Uno

123 12 3
                                    

SA EDAD na dalawampu't lima ay masasabi ni Thor na marami na siyang pinagdaanan sa maikli niyang buhay.

Maikli.

May pakiramdam si Thor na maikli lamang talaga ang buhay niya matapos siyang mabundol ng isang sasakyan kahit na nga ba naglalakad siya sa tabi ng daan. Nang maramdaman niya ang matigas na bagay na bumangga sa kanya ay pakiramdam niya ay parang pelikulang na-fastforward ang buhay niya. Naalala niya ang mga mahahalagang pangyayari sa buhay niya.

Ang kanyang ama na responsable pero pumanaw dahil sa sakit sa puso noong siya'y limang taong gulang pa lamang.

Ang kanyang ina na mabait pero pumanaw dahil sa sakit sa baga noong siya'y sampung taong gulang pa lamang.

Ang kanyang kuya na umalis sa kanilang probinsya upang magtrabaho para maitaguyod sila ay hindi na nakabalik at nalaman na lamang niyang naaksidente ito sa pinagta-trabahuan nitong pabrika at namatay. Labinlimang taong gulang si Thor noon nang maulila siya nang tuluyan. Ni hindi niya nakita ang kanyang kapatid maging ang bangkay nito.

Matapos mawalan ng lahat ng mahal sa buhay ay nag-desisyon siyang umalis sa probinsya at makipagsapalaran sa siyudad at upang hanapin din kung saan nakalibing ang kanyang kapatid. Sa loob ng sampung taon niya sa siyudad ay nagpalipat-lipat siya ng trabaho para lamang mabuhay. Mag-isa niyang binuhay ang kanyang sarili at iyon lamang talaga ang nakaya niyang gawin; ang piliting mabuhay.

Umikot ang paningin ni Thor nang maramdaman niya ang matigas na aspaltadong daan sa kanyang likod. Malapit na iyong gumabi kaya naaninag na niya ang mga bituin at kahit masakit ang buo niyang katawan dahil sa pagkakabangga ay hindi niya naiwasang mapangiti. Nang isa-isang mawala ang kanyang mga mahal sa buhay ay hindi kailanman sumagi sa isipan niya ang magpatiwakal dahil may takot siya sa Diyos at alam niyang hindi matutuwa ang mga magulang niya kung kikitlin niya ang sariling buhay pero ngayong nasa bingit siya ng kamatayan ay saka niya naisip at naramdaman ang pagkapagod. Habang unti-unti niyang ipinipikit ang kanyang mga mata ay unti-unti niya ring inihahanda ang sarili upang makita ang mga mahal niya sa buhay na kay tagal niyang pinanabikang muling makita.

Redentor S. Sumilong. Twenty-five. Single. Dead.


"MAGANDANG GABI."

Nanlaki ang mga mata ni Thor nang makita ang isang babaeng hindi niya pa nakikita sa tanang buhay niya. Imposibleng makakita o makakilala siya ng ganoon kagandang babae sa maikli niyang buhay -

Natigilan si Thor. Nagtataka namang ikiniling ng babae ang ulo nito pakanan na puno ng pagtataka ang mukha na lalong nagpaganda rito at lalo itong nagmukhang anghel sa paningin niya. Hindi tuloy makapagdesisyon si Thor kung buhay pa ba siya o nasa langit na talaga.

"Sa tingin ko ay maayos naman siya," sabi ng babae saka ngumiti at bumaling sa mga katabi nito na noon lang din napansin ni Thor. Ang babaeng katabi ng magandang babae ay nakasuot ng maid uniform na na kulay pink at namamaga ang mga mata sa kakaiyak at katunayan ay panay pa rin ang iyak nito samantalang ang may-edad na lalaking kasama ng mga ito ay nakasuot ng puting long sleeves at slack pants na kulay itim. Napakapormal nito pero hindi naman mukhang masungit.

"Tumigil ka na sa pag-iyak, Martina. Parang ikaw pa tuloy ang nabundol kaysa sa kanya," mahinahong sabi ng lalaki sa katabi nitong kasambahay na imbis mapalagay ay mas lalo lang umiyak at panay ang pahid ng mga luha gamit ang suot na apron.

"Nasaan ako?" sa wakas ay nakapagsalita si Thor at hindi niya maiwasang maawa sa babaeng parang luluwa na ang mga mata sa kakaiyak. "Ano'ng nangyari sa kanya? Bakit siya umiiyak?" nag-aalala niyang tanong.

"Patawarin mo ako, Mister!" ngawa ng babae na hindi alam kung ano ang uunahing punasan; ang mga luha ba o ang sipon na tumatagas kasabay ng mga luha.

"Para saan?"

Lalo itong pumalahaw. "Ako ang nakabundol sa'yo!"

Doon lang nagbalik sa isipan ni Thor ang mga naganap sa kanya kaya walang imik na napaawang ang kanyang bibig at walang kibong tumitig sa mga kaharap. Pilit na pino-proseso ng kanyang utak ang mga naganap pero mukhang pagod ang utak niyang mag-isip dahil hindi niya alam kung ano ang unang gagawin. Gusto niyang sumbatan ang salarin pero natatakot siya na baka hindi na luha ang mailuha nito kundi dugo na sa sobrang pag-iyak at ayaw niyang makakita ng babaeng umiiyak ng dugo ni sa panaginip man lang.

Pinakiramdaman niya ang sarili. Wala siyang maramdamang kahit na anumang sakit sa katawan sanhi ng pagkakabundol sa kanya at iyon ang mas ipinagtataka niya. Sigurado kasi siyang nabundol siya at tumilapon bago bumagsak sa daan kaya bakit parang maayos ang buo niyang katawan? Upang kumpirmahin, bumangon siya at tiningnan ang sarili. Nakakamanghang isipin na ni galos ay hindi niya tinamo.

Tumingin siya ulit sa mga estranghero sa harap niya at tinanong niya ang sarili kung galit ba siya o naiinis pero wala isa sa mga iyon ang nararamdaman niya. Bagkus ay kahit papaano ay nagpapasalamat siyang humihinga pa siya. Isa iyong milagro.

"Maayos naman ako. 'Wag ka ng umiyak," sabi niya sa babaeng nakabundol sa kanya.

"Patawarin mo po ako, Mister. Hindi ko po sinasadya ang nangyari. Kung gusto mo po akong parusahan, pwede mo pong putulin ang isa kong daliri!"

"Ha?" napanganga si Thor.

"Martina," may himig na pagsaway na sabi ng babae sa kasambahay.

"Sorry po. Sorry po talaga!" umiiyak pa ring sabi ni Martina.

"Pasensya ka na kay Martina. Lalabas muna kami para makapag-usap kayo nang masinsinan ng aming amo," sabi naman ng lalaki saka lumabas kasama ang umiiyak pa ring kasambahay. Matapos ang ilang sandali ay sila na lamang ng magandang babae ang naiwan sa kwarto at hindi maiwasan ni Thor na titigan ang babae na puno ng paghanga.

"Pasensya ka na sa mga nangyari. Ako ang amo ni Martina at ako ang nag-utos sa kanya na bumili ng aking mga pangangailangan sa lungsod kaya kung mayroon mang dapat managot sa nangyari sa'yo ay ako iyon," mahinhing sabi ng babae.

"Okay naman ako. Wala naman akong nararamdamang sakit."

"Natutuwa akong malaman iyan," sabi nito saka ngumiti at tumitig sa kanya. Noon lamang napansin ni Thor na kulay lila ang mga mata ng babae kaya sigurado siyang banyaga ito. "Ngunit dahil kami ay may nagawang masama sa'yo, gusto kong gumawa ng isang bagay na makakatulong sa'yo bilang bayad-pwerhisyo. Sabihin mo lamang at ibibigay ko sa abot ng aking makakaya."

Siguro dahil sa nangyari ay hindi pa rin makapag-isip ng matino si Thor kaya wala siyang maisip na pwedeng hingiin sa babae. Ang totoo, nahihiya siyang humingi ng kahit na ano.

"Hindi ko alam kung ano ang hihingiin."

Ikiniling na naman nito ang ulo gaya kanina. Mukhang ganoon ito kapag nagtataka.

"Kung wala kang hihingiin, ako na lamang ang magbibigay ng suhestiyon."

"Anong suhestiyon?"

Ngumiti ito at sa pagkakataong iyon ay tila kuminang ang kulay lila nitong mga mata na puno ng pagkasabik. "Ayoko ng muling mangyari ang mga naganap kanina kaya maaari kayang matulungan mo kami sa bagay na 'yon?"

"Driver? Kailangan niyo ng driver?"

Tumango ito. "Kung papayag ka sa ganoong trabaho, malugod kong kukunin ang iyong serbisyo at pwede mong hingiin ang kahit na magkanong kabayaran."

"Ano'ng ibig mong sabihin? Pwede akong mag-demand ng sweldo?" paniniyak ni Thor.

"Oo."

"Kahit magkano?"

"Oo."

"Twenty thousand sa isang buwan?" tanong niya pero isa iyong biro dahil wala namang ordinaryong driver na susweldo ng ganoon kalaki sa loob ng isang buwan at tanga lamang ang amo na papayag sa ganoong deal.

"Kung iyon ang gusto mo."

"Weh! 'Di nga?"

Matiim itong tumitig sa kanya. "Ibibigay ko sa'yo kahit magkano ang hingiin mo dahil iyon ang sinabi ko. Ako si Carmine Ataraxia Pygmalion at mayroon akong isang salita."


CarmineWhere stories live. Discover now