Chapter 12

6.6K 254 176
                                    

"AKALA ko basta-basta mo na lang ako ipapamigay sa 'sang 'yon?" parang batang nakangusong sabi pa niya nang pumasok ang mama niya sa kwarto. Lumapit ito at naupo sa gilid ng kama niya. "Alam ko na may favoritism ka sa Santillan na 'yon. Kilala kita, Matilda."

Natawa ang mama niya. "Gusto ko ang batang 'yon pero ikaw ang anak ko. Aba'y 'di naman ako ganoon ka tradisyonal na ina para ipilit sa inyong dalawa ang kasal. Galing na ako roon." Napatitig siya sa ina. May sumilip na mainit na ngiti sa mukha nito sa pagkakataon na 'yon. "At bilang ina mo, ayaw ko na maulit ang pagkakamali namin ng 'yong ama sa'yo."

Tipid lang siyang tumango rito.

Pero napangiti pa rin siya.

"At saka," tinapik nito ang binti niya mula sa kumot, "matanda ka na, Vel. Aksidente man o hindi ay alam ko na alam mo na rin ang mabuti sa hindi."

"Ma..."

"Hmmm?"

Naglapat ang mga labi niya. "Paano kung 'di ako maging mabuting ina tulad mo?"

"Anak, wala namang makapagtuturo sa atin kung paano maging mabuting ina. Kusa na lang 'yon nating nararamdaman at alam na agad natin paano 'yon gagawin. At huwag kang mag-alala. Nandito naman ako para gabayan ka. Magpakasal man kayo o hindi ni Word. Nandito ako." Lumapad lalo ang ngiti nito.

"Salamat," ngiting balik niya.

"Pero pag-isipan mo pa rin. Pakiramdaman mo pa rin si Word." Umasim ang mukha niya sa sinabi ng ina. Natawa ito sa reaksyon niya. "Iba pa rin ang may buong pamilya, anak. Pero kung bubuo man kayo ng pamilya siguraduhin n'yo munang mahal n'yo ang isa't isa at hindi lang dahil sa responsibilidad at kagustuhan n'yong maging buo. At alam ko na ayaw mo," medyo lumakas ang tapik nito sa binti niya, "pero bigyan mo pa rin ng chance 'yong si Word dahil personal na 'yong humingi sa'kin ng pahintulot na ligawan ka nang pormal."

"Maaaa!" she dreadfully groaned. "Sa tingin n'yo ba magtitino pa 'yon? Noong araw ngang ipapaalam ko sa kanya na buntis ako ay may kahalikan pa 'yon sa opisina niya."

"Aba'y baka wala na ngayon."

"Hindi ka nga sure riyan."

Natawa ulit ang ina niya. Naiinis talaga siya kapag naalala niya ang tagpo na 'yon. Gusto niyang sunugin ang TADHANA kasama ang dalawa.

"Pero baka wala na talaga," ulit nito. "Pinagsabihan ko na 'yon. Kapag may narinig pa akong may ibang babae siya habang nanliligaw siya sa'yo ay ako na mismo ang kokontra sa panliligaw niya sa'yo. Hindi ko ipagkakait na makita niya ang anak n'yo pero 'di ko siya hahayaang ipilit pa niya ang sarili sa inyong mag-ina." Titig na titig siya sa ina niya. "Kung wala siyang balak magbago ay wala rin tayong balak mag-adjust sa kanya." Werpa naman nitong si Matilda.

"Pwede ko ba i-suggest na huwag na tayong mag-adjust kay Santillan habang maaga?"

Tumawa ito, tatawa rin sana siya kaso bago pa niya magawa 'yon ay ang sama na ng tingin ni Matilda sa kanya.

"Pinal na ang desisyon ko. Bigyan mo ng pagkakataon si Word dahil siya ang ama at siya rin mismo ang lumapit sa atin para makiusap. Kung ibang lalaki 'yon ay baka matagal na 'yong sumakabilang palda pero lalaki akong hinarap ni Word –"

"Dapat ba baklang hinarap ka ni Word?"

Mabilis niyang itinakip sa mukha ang unan nang makita ang panlilisik ng mga mata ni Matilda.

"Maria Novela Martinez!"

Parang yumanig ang buong bahay sa pagtawag nito sa buong pangalan niya. Tang na tuta 'yan! Akala niya ay immune na siya sa mga nakakamatay na tingin ng nanay niya. Joke lang pala.

PERFECTLY UNMATCHED - COMPLETEWhere stories live. Discover now