Treisprezece

34 9 0
                                    

KINILABUTAN si Thor habang nakatitig sa kanyang amo na dinaklot ang mukha ng lalaking kaharap nito. Kasing tingkad ng dugo ang kulay ng mga mata ni Lady Carmine at kung noon ay hindi niya ito kakikitaan ng anumang sinyales ng pagiging bampira nito, ngayon ay naniniwala na talaga si Thor na bampira ang kanyang amo dahil kitang-kita niya ang paghaba ng mga pangil nito. Meron din itong pambihirang lakas sa kabila ng maliit nitong pangangatawan dahil nakaya nitong iangat ang bastos na lalaki mula sa sahig.

           Kanina ay galit siya sa lalaking nanakit kay Chris pero ngayon ay gusto ng awatin ni Thor ang amo dahil sigurado siyang ito ang mananakit.

           “Lady Carmine!” tawag niya sa amo saka natigilan nang biglang magbago ang kanyang paligid. Parang bigla siyang nalipat sa ibang mundo at lalong nanindig ang mga balahibo ni Thor nang mapansing napakaraming nagkalat na patay na mga tao sa kanyang paligid at karamihan ay mga pugot ang ulo o laslas ang leeg. Sa gitna ng napakaraming bangkay ay isang babaeng may mahabang puti na buhok at duguan ang suot na damit pati na ang mga kamay. Meron itong hawak na mahabang espada na duguan din.

           “Lady Carmine?” bulong niya at tumingin sa kanyang direksiyon ang babae saka siya tinitigan ng kulay pula nitong mga mata.

           Ilang segundo lamang iyon pero pakiramdam ni Thor ay napakahaba ng naging oras. Namalayan na lamang niya na nakabalik na siya sa kasalukuyan nang makarinig siya ng ingay sanhi ng pagbagsak sa sahig ng lalaking kakompronta kay Lady Carmine. Wala ng malay ang lalaki at gano’n din ang sinapit ng manager ng resort.

           “Thor?”

           Napabaling siya sa kanyang amo na nakatingin din sa kanya. Kulay lila na ulit ang mga mata nito at wala na itong mga pangil. Nakatitig ito sa kanya nang may pag-aalala.

           “Parang may nangyaring kakaiba,” iyon lang ang tangi niyang nasabi sa sobrang gulo at bilis ng mga pangyayari. “Lady Carmine, ano’ng gagawin natin sa kanila?” patungkol niya sa dalawang lalaking walang malay doon.

           Bumuntong-hininga ang amo. “Ako na ang bahala sa kanila,” sabi nito saka nilapitan ang manager ng resort at ginising. Nang magising ang manager ay agad itong tumitig sa babae na puno ng takot ang mga mata.
“Wala kang nasaksihang kakaiba sa silid na ito. Nag-usap lamang kami at hinimatay ang salarin dahil sa sobrang kalasingan,” mariing sabi ni Lady Carmine sa manager na biglang natulala at parang batang tumango. “Iyon ang sasabihin mo sa pulis na naghihintay sa labas,” utos ng babae at muling tumango ang manager.

           Tumayo si Lady Carmine at lumapit sa lasing na lalaki saka ito ginising. “Aaminin mo sa pulis na ikaw ang nanakit sa aso ko. Ipagtatapat mo sa pulis kung sino ang mga kasama mo at susuko kayo,” utos ng babae at agad na tumango ang salarin. “Matulog ka ulit,” dagdag nitong utos at muling nawalan ng malay ang lalaki.

           Inutusan ng babae ang manager na tawagin ang pulis at agad itong tumalima. Napailing na lamang ang pulis nang makitang tulog sa sahig ang lalaking nanakit kay Chris. Ang manager ang nagsabi sa pulis ng mga ‘naganap’ sa silid at dahil wala namang nakitang anumang marka ng pananakit sa salarin ay naniwala ang pulis.

           “Thor, tulungan mo si Sir na ilabas ‘yan,” utos ni Lady Carmine sa kanya. “Mr. Officer, ikaw na ang bahala sa taong iyan. Wala pa siya sa kanyang sarili at sana kapag hindi na siya lasing ay harapin niya ang kanyang pagkakasala.”

           “’Wag kang mag-alala, Ma’am. Sisiguraduhin ko na mananagot siya sa kanyang ginawa,” pangako ng pulis. Pinagtulungan nina Thor at ng pulis na ilabas sa opisina ang lasing na lalaki saka pinasok sa patrol car na naghihintay sa labas ng resort.

CarmineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon