Douázeci

24 6 0
                                    

TUWING mapupunta si Thor sa lugar na iyon ay sigurado siyang binibisita niya ang nakaraan ng kanyang among si Lady Carmine. Sa ilang beses niyang pagbisita sa nakaraan ng babae ay para na nga niyang nakakabisa ang lugar na kinalakhan nito.

Isa iyong malaking bahay na ang pader ay gawa sa bato at ang bubong ay gawa sa tila pinatuyong putik. Ang nasabing bahay ay may malaking silid-umpukan ng pamilyang nakatira at maaari ring pagsidlan ng maraming tao. Mayroon iyong dalawang silid-tulugan; isa para sa mag-asawa at isa para sa nag-iisang anak ng mga ito. Ang kusina ay malaki rin at madalas na abala. Ang silid-kainan ay malaki at pupwedeng pagdausan ng salo-salo.

Ang malaking bahay na iyon ay napapaligiran ng makapal na kagubatan at mga bundok at mula roon ay makikita ang isang bundok kung saan may nakatayo na isang malaking kastilyo. Hindi lamang ang bahay na iyon ang naroon, mayroon ding mga nakatira sa paligid at masasabing isa iyong maliit na pamayanan.

Dahil din sa madalas niyang pagbisita roon ay nakasanayan na niyang makita ang kakaibang kasuotan ng mga taong naninirahan sa nasabing pamayanan. Kahit alam niyang iba ang lenggwahe ng mga nakatira roon ay naiintindihan niya pa rin at sa tingin niya ay dahil iyon sa dugo ni Lady Carmine na nasa katawan niya.

"Ina, Ama, nakahuli ako ng kuneho sa gubat!"

Napabaling si Thor sa dalagita na pumasok sa bahay at dumiretso sa kusina kung saan naroroon ang ina nito. Meron itong dala-dalang kuneho na may nakasaksak na pana sa katawan no'n at may nakasukbit na pana at mga palaso sa balikat nito.

"Ikaw ba ang humuli niyan, Mina?" namamanghang tanong ng ina nito.

"Opo. Magaling na po akong manghuli ng kuneho. Susunod kong huhulihin ay usa."

Kinuha ng ina ang kuneho at ang dugo no'n ay inilagay sa isang maliit na baso. Matapos ang gawain ay ibinigay nito sa anak ang nasabing baso. "Ikaw na ang maghatid nito sa iyong ama. Nasa kanyang pagamutan siya."

"Opo."

Sinundan ni Thor si Mina sa isang may kalakihang silid na nasa likod-bahay at doon ay naabutan nila ang isang lalaking mahaba ang kulay itim na buhok at nakaharap sa napakaraming aparato na nasa ibabaw ng isang mahabang mesa.

"Ama!"


NANG imulat ni Thor ang kanyang mga mata ay natagpuan niya ang kanyang sarili na nakahiga sa isang malambot na kama katabi ang pinakamagandang babae na kanyang namasdan sa buong buhay niya, si Lady Carmine. Mula ng maging 'kapareha' siya nito, nagigising siya katabi nito sa kama. Dati ay nagugulat pa siya pero naisip niya na hindi naman pwedeng alisan niya ng tutulugan ang kanyang amo dahil lang doon siya nawawalan ng malay.

Pero wala siyang karapatang magreklamo at hindi rin iyon isang bagay na karekla-reklamo. Siya pa ba ang aangal sa sitwasyon?

Naalala niya ang kanyang panaginip at naisip niyang hindi gaanong nagbago ang itsura ni Lady Carmine noon at ngayon. Maganda ito noong bata pa at mas gumanda nang lumaki. Kung ano'ng bait nito noon ay siyang bait din nito ngayon.

Mataas na ang sikat ng araw kaya maingat sana siyang babangon upang hindi ito magising pero natigilan siya nang malamang nakayakap ang babae sa kanya. Sabi sa mga librong nabasa niya at mga pelikulang kanyang napanood ay malalamig daw ang mga bampira pero mali sila dahil nararamdaman niya ang kakaibang init mula sa katawan nitong nakadikit sa kanyang katawan.

Maingat na inalis ni Thor ang bisig ni Lady Carmine na nakayakap sa kanya saka bumangon. Pinakiramdaman niya ang sarili at napagtantong hindi na siya nahihilo kapag nagigising pagkatapos mawalan ng ilang basong dugo, hindi gaya noon. Pinayuhan siya ni Lady Carmine na huwag agad bababa ng kama kapag nagising para hindi siya mahilo at 'yon nga ang ginawa niya. Naupo muna siya ng ilang minuto sa gilid ng kama bago bumaba.

CarmineWhere stories live. Discover now