Chapter 6

245 25 3
                                    

Art Like Scars

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Art Like Scars

•••

Sa sumunod na linggo, araw ng Biyernes kung saan palaging maaga ang uwi namin kumpara sa ibang araw na may pasok, ay napagkasunduan namin gawin ni Jean ang proyekto.

Nagpaiwan kaming dalawa sa klase dahil dito namin gagawin ang lampara. Hindi kasi pwede sa bahay nila, at mukhang hindi rin s'ya komportable kung sa'min naman namin ito gagawin.

Kaya heto kami ngayon dalawa, nagpa-iwan sa classroom nang pagkatapos ng klase para dito gawin ang proyekto. Inilapag namin sa sahig ang mga gamit na kakailanganin, pati kami ay doon na rin umupo para pagplanuhan kung paano ito gagawin.

Walang gabay kung paano gagawin ang lampara, pero mukhang madali lang naman ito base sa materyales na binigay sa amin. Ilang piraso lang ng kahoy, puting lubid, kulay lila na tela, at iba't ibang pandikit. 

Sinimulan muna namin ni Jean aralin kung ano ang posibleng itsura ng lampara bago namin ito buuin, nang malaman naming isa itong lampara na parihaba ang hugis na kung saan ang lilang tela ay ang magsisilbing disenyo, habang ang puting lubid naman ay pwedeng gawing sabitan nito. 

"Magsimula na tayo?" tanong ni Jean habang hawak hawak ang kandila at posporo, iyon kasi ang gagamitin bilang pangtunaw ng glue stick. Tumango ako rito bilang sagot.

Pinagmasdan ko ito habang tinutunaw n'ya ang ilalim ng kandila para dumikit ang kandila sa sahig nang sa ganoon ay manatili itong nakatayo.

Iniiwasan ko na ang masyadong dumaldal dahil ayaw naman n'yang daldalin ko s'ya, sa ganoong paraan ay hindi naman s'ya mairita sa'kin at lalo akong layuan. 

Sa ilang beses n'yang sinubukang idikit ang kandila sa sahig ay napabuntong hininga s'ya pagkatapos n'yang matagumpay iyon na nagawa. 

Nagsimula na kaming buuin ang lampara, at dahil wala na gaanong mga estudyante na nanatili din sa mga kalapit na classroom ay unalingawngaw ang katahimikan. Nanatili pa rin na nakatikom ang bibig ko, at nagulat na lang ako nang basagin ni Jean ang katahimikan nang magsalita siya. 

"Congrats nga pala, nanalo ka," malumanay n'yang sabi. Nakatuon ang mga tingin nito sa ginagawa naming lampara.

Natigilan ako ng ilang segundo, bago tuluyang makasagot. "Salamat." 

Hindi ko man inaasahang manalo at mapasali sa student council ay pinalad pa rin ako. Gumuhit ang ngiti sa labi ko, pero agad ko iyon itinago. Alam ko'ng simpleng pagbati lamang iyon, at sa ilang pagbati ba namang natanggap ko mula sa mga guro, kaibigan, kaklase, ka-batch, at kung sino-sino pa ay pare pareho na lang ang pakiramdam ng salitang iyon. Ngunit iba pagkatuwa ko noong si Jean ang bumati. 

Nang bumalik ulit ang katahimikan ay may pakiramdam sa akin na nag-uudyok na ipagpatuloy ko ang posibleng usapan. Siguro naman ay hindi masama kung kakausapin ko s'ya kahit sandali lang? Para lang naman magkaroon ng kaunting ingay. 

Nag-isip ako nang mataimtim habang ginagawa ang proyekto kung ano ang pwede namin pag-usapan dahil mukhang marami s'yang katanungan na ayaw sagutin. Hindi pwede ang tungkol sa pamilya, sa kaibigan, at boring naman kung tungkol sa klase. 

Dumaan ang tingin ko kay Jean, patungo sa kamay n'yang iniabot sa'kin ang piraso ng gluestick upang ipandikit ko sa piraso ng tela. Napansin ko ang mga pulseras n'yang suot-suot na tila gumagawa ng maliit na ingay.

Naisip kong doon ituon ang usapan namin—sa mga aksesorya n'yang laging suot-suot.

"Hilig mo talagang isuot ang mga 'yan, ano?" Itinuro ko ang iba't ibang pulseras sa kamay n'yang nakaabot sa'kin bago kuhanin ang bagay na inaabot n'ya.

"Oo," matipid na sagot n'ya na may halong pagtango. 

"May ibig sabihin ba ang mga pulseras at bato na 'yan?" Sumubok ulit ako gamit ang isa pang sagot.

"Oo," sagot n'ya ulit. Nilahad n’ya ang mga kamay n’ya para ipakita sa’kin ang mga aksesoryang suot niya. "Parte ko kasi ang mga ‘to, comfort kumbaga. Isa pa, maganda sila para sa paningin ko. Sa bawat isang bato, may kahulugan para sa'kin."

Inalis ni Jean ang pulseras n'yang mga puting bato ang disenyo. "Katulad nitong Opalite, nakakapagpa kalma ito ng pakiramdam. Ito namang Onyx ay pangtaboy ng mga negatibong bagay," kwento nito. Habang nagsasalita s'ya ay mas nagiging maliwanag ang ekspresyon sa kan'yang mukha. Lumapit ako nang bahagya lalo sa kan'ya sa paraan na hindi n'ya gaanong mapapansin.

Nagpatuloy lang si Jean sa pagkukwento. "Ito namang Rose Quartz ang paborito ko, sinisimbolo nito ang healing, pwede rin para sa universal love. Ito ang paborito ko sa mga koleksyon ko sa ngayon," aniya at ipinakita sa'kin ang singsing n'yang may kulay kalimbahin na bato. Mukhang ito ang klase ng bato na ipinulot ko noong magkita kami noon malapit sa bukid. 

"Maganda nga…" komento ko para magsilbing tugon sa kan'ya.

Umiwas si Jean ng tingin at nagsimula ulit sa paggawa ng lampara. Mukhang hindi n'ya ata nagustuhan ang tugon ko.

"Alam ko'ng maraming natatawa sa itsura ko… lalo na kung bakit ang dami kong suot-suot na ganito. Pero ano ba ang pakialam ko sa kanila? Kung kakaiba man ako, hindi rin naman sila magkapareho bawat isa," binalik ni Jean ang mga tingin n'ya sa'kin. "Mabubuhay na lang ba ako na iisipin palagi kung ano ang iisipin nila?" 

Wala akong magawa kundi ang tignan s'ya habang may maliit na ngiti. Natutuwa akong malaman kung ano ang mga nasa isip n'ya. 

Umirap si Jean. "Huwag mo sabi akong titigan nang ganiyan,” suway n’ya sa’kin. “Tapusin na natin 'to bago pa maupos 'tong kandila.” Binalik nito ang atensyon n’ya sa lampara na istorbo sa usapan namin.

Nag-unat ako bago ulit pulutin ang ilang piraso ng kahoy para buuin ito. 

"Sabi ko na Jean, ikaw pa rin 'yan na kilala ko dati,” wika ko habang binubuo ang lampara.

"Hindi mo sigurado…" tugon naman nito habang umiiling. 

Pinunasan ko ang butil ng pawis ko sa noo, nagulat naman ako nang biglang higitin ni Jean ang kamay ko. Bumilog ang mga mata n'ya habang nakatingin sa relo sa kamay ko.

Agad-agad s'yang tumayo at aligagang kinuha ang gamit n'ya. Napatingin din tuloy ako sa relo ko at nakitang limang minuto na lang ay alas-cinco na. May curfew si Jean kaya nagmamadali s'ya.

"Sorry, Vale. Kailangan ko nang umuwi, pwede naman natin tapusin siguro bukas." Bakas ang takot sa boses n'ya. 

"Ihahatid na kita," aya ko sa kan'ya.

"Hindi!" atas n'ya, nagulat ako sa biglaang pagtaas n'ya ng boses. Kahit s'ya ay mukhang nagulat dahil doon. "Hindi pwede." Lumuhod ito para mabilisang ayusin ang mga gamit namin sa proyekto. 

"Ako na ang bahala rito, Jean. Umuwi ka na." Kinuha ko sa mga kamay n'ya ang mga gamit at ako na ang patuloy na nagligpit. 

Binigyan n'ya ako ng huling tingin, "Sorry ulit, Vale. Mauuna na 'ko," paalam niya bago kumaripas ng takbo paalis. Wala na akong ibang nagawa kundi tignan ang pigura n’ya habang tuluyan itong mawala.

Alam ko'ng may nakita akong kakaiba kay Jean—iba siguro ang takot n'ya. Natural lang naman iyon sa mga anak na may curfew, siguro ay hindi ko lang alam ang pakiramdam dahil wala naman ako noon. 

Sana lang ay tama ang hinala ko, sana lang ay walang mali.

•••

Art Like ScarsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon