🥀 Chapter 8

7.8K 359 11
                                    


Marahas na binuksan ni Vencel ang pinto sa silid ni Rini. Nagmamadali siyang daluhan ang malapad at malambot na kama ng kaniyang bunsong anak. Nalaman niya na bigla ito hinimatay pagkatapos marinig ang balita na dumating ang prinsipe ng Severassi na si Prinsipe Calevi na ngayon ay kasalukuyang naghihintay sa loob ng silid para sa mga bisita. Ang magkakapatid na prinsipe naman ay nakasunod naman sa kaniya.

Halos nanlumo si Vencel nang masilayan niya ang bunsong anak wala pa ring malay pero namumutla pa rin. Sumilay ang panggagalaiti sa kaniyang mukha nang makita niya ang kasalukuyang estado ng bunsong anak. Agad niyang binalingan ang pinakamagaling na manggagamot ng Imperyo. Sa tingin palang niya ay hinihingi niya ang resulta kung bakit nagkakaganito ang kaniyang anak.

"Wala po akong nakitang senyales na siya'y nagpalipas ng gutom o dinapuan ng sakit, kamahalan." wika ng kaharap nilang manggagamot. "Sa tingin ko ay dahil sa takot at sobrang pagkabahala kaya siya nahimatay."

'Kalabisan ng takot? Labis na pagkabahala? Ukol saan?' sa isip niya.

"Kamahalan," biglang nagsalita si Raegan sa isang gilid. Itinagilid ni Vencel ang kaniyang ulo upang dinggin ang sasabihin ng unang prinsipe. "Kanina ay dumating sa pag-eensayo ang mahal na prinsesa. Sinabi niya sa amin na gusto daw niya matutunan ang paggamit ng espada. Patawarin ninyo ako kung hinayaan ko lang siya mag-ensayo kahit na ako na mismo ang nagturo sa kaniya nang hindi ninyo nalalaman."

"Ano pa?"

"Pagkatapos namin mag-ensayo ay maayos siya, kamahalan. Nagagawa pa niyang ngumiti at makipagkwentuhan sa akin. Pero nang nalaman niya ang balita na dumating ang prinsipe ng Severassi ay nakita ko kung papaano siya namutla at pinagpapawisan na siya nang malamig. Marahil ay hindi niya nais makita ang Prinsipe Calevi." patuloy pa rin niya ang pagpapaliwanag.

Kumunot ang noo ni Vencel sa kaniyang narinig. Nalaman niya na umalis sa Palasyo si Rini nang araw na 'yon. 'Hindi kaya may ginawang masama ang prinsipe ng Severassi kay Rini kaya ayaw niya itong makita?' sa isip niya. Seryoso siyang tumingin kay Raegan. "Nakaharap ko ang prinsipe, nais daw niya makita si Rini, pero si Rini... Mukhang ayaw niyang makita ang isang Levanadel."

"Ano po ang ipag-uutos ninyo kung ganoon?" pormal pero mas naging seryoso si Raegan nang tanungin 'yon.

"Mananatili muna ang prinsipe sa silid pampanauhin hanggang sa magising ang prinsesa. Nais kong marinig ang dahilan ng prinsesa kung bakit ayaw niyang makita ang prinsipe." pahayag niya.

Yumuko si Raegan sa naging pasya ng Emperador. "Masusunod po." nauna na itong lumabas sa silid.

Hanggang isa-isa nang nagsialisan na ang mga tao sa silid. Kahit ang mga tagapag-alaga ng prinsesa ay pinaalis muna ni Vencel. Ang tanging natitira na lamang sa naturang silid at si Vencel at si Rini. Tahimik na umupo si Vencel sa gilid ng kama. Masuyo niyang hinawakan ang isang kamay nito. Hindi maitago ang takot at pag-alala sa mukha niya habang nanatili niyang pinagmamasdan ang bunsong anak. Marahan niyang ipinikit ang kaniyang mga mata saka dinampian ng maliit na halik ang kamay nito. Idinikit niya ito sa kaniyang noo.

"Pakiusap, anak ko. Gumising ka agad. Hindi ko kayang may mangyari sa iyo na masama... Hindi ako magdadalawang-isip na harapin ang Impyero na 'yon dahil sa sinaktan ka." halos manginig ang boses niya sa pakiusap na 'yon. "Oh, Theavia... Lorah... Tulungan ninyo ako magising ang anak ko."

Ilang minuto pang lumipas ay doon na napagpasya ni Vencel na umalis na muna sa silid ng kaniyang anak. Hinahayaan niyang makapagpahinga ito. Hihintayin niya ang oras na tuluyan na itong magising.

Marahan niyang isinara ang pinto. Sakto din na naroon din ang una niyang anak na si Raegan. Gayundin ang ibang prinsipe na sina Eomund at Cederic. Nang makita siya nito ay agad siya nito dinaluhan. Tiningnan niya ang mga ito. Tulad niya ay bakas mga mukha nito ang labis na pag-aalala para sa bunso at nag-iisang kapatid na babae.

I'm Born as an Eryndor! (Book 1-3) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon