Sasesprezece

31 6 0
                                    

MAANG na napatitig si Thor kay Lady Carmine na nasa harap niya. Galit na galit ang mukha nito, mas galit na galit kaysa sa nasaksihan niya kagabi. Naging kulay matingkad na pula ang dating kulay lila nitong mga mata at nakalabas din ang mga pangil nito.

            “Sh*t! You’re the real deal, huh,” sabi ng babaeng sumalakay sa kanya. Para itong nakakita ng isang malaking hamon sa katauhan ni Lady Carmine. “And you look very youthful for an old lady,” pauyam pa nitong sabi.

            “Masyadong ka pang bata upang kalabanin ang isang gaya ko.”

            Ngumisi ang babae at nagulat si Thor nang makita niyang nagbago ang kulay ng mga mata nito. Mula sa berde ay naging kulay pula ang mga iyon. Lumabas din ang mga pangil nito.

            “Isang karangalan para sa akin ang makaharap ang isang sinaunang nilalang na gaya mo. Nagagalak man akong makilala ka, hindi ko rin aaksayahin ang pagkakataong ito upang kaharapin ka sa isang laban!”

            Unang umatake ang babae at mabilis itong sinalubong ni Lady Carmine. Nagpang-abot ang dalawa at lumikha ng malalakas na ingay ang bawat atake ng mga ito sa isa’t isa. Pakiramdam ni Thor ay nahahati ang hangin sa bawat hampas ng babaeng kulay dilaw ang buhok pero walang hirap na naiiwasan ni Lady Carmine ang mga iyon. Napakabilis ng kilos ng dalawang babae na nahihirapan siyang sundan.

            Malakas na tinamaan ng isang sipa ni Lady Carmine ang katunggali nito na tumilapon sa lupa pero agad itong tumayo at muling sumalakay. Muling nagpang-abot ang dalawa at nagtunggalian ng lakas sa ere. Pakiramdam ni Thor ay nanonood siya ng isang pelikula pero sa kasamaang-palad ay totoo iyong nangyayari at kung magtatagal ang labanan ay sigurado siyang may isang matindi na masasaktan o pwedeng parehong manganib ang buhay ng dalawang babae.

            Nagulat si Thor nang biglang may tumilapon na malaking sanga ng kahoy sa direksiyon niya sanhi ng ginawang huling atake ng kalaban ni Lady Carmine. Mabilis siyang umalis sa kinalalagyan pero dahil sa lakas ng pagtama ng malaking sanga sa lupa ay lumikha iyon ng malakas na pwersang nagpasubsob sa kanya sa lupa.

            “Thor!” narinig niyang sigaw ni Lady Carmine na nasundan ng malakas na sigaw mula rito. Nagulat at nahintakutan si Thor nang makitang tumilapon ang amo at bumangga sa isang malaking puno kaya dagli niya itong nilapitan at tinulungang makatayo.

            “Lady Carmine!” tawag niya sa babae pero sa halip na sumagot ay itinulak siya nito papunta sa likod nito at humarang ito sa harap niya na parang ginagawa nitong kalasag ang sariling katawan.

            “’Wag kang aalis sa likuran ko,” utos nito sa kanya saka tumayo. Napansin ni Thor ang unti-unting pagbabago ng kulay ng buhok ng amo. Mas marami na iyong kulay puti at dahil nawala ang tali ay malayang nililipad ng hangin ang mahaba at alon-alon nitong buhok.

            “You look older, y’know,” pauyam na sabi ng babaeng dilaw ang buhok. “There’s one thing you need to do to regain your strength, you know that. Why won’t you do it?”

            “Wala kang karapatang sabihan ako kung ano ang dapat o hindi ko dapat gawin pero ito ang huling babala ko sa’yo, Babae. Umalis ka na at huwag ng muling magpapakita kung ayaw mong dito kita lagutan ng hininga,” mariing babala ni Lady Carmine sa katunggali.

            “At uulitin ko, babaeng gurang. Hindi ako natatakot sa’yo at gusto kong makita kung hanggang saan ang kakayahan ng sinaunang gaya mo,” ngumisi ito.

            “Gano’n ba? Puwes, ako ang huling nilalang na makikita mo bago ka mamatay.”

            At sa isang iglap lang ay biglang naglaho si Lady Carmine sa harap ni Thor at ang sumunod niyang nakita ay ang biglang pagtilapon ng katunggali nito sa malayo. Bago pa man makabangon ang babaeng dilaw ang buhok ay malakas itong hinawakan ni Lady Carmine sa leeg at walang isang salita na ibinagsak sa lupa. Sa lakas ng pagkakabagsak ng babae ay lumikha iyon ng butas at bumaon ito roon. Nagkatipak-tipak din ang lupang pinagbagsakan nito.

CarmineWhere stories live. Discover now