Patru

39 9 0
                                    

ANG TRABAHONG ibinigay kay Thor ay pagiging driver at sa araw na iyon ay gagampanan niya ang trabahong iyon. Meron nga lang siyang hindi inasahan na mangyayari sa araw na iyon na lihim na ikinagulo ng kanyang isipan.

           “Sasama sa akin si Lady Carmine?” paniniyak ni Thor kay Yakov.

           “May kailangan siyang bilhin sa siyudad kaya gusto niyang sumama. Alalayan mo siya at kung sa tingin mo ay masyado ng marami ang kanyang nabibili ay paalahanan mo siyang hindi kakasya sa kotse ang lahat ng mga iyon,” kalmadong bilin ng butler.

           “Paano ko naman ‘yon sasabihin eh amo ko siya?” nag-aalangan niyang tanong.

           “Basta, huwag mo siyang hayaang bilhin ang lahat ng magustuhan niya. Dapat mabili niya lang ang kailangan niyang bilhin. Maliwanag, Thor?” sumeryoso ang itsura ng butler kaya wala siyang nagawa kundi ang tumango.

           Naghintay siya sa labas ng bahay katabi ng kotseng bagong linis at habang naghihintay ay nahihiwagaan pa rin siya sa mga nangyayari.

           “Handa na ako.”

           Binalingan ni Thor ang amo at kung hindi lang niya agad naitikom ang bibig ay sigurado siyang lalangawin iyon sa pagkakanganga sanhi ng pagkamangha nang makita si Lady Carmine. Sa dami ng trabahong pinasukan niya ay marami-rami na siyang nakitang magagandang mga babae pero sa opinyon niya ay namumukod-tangi si Lady Carmine. Hindi lang dahil sa banyaga ito at maganda kundi dahil merong kung ano tungkol sa amo na hindi niya mahanapan ng paliwanag. May kakaiba itong angking halina na hindi nakakaumay tingnan.

          “Sumakay na po kayo,” aniya saka binuksan ang pinto sa backseat. Dumaan sa harap niya ang babae nang pumasok ito sa kotse at naamoy niya ito kaya natigilan siya. Amoy-bulaklak ito, hindi gaya ng naamoy niya kagabi na amoy-dugo.

           “Guni-guni ko lang ba ‘yon kagabi?” hindi niya napigilang tanong sa sarili saka naupo na sa driver’s seat at agad ng pinatakbo ang kotse. Nakita niya pang kumaway sa kanila si Martina at hinahatid naman sila ng tanaw ni Yakov matapos nitong isara ang bakal na gate. Ilang minuto pa ang nagdaan ay binabagtas na nila ang daan palabas ng kagubatan at sa unang pagkakataon mula ng manilbihan siya kay Lady Carmine ay muling nakita ni Thor kabihasnan.

Sinulyapan ni Thor ang amo sa likod mula sa rear-view mirror at nakita niyang nakangiting nakatunghay si Lady Carmine sa labas ng bintana. Dahil bandang alas-nuwebe na iyon ng umaga ay mataas na ang sikat ng araw at tahimik na inaaliw ng amo ang sarili nito sa pagtingin sa labas. Payapa ang mukha nito at puno ng saya.

“Thor, hindi ba malapit ang kinalakhan mong bayan dito?” tanong ng babae.

“Ah, hindi naman sa malapit pero mula rito ay isang bayan muna ang lalagpasan bago makarating doon. Noong mabangga ako ni Martina ay isang bayan pa ang layo ko.”

“Bakit ka naglalakad no’n?”

“Nagtitipid ako ng pamasahe at nagbabakasakali ako na may dadaang truck de karga at makikisakay na lang sana ako kaso iba ang dumaan at nabangga pa ako,” sagot niya saka bahagyang natawa nang maisip kung gaano kawirdo ang insidenteng iyon. Wala pang isang linggo noong mangyari ang insidente pero pakiramdam ni Thor ay parang matagal na iyong nangyari at tinatawanan na lamang niya.

“Nataranta si Martina kaya sa halip na dalhin ka sa ospital ay dinala ka niya sa bahay.”

“Hindi naman malala ang naging lagay ko kaya mabuti na ring ‘di niya ako hinatid sa ospital dahil makakagastos pa,” sagot niya at hindi kumibo si Lady Carmine. “Matagal akong hindi nakauwi kaya hindi ko alam na may nakatira pala sa parteng iyon ng kagubatan. Matagal na ba kayo roon, Lady Carmine?”

Carmineजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें