Saptesprezece

33 9 2
                                    

NAKARATING sila sa resort nang walang problema at dahil nakatakip sa mukha at katawan ni Lady Carmine ang coat ni Yakov, inakala ng mga nakasalubong sa kanila na natutulog lang ang babaeng buhat-buhat ni Thor. Nang marating nila ang inu-okupang silid ng babae ay maingat itong inihiga ni Thor sa kama.

           Si Thor, Yakov at Martina ay pare-parehong nagulat, nanlumo at nag-alala nang mapansing tila nahihirapan ang kanilang amo. Malamig ang mga pawis nito at nanginginig ito.

           “Ano’ng nangyari sa kanya?” naiiyak na tanong ni Martina.

           “Kailangan niya ng pagkain,” nakasisigurong sabi ni Thor.

           “Hahanap ako ng mapagkukunan,” sabi ni Yakov.

           “Hindi ka na aabot kung maghahanap ka pa.”

           “At ano ang gusto mong gawin?” asik ng butler saka natigilan nang sumampa siya sa kama at maingat na iniangat ang ulo ng amo saka itinapat ang kanyang kanang braso sa bibig nito. “Thor, ‘wag mo ‘yang gagawin!” sigaw ni Yakov na nahintakutan.

           “Hindi pwedeng wala tayong gagawin!” desperado niyang sigaw. “Hindi siya pwedeng mamatay. Hindi pwedeng mawala ang amo natin.”

           Natigilan si Thor nang hawakan ni Lady Carmine ang braso niya saka inilayo sa bibig nito. Kahit nahihirapan ay idinilat nito ang mga mata na hanggang sa mga pagkakataong iyon ay kulay pula pa rin.

           “Ayoko,” mahina pero puno ng diin nitong sabi. “Hindi na ako muling titikim ng dugo ng tao,” dagdag nito habang nakatitig sa kanya.

           “Kusa ko itong ibinibigay sa’yo, gaya ng kusa akong nagdesisyon na paglingkuran ka hindi dahil pinilit mo ako kundi dahil tinanggap mo ako sa tahanan mo. At ako ang dahilan kaya nagkakaganyan ka ngayon,” nahihirapang sabi ni Thor. “Ayoko ng muling mawalan ng pamilya kaya sige na naman. Pumayag ka na,” pakiusap niya.

           “Hindi mo alam ang sinasabi mo. Hindi mo alam ang pwedeng mangyari sa’yo sa oras na mainom ko ang dugo mo,” tanggi nito habang umiiling. “Redentor, hindi mo alam kung ano ang mga mangyayari.”

           “Wala akong pakialam basta mabuhay ka lang kaya sige na!” pamimilit niya saka muling itinuon ang kanyang braso sa bibig nito. Kapag umayaw pa rin ito ay mapipilitan siyang gumamit ng pwersa upang kagatin nito ang kanyang braso. “Sige na naman, Lady Carmine. Nakikiusap ako…”

           Tumingin ang babae sa kanya at bahagyang natigilan nang makita ang luhaan niyang mukha. Alam niyang mahirap para rito ang baliin ang sarili nitong prinsipyo sa hindi pag-inom ng dugo ng tao pero hindi niya ito pwedeng hayaan na mamatay dahil lamang doon.

           “Yakov, Martina, lumabas muna kayo,” mahina nitong utos sa dalawa nilang kasama. Tahimik na lumabas ang mga nabanggit kasama ang mga alagang hayop at naiwan sila sa loob ng silid. Tinangka ni Lady Carmine na bumangon pero dahil nanghihina ito ay tinulungan ni Thor ang babae na bumangon at makaupo.

           “Lady Carmine…”

           Tumingin ito sa kanya. “Hindi maaari ang gusto mong mangyari, Thor.”

           “Pero –”

           “Pero tama ka na wala akong mapagpipiliang gawin kung gusto ko pang mabuhay,” pigil nito sa anumang sasabihin niya sana. “Kaya bago ‘yon mangyari, may kailangan kang malaman.”

           “Wala na po tayong oras –”

           Umiling ito. “Kailangan mo itong malaman bago pa tayo pumunta sa susunod na hakbang.”

Carmineजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें