Douázeci şi Doi

20 3 0
                                    

ANG sabi ni Yakov ay pwede siyang matulog o magpahinga habang nasa eroplano pero hindi niya iyon ginawa dahil masyado siyang masaya at gusto niyang namnamin ang bawat segundo na naroon siya. Ayon kay Lady Carmine ay mahigit isang oras lang ang kanilang magiging biyahe bago sila makarating sa lugar na pagdadausan ng party kaya naman susulitin niya karanasan na 'yon. Upang hindi naman mapahiya ang mga kasama niya ay pinipigilan niyang huwag mag-ingay sa bawat bagong karanasan pero sigurado siyang halata sa mukha niya ang tuwa at pagkasabik. Buti na lang at wala namang sinabi ang mga kasama niya bagamat paminsan-minsan ay binabato siya ni Yakov ng nananaway na sulyap.

"Siguradong mayaman po ang kaibigan niyo, Lady Carmine," aniya sa amo habang kumakain sila ng meryenda.

"Sa kaniya ang eroplano na ito at ang lahat ng makikita mo sa lugar na daratnan natin kaya masasabi kong oo."

"Kung matagal na siyang nabubuhay, posible ngang nakaipon na siya ng napakaraming kayamanan," mahina niyang bulong pero narinig ng amo dahil mahina itong natawa. "Gano'n din po ba kayo, Lady Carmine?"

"Matagal na akong nagtatrabaho at hindi ako masyadong maluho kaya kahit papaano ay marami na nga akong naipon," naaaliw nitong sagot pero sigurado si Thor na mayaman ang amo niya, hindi nga lang talaga ito maluho pero ayon na rin sa karanasan niya, hindi ito nagdadalawang-isip na gumastos kapag gusto nito. Patunay lang na marami nga itong naipong pera o kayamanan sa haba ng panahong nabubuhay ito sa mundo. Isa pa, hindi naman yata ito basta nakadepende lang sa kayamanan na mayroon ito dahil patuloy itong nagtatrabaho bilang manunulat.

Nanlaki ang mga mata niya nang muli siyang sumilip sa bintana at nakita ang isang isa na tila hugis crescent moon na napapaligiran ng bughaw na karagatan.

"Ang ganda!" bulala niya.

"Within few minutes, we will be arriving in Insula Lunii," nakangiting anunsyo ng stewardess sa kanila.

Gaya ng sabi ng stewardess, dumaong ang eroplanong sinasakyan nila sa isang airstrip na nasa dulo ng isla at nang makababa sila ay saka napansin ni Thor ang isang matayog na mansiyon sa kabilang dulo. Makalipas ang ilang sandali ay narinig nila ang isang kotseng paparating at hindi nga naglipat-minuto, isang magara at convertible na puting kotse ang dumating at huminto ilang metro ang layo mula sa kanila.

Sakay ng kotseng iyon at siya ring nagda-drive ang isang lalaking nasa anim na talampakan ang tangkad at matipuno ang pangangatawan. Nakasuot ito ng puting long-sleeved shirt at itim na slack pants. Malayo pa lang ay nakita na ni Thor ang itsura ng lalaki. Sa tingin niya ay hindi ito nalalayo ng edad sa kaniya pero hindi siya nakakasiguro dahil maliban sa hindi ito mukhang Pilipino, may pakiramdam siya na ito ang host dahil taglay nito ang awra na madalas niyang maramdaman mula kay Lady Carmine: misteryoso at tila kay dami ng pinagdaanan. Mayroon itong maamong mukha at kulay abuhin na mga mata habang ang hanggang likod nitong itim na buhok ay malayang isinasayaw ng hangin.

"Este o placer sa va revăd, Doamna Mina," bati ng lalaki kay Lady Carmine nang makalapit sa babae. Yumukod ito sabay luhod sa isang tuhod habang nakalahad ang kanang kamay na inabot naman ng huli. Hinalikan ng lalaki ang likod ng palad ni Lady Carmine.

"Masaya rin akong makita kang muli, Ioan Boureanu."

Tumayo ang lalaki at ngumiti. "You may call me Johann Greybull."

"Then drop the Doamna and call me Carmine as I go by the name Carmine Ataraxia Pygmalion these days."

"Ataraxia," puno ng pagkamanghang sambit ni Johann. "That's so you in many ways."

Bumaling ang dalawa sa kaniya. "Johann, sila ang mga kasama ko. Sina Yakov at Martina, ang aking mga tagapaglingkod at si Redentor o Thor, ang aking –"

CarmineWhere stories live. Discover now