Chapter 1: First Page

135 7 6
                                    

CHAPTER 1
First Page

Sabi nila, high school life daw ang pinakamasayang part kapag nag-aaral ang isang estudyante. Gusto ko rin naman 'yon. Gusto kong maniwala at umasang... magiging memorable para sa akin ang pag-aaral. Ang kaso, sa dami ng mga nangyari sa buhay ko at sa pamilya ko, parang ang hirap nang maging masaya.

"Jessa Mae, may baon ka na ba?"

Kalalabas ko lang sa maliit naming banyo nang tanungin ako ni Mama. "Wala pa po."

Dumukot si Mama sa wallet niya ng bente pesos. Kulang 'yon sa akin. Pamasahe ko lang 'yon ng balikan kasi sampung piso lang naman ang minimum sa pasahe sa jeep.

Kulang pero hindi ako marunong magreklamo. Hindi kami pinalaking nakagawiang magreklamo. Hindi ko nga alam kung paano ko natitipid ang bente pesos. Kapag wala pang choice, lalakarin ko na lang kahit tanghaling tapat. Afternoon classes kasi ang schedule ng Grade 9 sa school namin.

Inayos ko ang uniform kong dilaw. Inayos ko rin ang garter ng green ribbon ko. Walang plantsa sa bahay kaya medyo gusot pa. Dinadaan ko na lang sa fabric conditioner kapag nilalabhan at hindi masyadong kinukusot ng gigil na gigil. Inayos ko na rin ang palda kong green na lagpas tuhod. Dalawa ang uniform ko pang-itaas at isa lang ang palda kaya araw-araw akong naglalaba. Isa lang ang patch ko na may logo, kaya ginagamitan ko na lang ng pardible kapag ididikit sa kuwelyo. Required kasi sa school na kailangang may ganoon pa.

Sa isang school talaga ako papasok kung nasaan ang ex-boyfriend ko noong fourteen years old ako. Ang kaso, sa school ko ngayon pumasok ang pinsan ko kaya sa akin na pinamana ang uniform. Sa halip na bumili, iyon na lang.

"Aalis ka na, Jessa? Hindi ka na kakain?"

Napanguso ako sa tanong ni Jay sa akin. Sa anim kong kapatid, wala talagang tumatawag sa akin ng ate. Hindi ko alam kung bakit hindi sila nasanay. Walang tawagan ng ate at kuya; puro first name basis. Nagiging ate at kuya lang kapag nasa school.

"Hindi na. Sa'yo na lang ang bahagi ko, Jay."

Napangisi siya at kinuha na ang dapat na parte ko sa ulam naming instant noodles. Hindi halata pero mapagbigay ako. Naaawa rin naman ako sa dalawa kong lalaking kapatid—sina Jay at Chris. Bali dalawang taon na silang hindi pumapasok sa school dahil nahirapan kaming asikasuhin ang requirements nila na kukunin pa sa Tondo. Bukod sa may problema sa records, wala rin kaming pera para asikasuhin at magpabalik-balik doon.

Isa pa, kung alam kong hindi sapat sa mga kapatid ko, sinasadya ko na lang talagang hindi kumain. Sa susunod na buwan pa kasi ang sahod ni Papa at isang linggo pa lang, ubos na ang sahod niya na padala niya pa galing abroad. May pagkain pero kulang pa rin. May pagkain pero hindi laging masarap. Nalulong kasi si Mama sa bingo center sa basement ng mall malapit sa amin.

Sinukbit ko ang bag ko. Pumunta ako sa kuwarto ni Mama. Last try na. "Ma, hindi ka po ba talaga pupunta sa school ko?"

Nakahiga lang si Mama at parang wala sa mood. "Ayoko. Anong gagawin ko roon? Wala naman akong pera."

Humigpit ang hawak ko sa seradura ng pinto. Puwede naman kaming maglakad kung gusto niya talagang pumunta. Sasamahan ko naman siya. May oras naman siya pero ayaw niya kasi naiinitan siya.

"Sige po, aalis na ako."

"Alis na," taboy sa akin ni Mama at muling natulog.

Kapag ubos na ang pera na padala ni Papa. Ganyan siya. Palagi siyang bad mood at tulog.

Umalis ako sa bahay ng may malaking tampo kay mama pero as usual, hindi ko pinahalata iyon. Hindi puwedeng mahalata ni Mama 'yon. Pinalaki kaming magkakapatid na disiplinado pero duda ako kung ganoon bang maituturing iyon.

My Happy CrushWhere stories live. Discover now