Doisprezece

30 9 0
                                    

MASARAP ANG pagkaing pinagsasaluhan nila sa hapunan ng gabing iyon. Sa kwarto nina Lady Carmine at Martina silang lahat kumain dahil gusto ng kanilang amo na sabay silang maghapunan. Noon lang nakatikim ng ganoon kasasarap na mga putahe si Thor lalo na ang mga pagkaing-dagat na hindi niya makayang bilhin pero ngayon ay nakakain na niya nang libre.

            Gano’n pa man, hindi maiwasan ni Thor na sulyapan paminsan-minsan si Lady Carmine habang kumakain. Kung titingnan ay parang nag-e-enjoy ito sa pagkain pero sa tingin niya ay pakonti-konti lang talaga ang kinakain ng babae. Lihim siyang nag-aalala sa kalagayan nito.

           Nagulat si Thor nang may sumipa sa paa niyang nasa ilalim ng mesa at napansin niyang tinapunan siya ng nananaway na sulyap ni Yakov kaya sigurado siyang ito ang sumipa sa kanya.

           “Chris?” tawag ni Martina sa alagang aso saka tumingin sa ibaba. “Jennifer, nasaan ang kaibigan mo?” tanong pa nito sa pusa na abalang kumakain na para bang sasagot iyon sa tanong pero pati si Thor ay nagtaka kung nasaan ang alagang aso nila.

           “Ako na ang maghahanap,” boluntaryo ni Thor saka tumayo.

           “Pero hindi ka pa tapos kumain,” sabi ni Lady Carmine.

           “Medyo busog na naman ako kaya hahanapin ko muna si Chris,” sabi niya saka tumingin kay Martina. “Ipagtira mo ako ng alimasag at sugpo,” pakiusap niya sa kasambahay na agad tumango. Lumabas na siya agad upang hanapin si Chris.

           Una niyang pinuntahan ang kwarto nila ni Yakov sa pag-aakalang bumalik doon ang aso pero wala roon si Chris kaya naglibot-libot na siya upang hanapin ito. Kung may makakakita kay Chris at malalaman agad na meron itong may-ari dahil sa suot na dog tag sa leeg. Nagtanong-tanong din siya sa mga tauhan sa resort kung may nakakita sa aso pero wala raw.

           “Chris!” tawag niya sa alagang aso nang makarating siya sa aplaya. “Chris!”

           May nasalubong siyang ilang kalalakihang nagtatawanan at tatanungin niya sana pero parang mga lasing kaya dumiretso na lamang siya sa paghahanap sa aso. Habang naglalakad sa buhangin ay natigilan siya nang makita ang dog tag ni Chris at kinutuban siya nang masama nang mapansing hiniwa iyon upang matanggal mula sa leeg ng aso.
Iginala niya ang tingin sa paligid upang hanapin si Chris at sa ‘di malamang dahilan ay biglang lumawak at lumayo ang kaya niyang makita na para bang nakikita niya ang kasuluk-sulukan ng buong paligid.

           Natigilan siya nang marinig na tumutunog ang kanyang cellphone at dahil si Lady Carmine ang tumatawag ay agad niya iyong sinagot. “Ma’am?”

           “Ano’ng nangyari?” tanong nito sa nababahala pero seryosong tinig na para bang alam nito na may nangyari ngang hindi maganda.

           “Nakita ko ang dog tag ni Chris pero ‘di ko pa siya nakikita. Hinahanap ko pa siya –” natigil siya sa paglalakad nang mapadaan sa isang iskinita at mula roon ay may naaamoy siyang pamilyar. Hindi maintindihan ni Thor kung bakit napakatalas ng pang-amoy niya pero wala siyang panahon na maghanap ng kasagutan lalo pa nang makita niya ang pinanggagalingan ng nasabing amoy. Parang guguho ang mundo ni Thor nang makita ang alagang aso na si Chris na walang malay, hindi gumagalaw at duguan ang mukha.

           “Thor, nasaan ka?” narinig niyang tanong ni Lady Carmine pero hindi na niya nasagot pa.

 
KAHIT SABIHIN pang humihinga si Chris ay hindi pa rin makalma ang dibdib ni Thor habang tinitingnan ang aso na ginagamot ng doktor sa resort. Malaki ang tinamong sugat ni Chris sa ulo at iyon ang dumudugo kanina nang makita niya ito idagdag pang meron din itong mga bugbog sa katawan kaya may hinala siyang pinaglaruan ng kung sinuman ang kawawang aso. Panay ang iyak ni Martina nang makita ang kalagayan ng alaga at maging ang dating isnaberang pusa na si Jennifer ay hindi mapakali at nalungkot nang makita ang sitwasyon ng kalaro.

CarmineTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang