1st Chronicle / A Heinous Crime

277 9 0
                                    


January 22, 2040
One Month Before Quarantine

Alas-otso na ng gabi ng mga oras na iyon sa Manila north harbor. Tahimik ang buong pier. Walang tao. Madilim ang malaking bahagi ng lugar. Malamig ang simoy ng hangin. May ilang liwanag naman ng lamppost ang matatanaw.


May isang puting yate ang patungo sa pier. Wala itong liwanag man sa loob. Ngunit, matatanaw sa loob ng cockpit area ang dalawang lalaking nakatayo. Hindi rin makikita ang kanilang itsura dahil sa dilim. Nag-uusap din ang mga ito.


"Ano na'ng sabi ng nakausap mo, Cornelio?" tanong ni Clyde. Isang binata na ang edad ay nasa labing-siyam ng taon.


"Nandito na raw siya sa pier. Kanina pa raw siya naghihintay. 'Wag kang mag-alala, isang pulis ang nakausap ko. Kaya sigurado ako na hindi niya tayo bibiguin. Alam niya ang kalakaran sa loob ng presinto. Alam niya na walang alam ang mga pulis tungkol dito sa gagawin natin," sagot ni Cornelio at tiningnan niya ang kaniyang kasama na may nakalolokong ngiti sa kaniyang labi. Si Cornelio ay mas matanda kaysa kay Clyde. Nasa tatlumpung-taon na ang edad niya. Ngunit sa kanilang usapan ay tila magkasing-edad lamang sila.


"Pulis? Hindi naman kaya madale tayo diyan? Pulis pa naman 'yan baka siya pa magsumbong sa 'tin? Baka naman operasyon na pala nila 'yan para mahuli tayo?! Baka naman madale tayo sa operasyon nila?!" kabadong tanong ni Clyde.


"Ano ka ba? Hindi, ah! Nakatrabaho ko na rin siya dati pa. Hindi niya naman tayo ilalaglag, lalo na't malaking halaga rin ang ibabayad sa kaniya."


Napatango na lamang si Clyde sa naging sagot ni Cornelio.


"Basta siguraduhin mo lang na dapat malinis ang gagawin natin, ha? Ayaw ko na may bakas ng kahit ano mang ebidensya na p'wede nilang gamitin laban sa atin kapag nagkabukingan na."


"Ikaw talagang bata ka! Ano ka ba? Siyempre malinis lahat 'to! Wala silang makikitang ano man na ebidensya laban sa 'tin! And try to think about the payment! Malaki ang kikitain natin dito kapag nagawa natin 'to! Magiging milyonaryo tayo! Maipagagamot mo na rin ang nanay mo!" desididong sabi ni Cornelio.


Sa kalagitnaan ng kanilang pag-uusap ay biglang nag-ring ang cellphone ni Cornelio at kaagad niyang kinuha iyon sa kaniyang kanang bulsa.


"Hello?"


"Hello? Cornelio? Ano na? Sa'n na kayo? Kanina pa 'ko rito!" aligagang tanong ng isang lalaki sa kabilang linya.


"Malapit na kami sa pier! Hintayin mo lang kami!"


"Bilisan n'yo lang, ha? Baka may makakita sa 'kin dito sa pier. Pagkakataon na 'to habang walang tao rito. Pakibilisan n'yo na!"


"Sige! Sige!" tarantang sagot ni Cornelio.


"Saka nga pala! 'Yung bayad sa 'kin, ha? 'Wag mong kalilimutan," nakalolokong sabi ng kausap ni Cornelio.


Napangisi naman si Cornelio.


"Oo naman! Basta 'wag ka lang kakanta 'pag tapos nito."


"Oo na! Sige na! Bilisan n'yo na!"


Ibinaba na ni Cornelio ang kaniyang cellphone at seryosong tiningnan si Clyde na kaniyang kasama. Bumuntong-hininga siya at napalunok sa kaba.


"Malapit na tayo. Pakisabihan na ang mga kasama natin!" utos ni Cornelio kay Clyde na sadyang kinakabahan din sa kanilang gagawin.


Nagtungo si Clyde sa yatch deck upang sabihan na ang kaniyang mga kasama. Pagkarating niya roon, nakita niya na naghahanda na ang mga ito at tila huli naman na siya upang sabihan pa ang mga ito. Nandoon ang dalawang lalaki at dalawang babae, ang isa ay kulot na babae.

Quarantine ChroniclesWhere stories live. Discover now