Cinci

33 9 0
                                    

NASUNDAN ng tingin ni Thor ang isang lalaki na lumabas ng coffee shop. Iyon ang pangatlong lalaki na lumapit kay Lady Carmine na nagpakita ng interes saka nagpakilala at kung tutuusin, wala pang sampung minuto silang nakakaupo sa loob ng shop na iyon. Iyon din ang pangatlong lalaking magalang na tinanggihan ng amo at hindi maiwasan ni Thor na mamangha sa paraan ng pagtanggi nito sa mga lalaking nagpapakita ng interes.

            Ngiti at mahinhin pero mariing sagot na nagpapahiwatig ng pagtanggi sa hindi nakaka-insulto o nagpapahiyang paraan, ganoon ang ginawa ni Lady Carmine. Halatang sanay ang babae sa mga ganoong sitwasyon dahil hindi ito nagugulat o naaasar.

            Sa pagkakataon ding iyon ay napagtanto ni Thor na kaya hindi nagdadalawang-isip ang mga lalaki na lumapit kay Lady Carmine kahit naroon siya ay dahil iniisip ng mga lalaking iyon na wala silang relasyon ng babae at utusan lang siya, na siyang totoo pero lihim na ikinainis ni Thor. Kung papasa lang sana siyang ‘boyfriend material’ ay baka walang mandistorbo sa amo dahil mag-aalangan ang ibang lalaki.

            “Ayos ka lang ba, Thor?”

            “O-opo.”

            “Pasensya ka na sa mga nagdidistorbo sa atin.”

            “Hindi niyo po kailangang humingi ng pasensya. Hindi naman yata nakakagulat na marami pong magpakita ng interes sa inyo,” nahihiya niyang sabi.

            “Huh? Ano’ng ibig mong sabihin?”

            “Maganda po kasi kayo at mabait kaya kahit nakaupo lang kayo ay maraming lumalapit at gustong magpakilala,” sagot ni Thor. Napansin niya ang malungkot na ngiti na isinukli ng babae sa kanyang sinabi.

            “Kumukupas ang ganda at mukha lang akong mabait.”

            “Pero mabait naman talaga kayo, Ma’am.”

            “Salamat,” tanging saad nito saka uminom ng kape. Pagkatapos no’n ay hindi na ito muling nagsalita at tahimik na lamang na pinaraan ang oras sa pagkain ng cake at pag-inom ng kapeng in-order. Gano’n din ang ginawa ni Thor pero paminsan-minsan ay sinusulyapan niya ang amo at pinagmamasdan ang mayumi nitong kilos. Anuman ang gawin nito ay tila sumisigaw ng karikitan at karangyaan at kahit si Thor ay hindi maiwasang humanga sa babae dahil kaya nitong dalhin ang dalawang bagay na iyon nang buong ng pag-iingat at walang halong pagmamayabang. Gano’n ito kaganda at karangal at kahit wala itong gawin ay tila ramdam iyon ng mga taong nakapaligid dito maging ng mga taong unang beses na nakaharap ito.

            Nakatulog si Lady Carmine sa kotse katabi ng mga paper bag habang pabalik sila ng mansiyon. Mukhang napagod ito ng husto sa pamimili at paggala kaya hindi ito dinistorbo ni Thor. Nagising lang ito nang matanaw na ni Thor ang bahay at saktong alas-singko ng hapon ay nakarating sila roon nang walang problema.

            “Pasensya na, Yakov. Ang hirap palang pigilan ni Lady Carmine kapag namimili,” hinging-paumanhin niya sa mayordomo na kumunot ang noo nang makita ang dami ng paper bag na dala nila. “Hindi na po ito mauulit.”

            “Hindi mo kailangang magpaumanhin dahil kilala ko ang ugali ng amo natin. Mas konti nga ito kaysa sa mga naunang pagkakataon.”

            “Huh? Konti pa ‘to? Nakaka-inggit maging mayaman.”

            “Martina, may binili akong damit para sa’yo,” masayang wika ni Lady Carmine sa kasambahay sabay abot ng dalawang paper bag. “Meron din akong binili para kina Chris at Jennifer. Meron din akong binili para sa’yo, Yakov.”

CarmineWhere stories live. Discover now