Chapter 2

546 36 8
                                    

Art Like Scars

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Art Like Scars

•••

Naalala ko noong bago lisanin ng pamilya ko ang Dumangan, si Earl at si Jean ang huling nagbigay sa'kin ng paalam. Sa may bukid hindi kalayuan sa bahay namin, dala-dala nila pareho ang bulaklak bilang regalo sa pag-alis ko. Sinabi nilang dalhin ko 'yon sa Maynila at doon lalo palaguin.

Umulit sa memorya ko ang alala na iyon, kung saan mga siyam na taong gulang pa lamang kaming tatlo. May mga memorya na hindi mo talaga makakalimutan, lalo na kapag pinilit mong isuksok iyon sa kailaliman ng isipan mo. Siguro dahil mahalaga sa'kin ang mga panahon na 'yon, na hanggang ngayon ay pinanghahawakan ko pa rin.

Naalala ko ang semi kalbong gupit namin ni Earl, habang si Jean naman ay laging nakatrintas kahit mukhang pagkagulo gulo ang pagkakagawa nito. Madalas pa ngang makikita na may nakadikit na ilang piraso ng buhok n'ya sa mukha n'ya dahil sa pawis. Nagsasaad ito na bakasyon na dahil sa init.

"Diligan mo 'yan araw-araw pero 'wag mong lunurin. Hindi 'yan water lily, peace lily daw yan," paalala ni Jean.

Pagkatapos iabot sa'kin ni Jean ang kulay puting bulaklak na pinitas nilang bulaklak ay dapat tatalikod na 'ko para tumungo sa kotse kung saan hinihintay ako ng mga magulang ko.

Napatuon naman ako kay Earl na napakamot ng batok n'ya. "Pinitas ko pa 'yan doon kay manang Tere, nahuli nga 'ko pero okay lang raw. Buti na lang daw ay pogi ako." Sumenyas ito gamit ang kan'yang dalawang daliri sa ibaba ng baba n'ya para lalong buhatin ang bangko n'ya.

Sinamaan s'ya ng tingin ni Jean bago bumaling ito sa'kin.

"Vale," tawag ni Jean sa palayaw ko na s'ya ang lumikha, masyado raw kasing mahaba ang Valentine. Ang hirap nitong tawagin kapag nag-aaya na s'ya na maglaro kami.

Huminga ito nang malalim. "Babalik ka pa, 'di ba?"

Umismid si Earl at humalukipkip. "'Tol, siguraduhin mo na babalik ka pa, kung 'di isusumpa ka namin sa Maynila," dagdag nito.

Tumawa ako kahit ramdam ko ang lungkot, hindi ko naman alam ang isasagot ko dahil ayokong mangako na babalik pa 'ko ng walang kasiguraduhan.

Dahil taong 90's pa iyon ay hindi madali ang komunikasyon lalo na sa mga taong nasa probinsya, kaya hindi ko na rin sila napadalhan ng sulat, o kaya naman ay natawagan sa telepono. Sina Earl lang ang mayroong linya ng telepono, habang sina Jean naman ay wala. Hindi kasi ganoon karangya ang buhay ng pamilya nito.

Ngayon na nasa eskwelahan ako at oras ng lunch ay hindi ko maiwasan na mapasimangot nang makita si Jean na kumakain mag-isa rito sa canteen na magulo at maingay, kalat-kalat ang mga estudyante na ang iba ay nagkukulitan, habang ang iba naman ay kumakain nang matiwasay. Nakaupo ito sa table sa sulok, sa banda kung saan may kalapitan ang basurahan. Malayo sa parte na matao.

Tila iba na ang liwanag sa mukha n'ya, pero masasabing maganda pa rin s'ya. Lalo s'yang gumanda kumpara noong bata pa kami. Ang mahaba at kulot n'yang buhok ay katulad pa rin ng dati, pati na rin ang morena niyang balat na madalas asarin ni Earl noon. Payat na rin s'ya hindi katulad noon na mas malaman s'ya kaysa sa'min ni Earl, siguro dahil tumangkad s'ya sa puntong halos magkasingtangkad na sila nito.

Mukhang napansin ni Jean na nakatingin ako sa kan'ya, kaya lumipad ang tingin n'ya sa gawi ko. Doon ko nakita kung paanong nawala ang kislap sa dalawang pares na iyon; hindi katulad ng dati na masigla, na aakalain na mukha laging nakatawa. Umiwas din agad s'ya ng tingin na parang wala lamang at ipinagpatuloy na ang pagkain.

Lumapit ako sa kan'ya at inilapag ang lunch na binili ko bago umupo sa tapat n'ya. Luminga-linga ako sa paligid para hanapin si Earl ngunit hindi ko s'ya makita. Sabi n'ya ay sabay kami kakain, pero mukhang 'di ata s'ya tutupad sa usapan. May bagong babae na naman ata 'yon na kausap.

Imbis na ang tropa ko ang makita ko, ang tanging bumungad sa'kin ay ang mga tinginan ng ibang estudyante na parang may mali akong ginagawa. Na parang nagtatanong sila kung bakit nakiki-upo sa table kung nasaan nakapwesto si Jean.

"Umalis ka na kung ayaw mong makulam," banta ni Jean sa walang ganang tono. Nakasimangot itong nakatingin sa'kin.

Hindi ko pinansin ang mga salita n'yang iyon. Hinawakan ko na ang plastik na kutsara't tinidor upang magsimula nang kumain.

"Okay lang naman sa'yo na maki-table ako 'di ba?" kaswal na tanong ko rito.

"Hindi sa'kin 'tong table, kaya gawin mo kung anong gusto mong gawin," sagot n'ya na nagpatahimik sa'kin.

Nagkaroon ng katahimikan sa aming dalawa, tinitigan ko s'ya upang makita ang eskpresyon n'ya. Ganoon pa rin naman, mukha pa rin s'yang masungit at ayaw makipag-usap. Pero hindi ako pwede na lamang manahimik, kung gusto kong malaman kung ano ang mayroon kay Jean, kailangan ko s'yang kausapin.

"Hindi mo ba 'ko naaalala?" lakas-loob kong tanong sa kan'ya. Lumiit ang mga mata ko na parang inuusisa s'ya, pero sinigurado kong magbigay ng maliit na ngiti sa kan'ya.

Kumurap ang mga patay n'yang mata na nakatuon sa'kin. Bumilang ang ilang segundo bago s'ya magbitaw ng mga salita.

"At ano ngayon kung naaalala man kita?"

"Ouch." Napahawak ako sa dibdib ko na para bang nasaktan ako.

"Alam mo, ang laki nang ipinagbago mo; snob ka na. Samantalang dati lagi mo pa 'kong tinatawag sa labas ng bahay namin para maglaro kahit tulog pa 'ko ng hapon..." kwento ko sa kanya, alam kong maaalala n'ya ang mga iyon dahil iyon ang paulit-ulit n'yang gawain tuwing bakasyon.

"Natagalan lang naman ako bumalik, pero magkaibigan pa rin naman tayo 'di ba?" dagdag ko pa.

Umirap s'ya at inilapag ang kubyertos na hawak n'ya. "Magkaibigan tayo noon, Vale, pero iba na ngayon. Isa pa, hindi nagtatagal ang pagkakaibigan ng mga bata. Malaki na tayo pareho."

Napasimangot ako sa sagot n'ya. Napaka-ilap n'ya talaga. Sabi nila may emo phase raw ang lahat, siguro emo phase n'ya ngayong sixteen years old na s'ya.

"Pwede naman tayo maging magkaibigan ulit kahit pa malalaki na tayo..." pilit ko. Hindi ako magpapatalo nang ganoon na lamang. Kailangan kong malaman kung bakit ganito ang inaakto n'ya.

"Salamat na lang, pero ayoko," maikling sagot n'ya na sa tono na nagsasabing wala talaga s'yang pakialam.

"Bakit ayaw mo?" pangungulit ko rito.

"Pwede ba?" Luminga linga si Jean, mas lalong hindi gumanda ang ekspresyon n'ya nang kumunot ang noo n'ya. Marahil siguro napansin n'ya ang tingin ng ibang mga estudyante sa'min.

Hindi ako pwedeng magreklamo na ang daming pakialamero, dahil pakialamero rin ako sa ginagawa ko na 'to kay Jean. Ang sa akin lang, walang bahid ng malisya. Hindi naman ako chismoso.

"Lumipat ka na ng ibang table. Pinagtitinginan tayong dalawa," aniya at yumuko. Nakisama ang kasing itim ng tinta n'yang buhok para itago ang mukha n'ya. Nilaro laro n'ya ang kanyan pagkain habang hinihintay akong sundin ang sinabi n'ya na lumiban.

Nanatili lang ako sa kinauupuan ko, wala naman akong pakialam kung tumititig sila sa amin. Bakit, sino ba sila?

Inilapit ko ang mukha ko kay Jean upang bumulong. Napatitig lamang ito sa'kin na may bakas ng pagkagulat sa mukha n'ya.

"Hayaan mo silang tumingin."

•••

Art Like ScarsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon