sa kanilang itsura ay hindi ko pa rin mapigilang manghilakbot sa tuwing makikita ang kanilang mapupulang mga mata at ang katawan nila na halos maligo na sa dugo.

    “Tara na!” sigaw ko kay Mackenzie.

    Dali-dali kaming tumakbo patungo sa isang gusali. At sa aming pagtakbo ay nakita kong muli ang mga itim na ibon na nakita ko kanina, mga uwak pala ang mga iyon! Nagkalat sila sa lugar at palipad-lipad.

    “Bakit may mga uwak dito sa airport?!” reklamo ni Mackenzie.

    “Hindi ko rin alam! Hindi na muna mahalaga ngayon ‘yan! Ang mahalaga makalayo tayo sa mga bangkay!” hinihingal kong tugon dahil sa pagtakbo.

    Pagkapasok namin sa gusali, sumalubong din sa amin doon ang mga bangkay. Napalingon lahat sila nang makita kami. Hindi namin lahat sila makita nang maayos sapagkat may kadiliman na sa loob dahil pagabi na at wala pang ilaw sa loob ng gusali.

    “Ang dami rin nila rito!” bulalas sa akin ni Mackenzie.

    Napalinga-linga ako sa paligid at humahanap ng maaari namin daanan palabas. Sa paghahanap ay nakita ko ang isang exit.

    “Du’n tayo!” sabi ko at saka itinuro ang exit.

    Nagtungo kami sa exit. Pagkalabas namin ay may mga sasakyan kaming nadatnan doon.

    “Hanap tayo ng p’wede nating masakyan dito!” sabi ko.

    Inisa-isa namin ang mga kotse na nasa harapan namin ngunit wala na ang susi ng mga iyon. Mayamaya pa ay nadinig muli namin ang atungal ng mga bangkay. Napalingon kami dahil doon at nakita namin na papunta na sila sa kinaroroonan namin.

    “Sarah! May kotse dito na may susi pa sa ignition!”

    Napalingon naman ako dahil sa sinabi ni Mackenzie.

    “Tara na! Sumakay na tayo! Nandyan na sila!”

    Sumakay naman na kami sa kotse na nakita ni Mackenzie. Pumwesto ako sa passenger seat habang siya ang nasa driver’s seat.

    Bago kami nakaalis sa lugar na iyon. Nagawa pa ng mga bangkay na abutan ang aming sinasakyan. Kinalampag nila ang mga salaming bintana ng sasakyan. Ang iba ay inakyat pa ang windshield.

Quarantine ChroniclesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon