Unsprezece

48 8 3
                                    

SABIK NA SABIK si Martina sa pupuntahan nila sa araw na iyon. Dahil katatapos lang na ipadala ni Lady Carmine ang manuscript ng susunod na bahagi ng serye nito ay nagdesisyon itong magpahina muna sa pagsusulat at magbakasyon kasama nilang lahat.

           Lahat dahil kasama rin nila sina Chris at Jennifer.

Tatlong araw sila na magbabakasyon sa isang beach resort kaya tatlong araw ding hindi iinom ng dugo ang kanilang amo pero ayon dito ay hindi iyon problema dahil kumakain naman ito ng ordinaryong pagkain. Ayon kay Yakov ay kaya ni Lady Carmine na hindi uminom ng dugo mula tatlo hanggang limang araw bagamat hindi ito magiging kasing sigla kaysa kapag nakakainom ito ng dugo. Tatlong araw lang naman sila resort kaya magiging maayos ang kanilang amo. Gaya ni Martina ay nasasabik din itong lumabas at magliwaliw.

Nasa daan ang konsentrasyon ni Thor dahil siya ang nagmamaneho ng kotse habang nasa tabi niya si Yakov at nasa likod ang dalawang babae pati na ang dalawang alaga nila. Mahigit isang oras na silang nagbibiyahe at ganoon kahaba na rin ang pakikinig niya sa mga kanta mula sa CD ni Yakov. Para na nga niyang nakabisa ang ‘Hey Jude’ at ‘All you need is love’.

“Yakov, palitan mo ang kanta,” malumanay na utos ni Lady Carmine at agad namang kinuha ni Yakov ang CD ng mga orchestra. “Hindi ‘yan, Yakov. ‘Yong parating pinakikinggan ni Martina,” sabi ng babae na ikinagulat man ng butler ay tumalima pa rin. Nakita niyang tumingin ang babae sa salamin sa harap ni Thor at ngumiti na parang nakagawa ng kapilyahan kaya hindi naiwasan ng lalaki na mapangiti rin. Isa iyon sa napansin ni Thor na ugali ng kanyang amo, ang pagiging pilya minsan.

Dahil iba na ang tugtog ay medyo sumigla ang pagmamaneho ni Thor at hanggang sa makarating sila sa resort ay na-enjoy na niya ang buong biyahe.
Si Yakov ang nag-book sa pananatili nila sa resort noong huling beses na umalis ito sa mansiyon dahil na rin sa utos ni Lady Carmine. Pwede naman itong tumawag lang pero dahil nga sa hindi ordinaryong sirkumstansya ng kanilang amo ay kailangang siguraduhin ng butler na maayos, payapa at ligtas ang lugar na pagbabakasyunan nila. Siniguro rin ni Yakov na ligtas mula sa pagmamatyag ng ibang tao si Lady Carmine at tumatanggap ng alagang hayop ang lugar dahil nga sa meron silang dalang mga alaga.

Iyon ang unang beses na nakatungtong si Thor sa isang beach resort. Dahil laking-bukid siya ay sapa lamang ang alam niyang lugar na may maraming tubig pero habang nakatitig siya sa malapad na karagatan mula sa balkonahe ng kinaroroonan niyang kwarto ay hindi niya maiwasan na mamangha at magpasalamat na buhay pa siya.

“Maganda ba?” tanong ni Lady Carmine na nakatayo sa kabilang balkonahe. Binalingan niya ang babae at tanging tango lang ang naisagot ni Thor. “Masaya ako at natutuwa kayo.”

“Lady Carmine, ang ganda-ganda rito –ay!” napasigaw si Martina mula sa loob ng kwarto nito at ng kanilang amo. Hindi nakita ni Thor kung ano ang nangyari pero may hinala siyang may nasagi na naman ang babae.

“Martina, dahan-dahan lang,” sabi ni Lady Carmine.

Lumabas sa balkonahe si Martina habang himas-himas ang kanang tuhod pero agad itong napasinghap nang masilayan ang dagat. “Ang ganda-ganda talaga!” tuwang-tuwa na bulalas ng babae. Pati sina Chris at Jennifer ay tumayo sa balkonahe at nagmasid.

“Maligo tayo mamaya, Martina,” sabi ng kanilang amo.

“Lady Carmine, mainit po masyado –”

“Ano ngayon kung mainit, Redentor?” seryosong tanong ni Yakov sa kanya at kapag gano’n ang itsura ng butler samahan pa ng pagbabanggit nito sa buo niyang pangalan ay sigurado siyang pagsasabihan na naman siya nito mamaya. “May sunblock si Lady Carmine kaya hindi siya maaapektuhan ng init ng araw kaya ‘wag kang mag-alala,” dagdag nito pero mas tamang sabihin na pinaaalahanan siya nito na huwag mabanggit ang anumang pwedeng maglahad sa tunay na pagkatao ng kanilang amo. Sa malas, parati niyang nalilimutan na hindi naaapektuhan ng sinag ng araw si Lady Carmine.

CarmineWhere stories live. Discover now