Zece

31 8 0
                                    

“HULAAN niyo kung ano ang ulam ngayon,” pagkausap ni Thor kina Chris at Jennifer nang makalabas siya sa bodega na may bitbit na kinatay na manok sa kaliwang kamay at tumbler na may lamang sariwang dugo sa kanan.

           Kumahol ng dalawang beses si Chris samantalang dinedma siya ni Jennifer.

           “Natumbok mo, Chris. Manok!” natutuwa niyang sabi sa aso na kumahol na naman. “Maghintay ka riyan dahil masarap ang ulam natin mamaya,” ngumisi siya saka iniwan ang aso at pumasok sa malaking bahay. Sa pinto sa likod siya dumaan dahil diretso iyon sa kusina kung saan inabutan niya si Martina na nagluluto ng pagkain. Malapit na ang tanghalian kaya naghahanda na sila ng makakain.

           “Thor, ikaw na ang maghatid niyan kay Lady Carmine. Mukhang matatagalan pa ng balik si Sir Yakov,” sabi ni Martina at agad siyang tumalima. Dala ang tumbler ay nagtungo siya sa kwarto ng amo at kumatok ng tatlong beses sa pinto. Dahil walang sumagot ay binuksan niya iyon at gaya ng madalas na mangyari, inabutan niya ang babae sa harap ng laptop.

           Tahimik niyang ginawa ang kanyang gawain. Nilapitan niya ang isang cabinet at mula roon ay kinuha niya ang basong ginagamit ng amo sa ‘pagkain’ nito. May puting tela na naroon at ginamit niya iyon bilang pampunas sa baso o kopita. Maingat niyang ibinuhos ang laman ng tumbler sa kristal na baso at ilang sandali pa ay handa na ang tanghalian ni Lady Carmine.

           “Lady Carmine, heto na po ang inyong tanghalian,” aniya nang makalapit sa babae.

           “Salamat, Thor,” ngumiti ito saka kinuha ang baso.

           “Kailan po ang labas ng sunod ninyong nobela?” hindi niya napigilang usisa.

           “Medyo matagal pa dahil kalalabas lang ng huling bahagi ng serye.”

           Hindi iyon ang unang beses na pinagsilbihan niya ang amo sa pagkain nito pero sa tuwina ay namamangha pa rin si Thor kapag nakikita niya ang amo na umiinom ng dugo na para bang umiinom lang ng juice.

           “Thor, ‘wag mo akong masyadong titigan kapag kumakain ako,” mahinahon pero may kalakip na utos na sabi ni Lady Carmine. Bahagya pa nga itong namula dahil nahiya.

           “Pasensya na po.”

           “May itatanong ka?”

           “Po?”

           “Mukha kasing may itatanong ka. Magtanong ka na habang wala pa akong ginagawa.”

           “Pwede pong maupo?” tanong niya.

           “Mukhang mahaba-habang usapan ito,” sabi ng babae saka tumango. Gaya ng dati ay naupo si Thor sa gilid ng kama. Inilista niya sa kanyang isipan ang pagdala ng isang upuan doon para may maupuan ang sinumang makikipag-usap sa kanyang amo, na malamang ay siya ang gagamit dahil siya lang naman ang makapal ang mukha na mang-usisa sa babae. Nagpapasalamat na lamang si Thor na hinahayaan siya ni Lady Carmine na magtanong tungkol sa sarili nito.

           “May gumugulo kasi parati sa isip ko tuwing kakatay ako ng manok,” aniya.

           “Nahihirapan ka ba sa pagkatay ng mga manok?”

           Umiling siya. “Hindi naman po. Sanay ako sa ganoong gawain dahil nga naging trabaho ko iyon noon sa ihawan. Ang gumugulo po sa isip ko ay kung bakit mas pinili ninyong uminom ng dugo ng hayop kaysa tao.”

           Natigilan si Lady Carmine saka parang may naalala. Ininom muna nito ang lahat ng laman ng baso bago sinagot ang kanyang tanong.

CarmineWhere stories live. Discover now