Opt

41 10 0
                                    

ILANG beses na naghinala si Thor sa tunay na katauhan ng kanyang amo pero nang kumpirmahin nito ang hinala niya ay lalo lang siyang napatanga at hindi makapaniwala. Wala siyang nabakas na pagdadalawang-isip sa mukha nito nang sabihin nito kung anong klase itong nilalang at hindi niya kayang sabihin na hindi siya naniniwala dahil sa loob ng ilang linggo ay maraming beses siyang nakapansin ng mga palatandaan bagamat pinilit niyang isantabi ang mga iyon. Ito rin ang klase ng taong hindi gagawing biro ang ganoong paksa.

          “Ahm… ‘yong manok?” iyon ang unang lumabas sa bibig ni Thor.

           “Para sa akin iyon,” diretsong sagot ni Lady Carmine. “Dalawang beses sa isang linggo ko kailangang uminom ng sariwang dugo upang manatili akong malakas at malusog. Sa mga pagkakataong hindi ako nakakainom ng dugo ay kumakain ako ng ordinaryong pagkain upang kahit papaano ay hindi ako manghina,” paliwanag nito.

           “Ah,” tangi niyang reaksiyon na para bang ordinaryong bagay ang narinig niya.

           “Hindi ka takot?”

           “Hindi ka po mukhang nakakatakot,” pag-amin niya at totoo namang hindi na siya kinakabahan. Nagulat naman talaga siya pero nang marinig niya ang sinabi nito ay unti-unting nawala ang kanyang kaba at napalitan ng kyuryusidad. “Bakit hindi po kayo natatakot sa sikat ng araw gaya ng ibang bampira?” tanong niya.

           “Ng ibang bampira? Bakit? May nakita o nakilala ka na bang ibang bampira?” balik-tanong nito na parang naaliw sa tanong niya at agad siyang umiling. “Anong klaseng nilalang nga ba ang mga bampira?”

           “Sumisipsip ng dugo, takot sa araw, bawang, holy water at krus, namamatay kapag tinamaan ng mga sandatang gawa sa pilak, natutulog sa loob ng kabaong, walang repleksiyon sa salamin, walang anino, nabubuhay nang matagal at nagiging paniki,” litanya ni Thor at naaaliw na ngumiti ang babae hanggang sa mahinhing tumawa.

           “Sa lahat ng nabanggit mo, dalawa lang doon ang totoo. Hulaan mo kung anu-ano.”

           “Sumisipsip ng dugo?”

           Tumango ito. “May mga bampira ngang gusto na direktang uminom ng dugo mula sa kanilang biktima pero meron ding mas gustong uminom ng sisidlan, gaya ko. Medyo makalat kasi kapag direkta kong kinakagat ang pinanggalingan ng aking hapunan,” paliwanag nito na para bang simpleng proseso ang hapunan nito. “Ano pa ang isa?”

           “Natutulog sa loob ng kabaong?”

           Humalakhak ito na parang aliw na aliw. “Sinisiguro ko sa’yo na walang kabaong sa silid ko at hindi kumportableng matulog sa loob ng isang masikip na lugar,” sabi nito.

           “Eh ano po?”

           “Ngayong alam mo na kung anong klase akong nilalang, ilang taon na ako sa tingin mo?” tanong ng babae at agad na bumalik sa isipan ni Thor ang naging panaginip niya tungkol dito na nakasuot ng makalumang kasuotan at kasama ang ilang taong kagaya nito ng postura.

           “Isang daan?” hula niya at umiling ito. “Dalawang daan?” hula niya ulit at muli itong umiling. “Tatlong daan?”

           “Apat na raan at apatnapu’t siyam,” sagot nito na ikinaawang ng bibig ni Thor. “Isinilang ako noong ika-labintatlo ng Abril, isang libo’t limangdaan pintongpu sa isang maliit pero kinaiilagang bayan sa bansang Romania.”

           “Imortal po kayo?”

           Umiling ito. “Ang mga gaya ko ay nabubuhay nang matagal pero hindi ibig sabihin ay hindi kami namamatay. Maraming paraan upang kami ay patayin pero hindi kasali roon ang sikat ng araw, bawang, banal na tubig at krusipiho. Maaari kaming patayin gamit ang anumang sandata, hindi kailangan na gawa sa pilak lalo na ngayong bihirang makakita ng tunay na pilak at may kamahalan ang halaga no’n,” paliwanag nito.

CarmineDonde viven las historias. Descúbrelo ahora