Doi

62 10 2
                                    

KUNG TITINGNAN ang malaking bahay mula sa loob ay napakaganda niyon pero kung titingnan mo iyon mula sa labas, isa lang ang masasabi mo: isa iyong haunted house.

           Malaki pero luma: check.

           Mga gumagapang na halaman sa pader: check.

           Kakaibang istilo ng bahay: check.

           Mga malalaking bintana na nakasara ang mga kurtina: check.

           Nakatayo iyon sa gitna ng gubat: check.

Nakapamaywang si Thor habang nakatitig sa malaking bahay na ang istilo ay parang kapareho ng mga napanood niyang banyaga na horror movie. Kung hindi niya lang alam na may mga nakatira sa loob ay iisipin na nga niya talagang haunted house iyon pero sa loob ng tatlong araw na pagtira roon ay wala pa naman siyang naramdamang katatakutan.

           Mula sa main door ng bahay hanggang sa gate ay sa tingin niya mga limampung metro ang layo, gano’n kalawak. Sa likod ng malaking bahay ay may hardin ng iba’t ibang halaman at si Martina ang nag-aalaga sa mga iyon. Dahil wala siyang ginagawa ay nagpresenta siyang magwalis sa harap na bakuran.

Magwalis ng napakalawak na bakuran.

Sanay naman siya sa pisikal na mga gawain kaya wala iyong problema sa kanya pero kahit sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin siya makapaniwala na naroon siya at nagtatrabaho.

           Tatlong araw na ang nakakaraan mula ng tanggapin niya ang alok ni Lady Carmine na maging driver nito kaya meron na siyang trabaho, meron pa siyang matutuluyan na libre. Nagulat nga lang siya nang malaman niyang tatlo lamang silang tagapagsilbi roon: ang mayordomo at tinatawag ding ‘butler’ na si Yakov, ang katulong na si Martina at siya na driver slash katulong din. Hindi niya tuloy alam kung paano nalilinis ni Martina ang buong bahay na iyon kung ito lang ang nag-iisang katulong at nakakamanghang isipin na napapanatili nina Yakov at Martina na maayos at malinis ang bahay pati na ang paligid kahit sila lamang dalawa ang kumikilos at gumagawa sa lahat ng mga gawaing-bahay.

           “Thor!”

           Binalingan niya si Martina na patungo sa kanya mula sa likod-bahay kung saan matatagpuan ang hardin. Marahan lang naman ang lakad nito pero nagulat na lamang si Thor nang biglang matisod ang babae at nadapa. Nagmadali siyang lumapit sa babae saka tinulungan itong makatayo at buti na lang naka-bermuda grass ang buong paligid kaya hindi ito gaanong nasaktan.

           “Salamat, Thor,” nahihiya nitong sabi habang pinapagpag ang suot na apron.

           “Ayos ka lang?” tanong niya.

           “Oo. Pinapatawag na tayo ni Sir Yakov dahil malapit ng magtanghalian.”

           “Sige, mauna ka na. Isasauli ko lang muna itong walis ko at ililigpit ko rin ang mga basura,” aniya.

           “Sige,” iyon lang at iniwan na siya ni Martina. Sinundan niya ito ng tingin sa pag-aalalang baka madapa na naman ito at nakahinga siya nang maluwag nang ligtas itong nakapasok ng bahay. Sa loob ng tatlong araw niyang pamamalagi roon ay natuklasan niyang hindi lamang iyakin si Martina, lampa rin. Gano’n pa man, walang duda na mahusay ito sa trabaho at masunurin. Kaya nga lang, ‘di nito maiwasang matisod o madapa at ang pinakamalala nga ay ang pagkakabundol nito sa kanya.

Ayon kay Yakov, hindi iyon ang unang beses na si Martina ang nagtungo sa lungsod pero madalas talaga na ang mayordomo ang umaalis at nagda-drive. Nagkataon lang na masama ang pakiramdam noon ni Lady Carmine at hindi ito maiwan ni Yakov. Marunong naman daw mag-drive si Martina pero napangungunahan ito parati ng kaba at pagkataranta kaya iyon nangyari. May mga nabundol na si Martina noon, isang aso at isang pusa. Sa kabutihang palad ay parehong buhay ang dalawang nilalang at gaya niya ay nakatira na rin sa malaking bahay. Pakiramdam ni Thor, kung marami pang mabubundol si Martina ay magiging zoo na ang bahay at dahil tao na ang nabangga nito kamakailan, naging hudyat iyon kay Lady Carmine na kumuha na nga ng driver kaysa makapatay na nga ng tao ang katulong.

CarmineWhere stories live. Discover now