Şapte

31 8 0
                                    

NANG BALIKAN ng malay si Thor ay nasa kwarto pa rin siya at bahagyang umikot ang kanyang paningin kahit nakahiga lang siya. Hindi niya alam kung anong oras na dahil sarado ang mga bintana at kurtina. Nang bumaling siya sa kanyang tabi ay napansin niya ang palanggana pati na ang ilang gamot sa ibabaw ng maliit na mesa at saka pa lang niya napansin si Lady Carmine na nakaupo sa isang silya at nakapikit.

            Naalala niya ang kanyang panaginip, iyon ay kung panaginip nga. Naroon si Lady Carmine sa kanyang panaginip kasama ang ilang mga tao at pare-parehong makaluma ang suot ng mga ito. Maliban doon, ang Lady Carmine sa kanyang panaginip ay kulay puti ang buhok pero hindi naman mukhang matanda.

            Pinilit ni Thor na bumangon at umupo. Natigilan siya nang mapansing kulay pula ang tubig sa loob ng palanggana at nagbalik sa kanyang isipan ang senaryo bago siya nawalan ng malay. Hinawakan niya ang kanyang mukha saka ang kanyang mga mata at nang tingnan niya ang kanyang mga kamay ay napansin niyang may pula iyong mga mantsa at nang amuyin niya ay amoy-dugo iyon.

            “Thor.”

            Napaigtad si Thor nang marinig ang boses ni Lady Carmine. Hindi siya nakakilos nang kumuha ito ng bimpo at punasan ang kanyang mukha partikular na ang gilid ng kanyang mga mata. Kanina ay inisip niyang panaginip lang ang lahat ng mga nangyari pero ngayon ay nagdadalawang-isip na siya.

            “Masakit ba ang mga mata mo?” tanong ng babae.

            “Mahapdi at parang maanghang.”

            Bumuntong-hininga ito. “Sanhi iyan ng pagbabago ng iyong sistema.”

            “Pagbabago ng sistema? May sakit ba ako?”

            Umiling ito. “Wala kang sakit, Thor. Sadyang dumadaan sa isang pagbabago ang iyong katawan at hindi pa ito sanay sa pagbabagong iyon,” sagot nito saka inalalayan siyang mahiga at dahil nanghihina ay napahinuhod na lamang siya. “Magpahinga ka muna at kapag maayos na ang iyong pakiramdam ay saka ko ipapaliwanag sa’yo ang lahat. Sa ngayon, ang pinakamahalaga ay maibalik ang iyong lakas. Huwag kang mag-alala, gaya ng pangako ko ay hindi kita pababayaan.”

            Kahit ganoon ang kanyang kalagayan ay napanatag pa rin si Thor sa sinabi ng amo.

            “Lady Carmine.”

            “Hmm?”

            “Napanaginipan kita. Marami ka raw kausap at puro makaluma ang inyong mga damit. Kulay puti ang iyong buhok pero maganda ka pa rin,” kwento niya habang unti-unting pumipikit.

            “Isa iyon sa pinakamalungkot na yugto ng buhay ko, Thor,” narinig niyang sinabi nito sa malungkot na tinig pero hindi na siya nakapagtanong dahil muli siyang nakatulog.

 
LUMAPIT SI Yakov kay Carmine nang tuluyang makatulog si Thor.

            “Lady Carmine, magpahinga ka muna,” sabi ng butler.

            “Hindi ako pagod, Yakov.”

            “Kahit gaano pa katibay ang iyong pangangatawan, nakakaramdam ka pa rin ng pagod lalo na kapag ang iyong puso ang nahihirapan,” anito saka ipinatong nito sa balikat niya ang kanyang balabal.

CarmineWhere stories live. Discover now