Nouasprezece

74 9 3
                                    

BUTAS NA ang sako ng pagkaing iniwan niya para sa mga manok at halos wala ng laman pero nagpapasalamat si Thor na walang manok na namatay noong araw na bumalik sila sa mansiyon. Pagkatapos noon ay naging maayos na ulit ang lahat.

           Balik na siya sa nakasanayan niyang gawain sa mansiyon gayon din ang kanyang mga kasama sa bahay. Wala namang gaanong nagbago sa pamumuhay nila. Istrikto pa rin si Yakov. Lampa pa rin si Martina. Aso’t pusa pa rin sina Chris at Jennifer. Abala pa rin si Lady Carmine sa trabaho nito bilang manunulat. Siya lang yata ang nagbago nang konti dahil sa bago niyang katauhan bilang pinagkukunan ng dugo ng kanyang amo. Maliban doon, may mga napapanaginipan siya tungkol sa babae kahit pa man bago siya naging ‘kapareha’ nito.

           Tumingin si Thor sa mga pulang rosas na nasa hardin at hindi niya maiwasang isipin ang madalas niyang napapanaginipan na sigurado siyang may kinalaman sa kanyang amo. Ayaw niya lang talagang magtanong dahil baka isipin nito na nanghihimasok siya sa buhay nito.

           “Thor.”

           Binalingan niya si Yakov na siyang lumapit sa kanya habang nagpapakain siya sa mga manok. “Ano po ‘yon?”

           “Mamayang gabi ay kailangang ‘kumain’ ni Lady Carmine. Maghanda ka.”

           “Opo.”

           Matapos ang gawain niya ay pumasok siya sa mansiyon. Malapit ng gumabi kaya maghahapunan na sila at pagkatapos no’n ay ang amo naman nila ang ‘kakain’.

           Maaga siyang pumanhik sa kwarto niya at naglinis ng katawan. Ayaw naman niyang humarap sa amo nang nangangamoy pagkain ng manok. Kahit hindi siya kagwapuhan ay hindi naman ibig sabihin pababayaan na lamang niya na mangamoy siya sa harap ng isang napakagandang babae. Dapat kahit papaano ay mabango ang amo niya kahit hindi siya gwapo.

           Nagbihis siya ng pantulog dahil sigurado siyang makakatulog siya pagkatapos kumain ni Lady Carmine gaya ng madalas na nangyayari. Noong unang beses ay nakatulog siya ng limang araw. Sa ikalawang beses ay apat na araw siyang walang malay. Sa ikatlong beses ay tatlong araw siyang nakatulog. Ngayon, baka dalawang araw na lamang, naisip niya.

Tuwing sinisipsip ni Lady Carmine ang kanyang dugo ay nanghihina siya talaga pero noong ikatlong beses ay hindi siya agad nawalan ng malay. Nakapag-usap pa sila sandali ng kanyang amo at sabi nito ay magandang sinyales iyon na unti-unti ng nasasanay ang kanyang katawan sa proseso.

           Bago siya magpunta sa kwarto ng kanyang amo ay sinipat niya ang kanyang sarili sa harap ng salamin at sinubukang ngumiti.

           “Pwede na,” aniya saka natigilan nang matitigan ang kanyang mga mata. Parang iba iyon ng kulay at hindi na ang nakasanayan niyang kulay mapait na tsokolate.

           “Thor?” boses iyon ni Yakov na kumakatok sa kanyang kwarto. Agad niya iyong binuksan. “Handa ka na ba?”

           “Opo. Pasensya na po at natagalan ako,” sabi niya saka sumama sa butler patungo sa kwarto ng kanilang amo. Nang nasa harap na sila ng kwarto ni Lady Carmine ay si Yakov ang kumatok at nag-anunsyo na naroon na siya. Hindi na siya nito sinamahan sa loob ng kwarto gaya ng nakagawian.

           “Magandang gabi po, Lady Carmine,” bati niya sa among babae na nakaupo sa isang silya nito sa harap ng laptop. Gaya ng dati ay maganda pa rin ito at mahinhing kumilos.

           “Magandang gabi rin, Thor,” ngumiti ito sa kanya saka tumayo at lumapit. “May problema ba?” bigla nitong tanong habang nakatitig sa kanya at nagulat si Thor dahil napansin agad ng babae na may bumabagabag sa kanya.

CarmineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon