Şase

29 8 0
                                    

“ANO ANG binabasa mong libro ngayon, Thor?”

           Binalingan ni Thor ang kasambahay na si Martina. Pareho silang nasa kusina dahil nagluluto ang babae samantalang tumutulong siya sa paghahanda ng mga sahog at siya rin ang naghuhugas ng mga ginamit na lalagyan.

           “Mistress of Bloodlust by Linda Cardinal. Nasa pang-apat na libro na ako.”

           “Maganda ‘yan pero ‘di ko tinapos ang buong serye kasi ang haba eh. Isa pa, hindi k aba nahirapan sa mga salita? Medyo malalalim kasi at makaluma,” sabi ng babae habang nagluluto.

           “Nahihirapan nga ako eh pero minsan tinatanong ko si Yakov kung ano ang ibig sabihin ng mga mahihirap na salita. May dictionary naman sa silid-aklatan. Pakiramdam ko nga para akong nag-aaral ulit at ayos lang naman kaysa wala akong gawin,” paliwanag niya.

           “Ano ang pinag-uusapan ninyo?” tanong ni Yakov nang pumasok sa kusina.

           “Tungkol po sa librong binabasa ko,” sagot ni Thor.

          “Mistress of Bloodlust.”

           “Ah,” tangi nitong komento saka lumapit sa isa sa mga kabinet at may kinuha mula roon. Natigilan si Thor dahil iyon ang sisidlan na nakita niyang dala ni Yakov noong makita niya ito mula sa bodega. Walang salita na umalis ng kusina ang mayordomo at sigurado siyang pupunta ito sa bodega. Ilang araw ang nakakaraan ay nagtungo si Yakov sa siyudad at bagamat hindi niya nakita ang lahat ng dala nito, may napansin siyang mga balahibo ng manok sa kotse noong nilinis niya iyon kaya sigurado siyang bumili na naman ng buhay na manok si Yakov.

           Nabuhay na naman tuloy ang kyuryusidad niya tungkol sa katauhan ng kanyang amo na ilang araw na naman niyang hindi nakitang lumabas mula sa silid nito. Nakadagdag pa sa kyuryusidad niya ang kanyang mga binabasa. Nang maghapunan sila sa gabing iyon, manok din ang kanilang ulam.

           Sa kabila ng mga pagdududa ni Thor tungkol sa kanyang amo, hindi niya magawang umalis doon at hindi rin siya natatakot. Noong unang sumagi sa isipan niya na may sekretong tinatago ang kanyang amo ay hindi siya nakatulog at nakaramdam siya ng takot pero nang makita niya ang kanyang amo na naglalakad sa ilalim ng sikat ng araw at kumakain ng pagkain gaya ng mga ordinaryong tao ay nawala ang takot na iyon lalo pa at mabait itong kausap. Isa pa, sina Yakov at Martina ay walang ipinaparamdam na kakaiba sa kanya at normal ang pakikitungo ng mga ito sa kanya maging sa kanilang amo.
Naniniwala siyang sensitibo ang pakiramdam ng mga hayop pero nakakagala sina Chris at Jennifer sa malaking bahay nang walang problema at ni hindi niya nakita ang mga alaga nila na kumilos nang kakaiba sa harap ni Lady Carmine.

“’Di kaya nasanay na lang sina Chris at Jennifer?” tanong ni Thor sa sarili habang nasa silid-aklatan at binabasa ang pang-apat na libro sa seryeng kinagigiliwan niya. Siya lamang ang mag-isa roon dahil umalis na si Martina matapos manghiram ng mga libro.

           Tumayo si Thor at lumapit sa nakabukas na bintana saka iyon isinara. Natigilan siya nang mapansin ang napakabilog na buwan sa madilim na langit. Mula rin sa kanyang kinatatayuan ay nakikita niya ang makapal na kagubatang nakapaligid sa malaking bahay dahil na rin sa buwan. Nasa ganoong sitwasyon siya nang makaramdam ng kakaiba. Biglang uminit ang kanyang pakiramdam kaya dinama niya ang kanyang leeg at mainit nga siya kaya naman nagdesisyon siyang umalis na ng silid-aklatan at maagang magpahinga sa kanyang kwarto.

           Kahit medyo nananamlay siya ay pinilit niya pa ring maglinis ng katawan at magbihis ng pampatulog. Palabas na siya ng banyo nang masulyapan niya ang kanyang repleksiyon sa salamin na naroon pero sa halip na ang kanyang repleksyon ang kanyang nakita ay may iba siyang nakita. Kinilabutan siya nang mapansing namumula ang kanyang mga mata at sa pag-aakalang namamalik-mata lang siya ay kinurap niya ang kanyang mga mata saka muling tumingin sa salamin. Naroon pa rin iyon kaya kinabahan na siya.

CarmineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon