Douázeci Şi Patru

55 5 7
                                    

Sa ilang beses niya roon ay kabisado na niya halos ang itsura ng tatay at nanay nito pero habang nakikita niya kung paano masayang namumuhay ang mag-anak, isang pamilyar na bisita ang dumating.

"Mina, handa ka na?" boses iyon ng isang lalaki mula sa labas.

"Ang aga naman niya," reklamo ng dalagitang si Mina at nagmamadaling nginuya ang tinapay na hawak saka uminom ng gatas. "Alis na po ako. Hinihintay na ako ni Ioan."

"Mag-iingat kayo at huwag kayong magagawi roon malapit sa kabilang bundok. Hindi natin iyon teritoryo," paalala ng ama.

Biglang bumukas ang pinto at pumasok ang isang binatilyong mahaba ang nakatirintas na itim na buhok at may kulay abuhing mga mata. "Mina – ahm... magandang araw, Domnule, Doamna," bati nito sa mga magulang ni Mina.

"Magandang araw din sa'yo, Ioan," nakangiting sagot ng ama ng dalagita.

"Tată, Mama, alis na kami. Babalik din kami agad," paalam ni Mina at kinuha ang pana't palaso na nasa ibabaw ng mesa saka lumabas ng bahay kasunod ni Ioan. Sinundan ni Thor ang dalawa at agad niyang napansin ang pagiging malapit ng mga ito.

"Mina, may nasagap ako na balita na maraming usa roon sa timog na bahagi ng gubat. May nahuling dalawang usa 'yong kapit-bahay namin kahapon sa lugar na 'yon," sabi ni Ioan.

"Mahilig ka talagang makinig sa mga kwento-kwento, ano?"

"Pagiging mautak ang tawag doon. Para hindi na tayo gaanong mahirapan sa paghahanap at makabalik tayo agad. Yayayain ko pa si Pavel na magpunta sa bayan mamayang hapon."

"Saan kayo pupunta ni Pavel?"

Ngumisi si Iona. "Manliligaw."

"Kaya pala."

"Kung hinayaan mo sana siyang ligawan ka, eh 'di sana hindi kami mangingibang-bayan," panunukso ni Ioan at napasigaw ito nang sapakin ni Mina sa batok. "Aray naman!"

"Wala pa akong balak na mag-asawa at ayoko sa mga lalaking ambisyoso."

"Ambisyoso?"

Tinitigan ni Mina ang kaibigan. "Gusto niya lang ako dahil anak ako ng pinuno. Ikaw ba gusto mong makisama sa isang taong nais ka lang maging katipan dahil sa impluwensiya ng mga magulang mo?" tanong ng dalagita at umiling si Ioan. "Kung magpapakasal man ako, sisiguraduhin kong mahal ako at hindi gagamitin lang upang umangat ang katayuan sa buhay. Wala akong pakialam kung mas mababa ng antas sa akin ang mapapangasawa ko basta hindi siya sakim sa kapangyarihan at totoong iniibig niya ako kaya naman, 'wag kang masyadong sumama kay Pavel para 'di ka magaya sa kanya ng pag-iisip."

"Sobra ka naman. Hindi naman ako sasama sa kanya dahil nais kong manloko ng mga babae. Sasama ako kasi masaya sa bayan at maraming mga kakaiba at kagila-gilalas na mga palabas. Mayroon din daw nagbebenta ng mga libro na mula pa sa ibang bansa!"

Natigilan si Mina at namilog ang mga mata. "Talaga?"

"Oo kaya nga 'yong mahuhuli natin ay ibebenta ko tapos bibili ako ng aklat doon."

"Pahiram ha?"

"Bayaran mo 'ko."

"Bakit ang damot mo?" angil ni Mina.

"Eh bakit buraot ka?"

Napahiyaw na naman si Ioan nang matamaan ng sapak ni Mina.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Oct 07, 2022 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

CarmineWhere stories live. Discover now