Chapter 25

257 21 11
                                    

Art Like Scars

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Art Like Scars

•••

Nakapinta ang kalituhan sa mukha ng mga magulang ko nang bigla kong hingin ang susi ng kotse. Mas makakarating kasi ako ng mabilis doon kung magmamaneho ako. Alam ko man na hindi tama na magmaneho ng walang lisensya, pero nangako naman ako sa kanila na mag-iingat ako. Kung si Itay kasi ang magdadala sa'kin doon ay malaki ang pagkakataon na makita nito si Jean. Kaya hindi pwede, dahil alam kong ayaw n'yang magpakita sa iba.

Nang ibigay sa'kin ni Itay ang susi ay hindi na 'to nagtanong pa, si Inay na lang ang mukhang nag-aalala. Humingi naman ako ng paumanhin na kailangan kong umalis dahil may importante akong kailangang puntahan. Hindi ko iyon pwedeng palampasin. 

Hinubad ko ang suot kong toga, at graduation cap para ibigay kay Inay kasama na ang diploma ko. Wala na akong sinayang na panahon kaya naman agad na akong lumabas ng auditorium para tumungo kung saan nakaparada ang kotse. 

Ang pagkabog ng puso ko ay 'di pa rin pumapalya, halata sa'kin ang kaba na may halong pagkasabik dahil hindi ko man lang mahawakan nang maayos ang susi ng kotse; nahulog tuloy iyon habang binubuksan ko ang pinto nito. Nang makaraos at makapasok na rin sa loob ay huminga ako nang malalim pagka-upo sa driver's seat. Kailangan kong pakalmahin ang sarili ko. Pinakiramdaman ko muna kung maayos na ang paghinga ko bago ko buksan ang engine at paandarin na ang kotse. 

Habang nagmamaneho ako ay napatingin ako sa kalangitan, mukhang uulan na naman. Kailangan kong makarating doon hangga't hindi pa nagdidilim, pero hindi ko magawang magpatakbo nang napakabilis. Ayoko rin naman na may hindi magandang mangyari dahil sa pagmamadali ko. Isa pa, nangako ako na mag-iingat ako. 

Kahit pa dapat ay pagod na ako mula sa seremonya at higit isang oras akong bumyahe ay hindi ko iyon lubos na maramdaman, mas lalo lang atang bumugso ang enerhiya sa katawan ko nang makita ko na ang pamilyar na Hardin ng San Jose. Ang mga puno rito, ang mga malayang mga damo, at lalo na ang plantasyon ng mga rosas. Nang maiparada ko ang kotse sa maayos na lugar ay dali-dali na rin akong lumabas para tumungo kung nasaan si Jean. Kahit na tuluyan nang umulan ay hindi ko na iyon ininda. 

Ang bawat yapak ko patungo roon ay nagbigay sa'kin ng kaba, nagpatuyo sa lalamunan ko, at nagpabilis ng paghinga ko. Napatigil ako ng nasa pasukan na ako ng rose garden. Biglaan akong napatanong sa sarili ko kung paano ko haharapin si Jean; paano ko s'ya kakausapin ng kaswal, o kung yayakapin ko man ba s'ya kapag nakita ko s'ya?

Napapikit ako nang mariin, hindi na iyon mahalaga. Mahahanap ko rin ang dapat kong gawin kapag siguro ay kaharap ko na s'ya. 

Tuluyan na akong pumasok sa plantasyon, at ang bumungad sa'kin ay ang isang babaeng nakatalikod na may maikli at kulot na buhok, nakasuot ito ng sumbrero, puting blusa, maong na pantalon, at marami itong pulseras sa kan'yang mga kamay. Mabagal itong naglalakad lakad, nasa likod ang dalawang mga kamay n'ya, habang nakatingin sa mga pulang rosas na parang may hinihintay. 

Art Like ScarsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon