Chapter 22

163 19 2
                                    

Art Like Scars

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Art Like Scars

•••

Malayo sa ugali ko ang manakit, alam 'yon ng halos lahat ng taong kakilala ko. Mailap ako sa mga argumento, mga away, mga sakitan, dahil ayokong nakikisali sa gulo. Kung nandyan ang katahimikan, iyon naman ang agad-agad na pipiliin ko.

Pero may mga bagay na hindi ka pwedeng manatiling tahimik na lamang. Kailangan ng ingay, nang sa ganoon ay mapakinggan ka man lang kahit hindi ng lahat, kahit ng bilang na tao lang.

Noong dumapo ang kamao ko sa mukha ng amain ni Jean ay wala akong nadama na pagsisisi. Hindi kasi iyon ganti, hindi iyon sapat na ganti. Gusto ko man paulit-ulit na gawin, hinatak agad ako ng ingay na gawa nina Dr. Arseño at Tita Luisa. Sigaw nila ang mga salitang "tama na" at "tigil na." Nagpatigil ang mga salitang iyon sa'kin dahil naalala ko si Jean, paano kung iyon din ang mga katagang sinasabi n'ya kapag gusto n'yang pigilan ang amain n'ya kada pagkakataon na ginagawa sa kan'ya ang hindi kaaya-aya? Mayroon bang tao para magpigil kay Pablo tuwing hihingi s'ya ng saklolo?

Dahil sa nangyari sa Principal's Office ay nasuspinde ako ng isang linggo, at nagkaroon ng community service hanggang matapos ang taong aralan. Ang sabi pa ng Guidance Coordinator ay mabait pa raw ang mga magulang ni Jean dahil hindi na raw ito nagreklamo pa sa puntong pwede akong ma-expel. Dahil din sa pagkakasuspinde ko ay nawala ako sa listahan ng pwedeng mapasama sa honor roll, pero hindi na iyon kawalan sa'kin. Wala naman akong ginawang kamalian para magluksa. 

Pagkatapos ng isang linggo akong masuspinde ay agad din naman akong pumasok sa eskwela. Pagkatapak ko pa lamang sa building namin ay naramdaman ko na ang mga matang nakatingin sa'kin, ang iba ay nagbubulungan pa. Napakabilis nga naman kumalat ng mga kwento rito, pero alam kaya nila kung bakit ako umakto ng ganoon? Baka hindi, dahil madalas ay tanging kamalian  lang naman ng isang tao ang nakikita ng karamihan. 

Namuo ang galit sa'kin habang papalakad ako patungo ng classroom. Nakasunod pa rin ang mga tingin, ramdam na ramdam ko ang mga iyon. Nakakasuklam, para akong inuusisa ng bawat isang estudyante na nasa pasilyo. Kahit hindi ko naririnig ang mga salitang binubulong nila ay para akong nabibingi, gusto kong tumigil sila, tangina, ano ba kasing pakialam nila?

Nang makarating ako sa classroom namin ay tumalikod ako upang harapin ang ibang mga estudyante na nakasunod ang tingin sa'kin, umiwas ang karamihan na akala nila ay hindi ko sila mahuhuli. 

"Wala ba kayong mga buhay, ha?" Nanggagalaiti kong sabi, bumilis ang paghinga ko. 

"Nabaliw na rin ata," dinig kong sabi ng kung sino. Napatawa ako rito, mas pipiliin ko na nga lang kung ganoon kaysa naman mapabilang ako sa mga taong katulad nila. Mas maganda nang hindi ako pareho sa kanila na makitid ang mga utak, at ang pagiging iba ko ay dahil alam ko kung anong tama; ang totoo.

"Oo, tangina! Pero mas masahol pa kayong lahat sa baliw na katulad ko!" bulyaw ko sa mga ito na nagpatihimik sa buong pasilyo. 

Sa araw-araw na pumapasok si Jean, na pinagtitinginan s'ya, pinagbubulungan s'ya, at ang mga kwento pa na kasinungaling lamang tungkol sa kan'ya, ay parang gusto ko na lang din umalis. 

May mga bagay na akala mo lamang ay maganda sa una, kasi 'yon ang Dumangan para sa'kin, napakaganda nito noong pagkabalik ko, para akong nakahinga nang maluwag ulit, pero ngayong wala na si Jean, parang wala na rin akong rason para gustuhin pa ang lugar na 'to. 

"Tol, ano ba'ng nangyayari sa'yo?" pabulong na tanong ni Earl sa'kin na kakarating lang.

Isa pa 'tong si Earl, isa s'ya sa pinakamasahol sa lahat. Hinayaan, pinabayaan, at kung ano-ano ang pinagsasabi n'ya. 

Minata ko ito, habang bakas pa rin sa mukha n'ya ang pagkalito. Hangga't sa pinili ko na lang rin na tumalikod na lamang; pinigilan ko ang sarili ko na magsalita ng hindi maganda rito. Ayoko na lang s'yang maka-usap. 

••

Buong umaga ay wala ako sa sarili, ang presensya ng utak ko ay nanatili lamang sa iisang tao. Hanggang sa dumating na ang lunch, at nakita ko ang pwesto sa canteen na madalas upuan ni Jean na walang tao. Tumungo ako roon para umupo at kumain kahit wala akong katiting na gana, kaya hindi ko na pinilit ang sarili kong ubusin pa ang pagkaing nasa lamesa, bagkus ay pinagmasdan ko na lamang ang mga estudyanteng nasa canteen na kumakain at nagkukwentuhan. 

Hindi ko mawari kung paano nila nasisikmura; kung paano n’ya nga ba nasikmura.

Para akong kakainin ng ingay, ng tawa ng mga taong akala ko kakilala ko na. Ngayon ko lang naitanong sa sarili ko kung bakit wala ni isa sa kanila na nandirito ang hindi nag-isip na magdalawang tingin sa kanya. Hindi ako nasasaktan dahil wala s’ya, pero nasasaktan akong isipin na ngayon n’ya lang naisipang umalis sa lugar na pilit nananakit sa kan’ya. 

Tila lalong lumiliit ang espasyo sa canteen, pakiramdam ko ay ako na lamang ang nag-iisa. Siguro, ganito ang nararamdaman n’ya kada araw na kumakain s’yang mag-isa. 

Kasabay ng pagkuyom ng aking palad ay doon ko naalala ang hawak-hawak ko kanina pa. Mula sa palad ko ang regalo n’ya no’ng kaarawan ko, isang pulseras na tanging gawa n’ya na may asul na bato sa gitna—Lapis Lazuli, iyon raw ang ginamit n’yang bato dahil doon n’ya ako naalala. 

“That means the truth, you remind me of the truth.” 

Umalingawngaw ang wika n’ya sa’kin. Nagpapaalala na gusto ko ulit marinig ang kan’yang tinig. 

Bakit hindi ko napansin nang mas maaga?

Bakit nag-alangan akong tanungin s’ya?

Bakit naduwag ako na malaman noong una?

Nasaan na kaya s’ya?

Nagising ako sa mga katanungan nang tumunog ang bell sa canteen, nagpapaalala na ako na lang pala ang natitira mag-isa, at nagsibalikan na ang ibang estudyante sa kani-kanilang klase. Naramdaman ko na siguro ganito ang pakiramdam n’ya sa araw-araw—tanging nag-iisa s’ya.

Hindi ko gustong gumalaw sa kinauupuan ko, lahat ng bakit ay lalong pumasok sa isipan ko. Pero paano? Paano nakakayanan ng lahat na nawawala si Jean? 

Kahit gaano pa katindi ang kagustuhan kong hanapin s'ya, nararamdaman ko na ayaw n’yang magpahanap. Iniwan n’ya na ang lugar na ‘to para sa mas makakabuti at hindi na s'ya kailan pa man babalik. 

Sa mga bukas na kakaharapin ng mga tao sa Dumangan ay wala ng Jean, at mukhang tanging ako lang ang makakaala sa kan'ya at sa katotohanang matagal n'yang pilit na itinago. 

•••

Art Like ScarsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon