Kabanata 15

18 5 0
                                    

Kabanata 15


KATATAPOS lang namin maghain sa hapag-kainan ayon kay Donya Flora ay maya-maya rin ay darating na ang kanilang panauhin. Inatasan rin kami ni Don Alonzo na ayusin ang aming sarili bagamat ayon sa kaniyang tinuran kahit pa man kami'y soltera sa kanilang tahanan ay nais niya na maging presentable kaming pagmasdan.

Katatapos ko lamang mag-ayos sa aking silid ternong puting baro't saya lamang ang aking suot at hinayaan kong nakalugay ang aking buhok. Pinagmasdan ko ang liham na nakapatong sa lamesa, batid kong hindi  nararapat ang gagawin kong pagbibigay ng liham kay Ginoong Samuel ngunit buo na ang aking desisyon.

Hahanap na lamang ako ng tamang oras para aking maibigay ang liham sakaniya. Napatigil ako sa aking pag-iisip nang may kumatok sa aking pintuan. Napabuntong hininga ako habang nakatingin sa salamin, kung hindi ako nagkakamali ay baka si Rosa ang kumakatok. Kailangan ko na lamang ihanda ang aking sarili.

Tumungo ako sa pintuan at binuksan ito, nawala ang aking kaba at pangamba dahil bumungad mula roon ang katauhan ni Binibining Miranda. Nakangiti ito habang suot ang baro't saya na aking pinili kanina.

"Binibining Miranda kayo ay naparito" sambit ko at niluwagan ang bukas ng aking pinto. Pumasok ito sa aking munting silid,  hindi kalawakan ang aking silid at sapat lamang ang luwang nito para sa aking pagkilos. Dito rin ang silid ni Ina noong siya'y naninilbihan pa lamang.

Pinagmamasdan ni Binibining Miranda ang kaniyang repleksiyon sa salamin. Mas lumabas ang katingkaran ng kaniyang kutis dahil sa damit, bahagyang nakataas ang kaniyang buhok at nakakorteng paikot ito. Maganda rin at sakto lamang ang pagkakapahid nito ng kolorete sa kaniyang mukha.

"Eliana ano ang iyong masasabi?" Tanong nito habang nakangiti at nakatingin sa salamin. "Napakaganda niyo ho Binibini, bagay na bagay ho sa inyo ang damit" tugon ko at mas lalong nilakihan ang aking ngiti.

"Kung gayo'y malaki rin ba ang posibilidad na mabighani sa'kin si Ginoong Samuel?" Sambit nito at bahagyang tumingin sa akin. Napangiti muli ako ngunit hindi na ito kalakihan kumpara sa una.

Napatango ako "Ako'y tiyak na nakasisiguro Binibini" sambit ko. Napangiti muli ito nang matamis at ibinalik ang kaniyang tingin sa salamin. Hinawakan nito ang kaniyang buhok, napatingin-tingin ito sa aking silid at napako ang kaniyang tingin sa panali ng buhok na nakalagay sa gitnang bahagi ang aking kabinet.

Napakagat ako ng aking labi habang nilalapitan ni Binibining Miranda ang kinalalagyan ng mga ipit. Kinuha niya ang kulay pulang ipit at pinagmasdan ito. Naalala ko ang sinabi niya kanina na nais niyang ternohan ng kulay pulang ipit ang kaniyang kasuotan.

"Maaari ko ba itong mahiram Eliana?" tanong nito at pinakita sa akin ang ipit. Napalunok ako, sa ngayon ay nahihirapan akong magdesisyon. Tiyak na masasaktan si Binibining Miranda kung ito'y hindi ko pinahiram sakaniya samantalang halos ipahiram na nito ang kaniyang buong gamit sa'kin. Ngunit hindi ako lubusang nakatitiyak sa mararamdaman ni Binibining Solana sapagkat sa kaniya galing ang ipit na iyon.

Napahinga ako nang malalim at dahan-dahang napatango "M-maari Binibini" sambit ko, napangiti ito at nagtungo muli sa salamin. Napapikit ako nang mariin. Pasensiya Binibining Solana aking hinihiling na hindi mo mapansin  ang ipit na suot ni Binibining Miranda.

"Eliana maaari mo ba akong tulungan dito" pakiusap nito. Lumapit ako sakaniya at inilagay ang ipit sa kaniyang buhok. Maingat na inayos ko ito sa paikot na istilo ng kaniyang buhok. Pinagmasdan ko ang kaniyang repleksiyon salamin nang nailagay ko na ang ipit. Mas naging elegante itong tignan.

"Maraming Salamat" sambit niya at pinagmasdan muli ang kaniyang sarili sa salamin.

Maya-maya pa ay umupo ito sa aking katre habang nakapako pa rin ang kaniyang tingin sa salamin. Konting lambot lamang ang nasasalat sa aking katre, pinagmasdan ni Binibining Miranda ang aking silid.Napayuko ako dahil baka may mapuna ito sa nakikita niya sa paligid sapagkat simpleng  pagwawalis lamang ang ginagawa ko.

Liham ng Pamamaalam (Pahayagan Serye-Uno)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon