Chapter 22: Bumalik

14 2 0
                                    


CHAPTER 22

Bumalik 

May mga bagay talaga sa mundo na kahit gawin na lahat, hindi pa rin magiging sapat. Kapag nagwalis, may natitira pa rin. Kapag nag-aral, hindi pa rin mangunguna. Kapag nagmahal nang totoo, lolokohin pa rin. Kapag nag-effort at halos ibigay lahat ng oras, kulang na kulang pa rin at hindi pa rin maganda ang magiging resulta.

"Okay lang 'yan, Jessa Mae. Kasalanan mo rin naman." Nanginig ang mga labi ko dahil sa labis na pagluha. "Hindi... m-mo rin naman i-inayos ang trabaho mo."

Sunod-sunod na naman na tumulo ang mga luha ko. Anumang oras, malapit nang matapos ang break time namin. Hindi ko alam kung paano ko tatanggalin ang paninikip ng dibdib na nararamdaman ko dahil sa sama ng loob para sa sarili ko. Nagkulong ako sa isang cubicle sa banyo dahil hindi ko na kayang pigilan pa ang lungkot ko.

"Hindi ako natuwa sa school paper natin. Na-release ng hindi man lang na-proofread at na-edit nang maayos. I'm so disappointed."

Sa tuwing naalala ko ang sinabi ni Ma'am Francheska na mentor namin sa journalism, bumubuhos ang emosyon ko. Hindi niya man sinabi nang direkta sa akin, alam kong isa ako sa malaking parte kung bakit ganoon na lang ang naging resulta ng release ng school paper. Hindi ko ginawa nang maayos ang tungkulin ko bilang in-charge sa mga ipapasang article sa akin.

Nang una, nabigla ako. Hindi ko naman alam iyon. Wala akong ideya sa proofreading at editing. Bukod doon, wala akong maayos na gadget. Kahit cellphone, nakihihiram pa ako kay mama. Ang naging sandigan ko lang para magawa ang mga dapat kong gawin sa publishing ng school paper ay ang pahapyaw na sumilip sa computer shop para madaanan lang ang mga article na pinasa sa akin ng writers.

Sa puntong iyon, disappointment din ang naramdaman ko para sa sarili ko. Nang nakita ko ang school paper kanina, sa editorial section, nakita ko na agad ang mga mali.

Naghilamos ako. Mariin kong pinunasan ang mga luha ko. Huminga ako nang malalim. Dapat hindi ako umiiyak sa ganitong mga bagay.

Dumiretso agad ako sa classroom. Abala na sila dahil malapit na ang sunod na class. Nang makita ko sa lamaesa ko ang copy ko ng school paper, huminga ulit ako nang malalim para umatras ang panibago na namang mga luha.

"First time 'to. May isang feature article ako dito, e!" bulalas ni Samara.

Kaniya-kaniyang hanap sila ng parte nila. Ngumiti na lang ako. Masaya ako para sa kanila. Samantala, hindi ko naman magawang buklatin ang school paper dahil natatakot ako sa makikita ko.

Bumaba ang tingin ko sa likod ng news paper kung nasaan ang section ng sports. Napangiti ako nang nakita ang pangalan ni Ceejay doon.

"Congrats, Ceejay!" pinasigla ko ang boses ko. "Ang galing mo talagang magsulat ng balita."

"Congrats din."

Tumaas ang mga kilay ko at tumingin sa kaniya. May bumundol na kaba sa dibdib ko nang bigla siyang tumingin sa akin. Para bang sa paraan ng pagtingin niya, alam niya ang pinagdaanan ng mga mata ko. Para bang mas kilala niya pa ang bawat emosyon ko kumpara sa akin.

"H-ha?" Parang may bumara sa lalamunan ko.

Seryosong bumaba ang tingin niya sa school paper. Itimuro niya ang isang mukhang pamilyar na pamilyar sa akin. "Ikaw ang nagsulat nito, hindi ba? Sa epidemyang kumalat sa bansang China?"

Nanlaki ang mga mata ko. Agad kong tinakpan ang seryoso kong mukha roon. "Magbasa ka na lang ng iba. Marami p-pang ano... magaganda diyang article."

"Co-writer kita, Jessa Mae." Pilit niyang tinanggal ang kamay ko. "Babasahin ko. Alisin mo."

My Happy CrushWhere stories live. Discover now