Chapter 4: English Book

38 4 2
                                    

CHAPTER 4

English Book

Natapos ang bakasyong wala namang masyadong espesiyal na nangyari sa buhay ko. Ganoon pa rin naman. Kapag hindi na kami makabayad sa bahay, lilipat na kami sa panibagong bahay. Dalawang beses o minsan isang beses pa rin kaming kakain sa loob ng isang araw. Sa pagdagdag ng mga buwan, wala pa rin asenso ang buhay namin kahit mas sobra pa ang pinapadala ni Papa.

President: Tutulong tayo sa brigada. As officers, dapat mas maaga tayo sa school para maraming magawa.

Huminga ako nang malalim at tiningnan ang iba pang message sa account ko. Karamihan sa mga message ko, galing lang sa mga group chat. May mga estrangherong nag-chat pero hindi ko na lang pinansin. Maaksaya ang oras ko sa pisonet kaya mahalaga lang ang tiningnan ko.

Tiningnan ko rin ang message requests ko. "10-Algeria..."

Napakagat na lang ako sa pang-ibabang labi ko sa panibagong section ko sa Grade 10. Ini-accept ko iyon at bahagyang nag-backread sa pinag-uusapan ng mga bago kong kaklase. Wala namang masyadong mahalaga doon kundi ang announcement na brigada at distribution ng books. Ang ibang usapan, mga random things na. Hindi ko alam... kung bakit may sarili yatang buhay ang mga kamay ko at tiningnan ang bawat member ng group chat. Pamilyar sa akin ang ibang pangalan pero napatigil ako sa pag-scroll nang makita ko ang pangalan ng lalaking nakita ko pagkatapos ng recognition day.

"Ceejay Sean Redon—ay t*nga," bulong ko sa pangalan niya. Nanlaki ang mga mata ko nang wala sa sariling napindot ko 'yong pangalan niya at dumiretso sa account niya.

Wala namang espesiyal sa account niya. Ang profile picture niya, parang emo at mukhang Grade 8 pa siya nang kinunan iyon. Hindi ko siya friend. Siguro, naka-private siya kasi isang shared post lang ang nakita ko.

Mag-log out na sana ako pero biglang namatay ang monitor. Hindi ko man lang namalayang naubusan na ako ng oras. Muli na lang akong naghulog ng piso. Bumungad na naman sa akin ang account niya kaya pairap akong nag-log out. Binigay ko na lang sa batang tambay sa computer shop ang natirang oras ko.

Seryoso ang mukha ko habang naglalakad pauwi pero 'yong utak ko, naglalakbay kung saan. Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit ganoon na lang ang epekto sa akin ni Ceejay. Ayoko namang mailang kami sa isa't-isa dahil magiging magkaklase na kami.

Ang weird lang na wala naman kaming malalang pinag-awayan pero para kaming magkagalit palagi sa isa't-isa. Kapag nagkakatinginan kami, pareho kaming umiiwas ng tingin. Pareho kaming naiilang na hindi rin naman namin alam kung paanong nagsimula.

KINABUKASAN, maaga akong nasa school. Mabuti na lang talaga, may bigas kami at corn beef sa bahay kaya maaga na rin akong nagsaing para sa aming lahat at para may mabaon ako.

Hindi ko naman kasi kayang kumain sa mga fast food restaurant dahil hindi sapat ang pera ko. Kapag nagkakayayaan sila, tumatanggi talaga ako. Mas okay na kumain na lang ako mag-isa kaysa mapagastos ng sobra.

Umaga pa lang, pagod na ako. Tinulungan ko na kasi ang ibang teacher na magpintura sa mga room. Sa umaga ang brigada ng mga panghapon ang schedule habang sa hapon naman ang brigada ng mga pang-umaga. Grade 10 na ako kaya sa hapon pa ako makakapagbrigada sa room ko.

Kaya nang sumapit ang hapon, para talagang wala na akong lakas pumunta pa sa room at tumulong pero kailangan pa rin. May attendance kasi at kailangan munang tumulong para makasama ang pangalan ko sa bibigyan ng books.

Pawisan na ako kaya pinalitan ko na ang suot kong org shirt. Isa pa, hindi na naman ako naka-duty. Naglakad ako sa corridor papunta sa room. Wala pa man ako sa tapat, natanaw ko agad si Ceejay. Napatigil tuloy ako sa paglalakad. Hindi ko alam kung didiretso ba ako sa loob o hindi.

May mga estudyante rin sa loob na tumutulong. Mukhang mga kaklase ko sila pero walang pumansin sa akin kaya... hindi ko alam kung papasok pa ba ako para tumulong. Isa pa, mukhang kaunti na lang naman ang linisin dahil nauna nang maglinis doon ang mga nagbrigada noong umaga.

Huminga ako nang malalim at nagpatuloy sa paglapit. Tumikhim ako para kunin ang atensiyon ni Ceejay na abal sa pag-mop ng sahig. "Ah... si sir?"

Tumaas ang mga kilay ko nang mabilis siyang tumunghay sa akin. Pinaglapat ko ang mga labi ko sa naging reaksiyon niya. Bahagyang umawang ang bibig niyang para bang hindi niya inasahang makikita niya ako at tatanungin ko siya ng ganito.

Mukhang hindi niya narinig ang tanong ko, kaya inulit ko na lang. "Nasa loob ba si Sir Ruel? Hindi... pa kasi ako nakakapag-attendance."

Kumunot na ang noo ko nang makita ang namumuong pawis niya sa noo. Hindi ko alam kung bakit siya natatagalang sumagot. Hindi ko na tuloy maiwasan ang kaba ko. Nalulunod ako sa tingin niya. Ito ang unang beses na nagkaroon kami ng talagang matatawag na interaksiyon.

Umiwas siya ng tingin at nagpatuloy sa pag-mop. "Nasa faculty. Nasa loob ang attendace. Pagbalik ni sir, mag-distribute na raw... ng books."

Ngumiti ako kay Ceejay kahit hindi naman siya nakatingin. "Salamat..."

Kinagat ko na naman ang pang-ibabang labi ko. Siguro naman, puwede na akong mag-attendance kahit hindi naman ako tumulong sa paglilinis? Pumasok na lang ako sa loob at nag-attendance.

"Oy, Bunsay. Nandiyan ka na pala."

Nakahinga ako nang maluwag nang makita ko si Lisa at Ken. Katulad ko, mga officer din sila kaya may interaction na ako kahit papaano sa dalawa kong kaklase.

Ilang sandali pa, pumasok na si Sir Ruel kaya pumasok na rin ang iba sa amin. Pumunta ako malapit sa may bintana kung nasaan si Lisa dahil siya lang naman ang masasabi kong malapit sa akin sa section na 'yon pero mukhang mali yata ang desisyon ko.

Sa tabi ni Lisa at Sonny, nandoon si Ceejay. Nagtagpo lang ang mga mata namin pero ako na agad ang unang umiwas ng tingin. Fifty kaming magkaklase kaya hindi ko alam kung bakit palaging siya na lang ang nakakatinginan ko. Para bang palagi na lang may humihila sa aking pagmasdan ang masungit niyang mukha.

Inuna ni Sir Ruel bigyan ang mga babae ng libro. Kada estudyante, eight na books ang ipamimigay. Hindi rin naman biro ang kapal ng mga iyon kaya mabigat ang mga dalahin ko pag-uwi.

"Bunsay, Jessa Mae?"

Mabilis akong lunapit sa unahan. Binigyan niya ako ng isang listahan kung nasaan ang mga librong ipaahiram sa akin. "Galing kang 9-Norway, ano?"

Tumango ako. "Yes po, sir."

Itinuro niya ang mga sakong may lamang libro. "Kuha ka na lang ng mga librong nakalista sa binigay ko sa'yo."

"Sige po..."

Nagsimula na akong kumuha. Kada dagdag ko sa mga librong kinukuha ko, pabigat nang pabigat ang dala ko. Nang English book na ang kukunin ko, medyo nahirapan ako dahil malalim na kaya kailangan ko pang yumuko pero marami na akong hawak na libro. Hindi ko rin naman alam kung saan puwedeng ipatong ang mga librong nakuha ko na.

Natataranta na ako. Alam kong hinihintay ako ng lahat. Tinatapos muna kasing makakuha ang huli bago tumawag ng panibagong pangalan. Nag-iisip pa lang ako ng paraan nang biglang may kamay na sumuot sa sako para ikuha ako ng English book.

Napangiti ako at huminga nang malalim. "Salamat..."

Unti-unting nawala ang ngiti sa mga labi ko nang makita ang lalaking tumulong sa akin. Sa lahat ng puwedeng maging concern sa akin, hindi ko inasahang sa kaniya pa manggagaling iyon. Para bang sa pagtulong na ginawa niya sa akin ngayon, parang hindi niya ako tinurong na panira ng ranking ng section nila dati.

Tumikhim si Ceejay at basta na lang kinuha sa mga kamay ko ang mga dala kong libro. "Natagalan ka. Naghihintay sila."

Napalunok na lang ako at tumango. Sumunod ako sa kaniya. Sinundan ko na lang siya ng tingin nang ipatong niya ang mga librong iyon sa isang upuan. Hindi ko alam kung kanino ang ginamit niyang eco bag para lang may malagyan ang mga libro ko. Natameme na lang ako sa ginagawa niya. Hindi ko alam ang sasabihin.

"Salamat..."

Humarap si Ceejay sa akin at ibinigay ang handle ng eco bag. Alam kong hindi kami malapit sa isa't-isa. Alam kong hindi naman kami magkaibigan. Kilala ako ng lahat sa apelyido ko kaya nang marinig ko ang pangalan kong binigkas niya, parang may pinaramdam siya sa aking bago na kahit ako, hindi ko mapangalanan kung ano.

"Ibalik mo na lang 'yang... eco bag kasi... kay mama 'yan, Jessa Mae."

My Happy CrushWhere stories live. Discover now