Cincisprezece

37 8 2
                                    

HINDI gaya ng unang araw nila sa resort na pare-pareho silang excited at masaya, ang ikalawang araw nila roon ay nabawasan ang sigla nila dahil sa mga nangyari kagabi. Malungkot pa rin si Martina dahil hindi pa bumabalik ang sigla ni Chris pero kahit papaano ay kumakain naman ang aso. Hindi rin pasaway si Jennifer dahil mukhang naiintindihan ng pusa na may problema sila. si Yakov ay nagtungo sa istasyon ng pulis nang maaga upang alamin ang takbo ng kaso at hindi pa ito nakakabalik. Napansin din ni Thor na kulang sa sigla ang amo pero hindi siya sigurado kung dahil lang ba iyon sa nangyari kay Chris o dahil sa hindi ito nakainom ng dugo.

            “Kumusta ka na, Chris?” tanong ni Thor sa aso na nasa nagpapahinga sa kama ni Martina. Nasa siya sa kwarto ng mga babae dahil katatapos lang nilang kumain ng agahan. “Pagaling ka.”

            “Ano kaya kung patingnan natin siya sa doktor ng mga hayop?” tanong ni Lady Carmine. “Tiningnan na siya ng doktor dito pero iba pa rin ang beterinaryo.”

            “Mainam nga ‘yan, Lady Carmine,” sang-ayon ni Martina.

            “Pero hindi pa po nakakabalik si Sir Yakov. Baka mag-alala siya kung hindi niya tayo abutan dito,” sabi ni Thor.

            “Tatawagan ko siya.”

            Tinawagan nga ng kanilang amo si Yakov upang ipaalam na aalis sila at ilang minuto lamang ang dumaan ay handa na nga silang umalis. Nagtanong si Thor sa information area kung saan ang pinakamalapit na veterinarian clinic at natuwa siya nang malamang hindi iyon kalayuan. Si Thor ang nag-drive ng kotse patungo sa klinika at kasama niya sina Lady Carmine, Martina at ang dalawang alaga.

            Wala pang tatlumpong minuto ay narating na nila ang klinika. Una siyang pumasok karga si Chris at nakasunod sa kanya ang dalawang babae at si Martina ang may karga kay Jennifer.

Pagpasok nila sa klinika ay biglang nag-ingay ang mga alagang hayop ng mga kasabayan nilang kliyente. Panay kahol ng mga aso at ngiyaw ng mga pusa sa kanila. Ang mga amo naman ng mga alagang hayop ay panay ang pagpapatahan sa mga alagang parang nakakita ng mapanganib at masamang tao.

Natigilan si Thor nang mapansing kay Lady Carmine nakatingin ang karamihan sa mga hayop na nanggagalaiti kaya naisip niya na nararamdaman ng mga hayop na kakaiba ang kanyang amo. Mukhang batid iyon ng babae pero patay-malisya itong naupo sa bakanteng upuan saka malambing na kinuha si Jennifer at kinandong. Hindi naman takot si Jennifer sa amo nila at panay pa nga ang ngiyaw na parang naglalambing.
Ang mga naghihintay doong kliyente naman ay hindi maiwasang hindi tingnan si Lady Carmine dahil nga sa ganda at hinhin nito. Napansin pa nga niya na nagpapa-cute rito ang isang binatang teenager na may kargang aso na mukhang maliit na bulldog. Pero maliban sa pagngiti ay hindi nakipag-usap ang babae sa kahit na kanino roon maliban sa kanila ni Martina.

Makalipas ang mahigit isang oras ay nakaharap na nga nila ang doktor na agad sinuri si Chris at ang mga bugbog na natamo nito. Tama ang desisyon nilang dalhin doon si Chris dahil nabigyan ito ng karampatang gamot at marami silang nalaman na dapat gawin upang mapabilis ang paggaling ng aso. Dumaan ang mahigit kalahating oras ay nakaalis na sila ng klinika na kahit papaano ay magaan na ang kalooban.

 
NANG makabalik sila ng resort ay naghihintay na si Yakov sa kanila at nagpahanda na rin ito ng tanghalian. Sabay silang kumain pero kahit kumakain si Lady Carmine ay napansin pa rin ni Thor na mabagal itong kumain kaya hindi niya maiwasang mag-alala.

            “Lady Carmine, nasampahan na ng karampatang kaso ang nanakit kay Chris pati na ang mga kasama nito. Bagamat may piyansa ang ganitong kaso, kahit papaano ay matuturuan sila ng leksiyon sa kanilang ginawa,” pagbabalita ni Yakov.

CarmineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon