Chapter 3: School Year

44 5 2
                                    

CHAPTER 3
School Year

Hindi ko masabing naging special part ng high school life ko ang Ceejay na 'yon pero habang tumatagal, parang kasama na rin siya. Nagtuloy-tuloy ang mga tinginan naming sobrang saglit lang at hindi ko alam kung ano bang mayroon kung bakit kami aksidenteng nagkakatinginan.

Hindi ganoong kalakihan ang school namin pero marami namang building at sa araw-araw na ginawa ng Diyos, palagi ko na lang siyang nakikita at napapansin. Isang beses nga, ini-excuse ako sa klase ko para i-practice kaming mga lalaban sa district level interpretatibong pagbasa. Nasa tapat lang kami ng Filipino department noon. Hindi ko alam kung bakit sa dami ng pagkakataon. Doon ko pa siya nakita.

Malapit na ako sa part ng pagbabasa ko nang bigla siyang bumaba mula sa hagdan. Hindi ko alam kung bakit nandoon si Ceejay. Ang alam ko lang, kasama siya sa journ team at nasa second floor ng building ang office nila. Tinapunan niya lang ako ng tingin pero 'yong tingin niyang parang palaging ang sungit at nanunusok, nagpa-utal na sa akin at nagpawala ng focus ko sa practice.

"Sandali, Jessa Mae. Hinto. Nabulol ka na sa pagbabasa," puna ni Mrs. Valencia.

Napalunok ako at umiwas ng tingin kay Ceejay. "S-sorry po."

Nagbilin sa akin si Mrs. Valencia pero 'yong atensiyon ko, kay Ceejay lang nakatuon. Kita ko kasi sa gilid ng mga mata ko ang pag-diretso niya sa direksiyon ko. Akala ko, ako ang pupuntahan! Nakahinga ako nang maluwag nang doon lang siya dumaan malapit sa Filipino department para makalabas ng building.

"Nakikinig ka ba, Jessa Mae?"

"O-opo..."

Tumayo si Mrs. Valencia at binigyan kami ng panibagong piyesa para aralin. "Hindi dapat kayo kabahan kapag may nanonood sa inyo. Kaya nga, public speaking ito. Dapat sanay kayong humarap sa maraming tao."

"Pero nakakakaba pa rin po. Labas po ng school 'yon. Iba't-ibamg school ang makakalaban natin," sabi ni Chanty, ang pinakabata sa amin.

Huminga ako nang malalim. Sanay na sanay ako sa public speaking dahil palaging ako ang panlaban noon sa dati naming school. Maliit na bagay na lang sa akin ang kabahan.

Bakit kasi kailangan pang dumaan ni Ceejay sa malapit sa Filipino department? Puwede naman siyang dumiretso sa exit na bungad ng hagdan kung saan siya bumaba. For PWD ang way na 'yon pero puwede namang gamitin ng kahit na sino. Bakit doon pa siya dumaan malapit sa akin?

Buwisit. Kinakabahan ba ako sa Ceejay na 'yon? Hello? Bakit naman ako kakabahan? Bakit? Siya lang ba ang matalino? Pareho kaming matalino kaya bakit ako ma-iintimidate sa kaniya?

Lumipas ang buong school year na ganoon ang sistema namin ni Ceejay. Hindi ko alam kung sino ba talaga sa amin ang sumusulyap. Namamalayan ko na rin kasing mas nauuna na pala akong tumingin kapag nakakasalubong ko siya.

"MAMA, graduation na namin. May medal ako. Huwag ka na pumunta."

Iyon bungad ko kay mama pagka-uwi mula sa practice namin para sa recognition ceremony. Tatlo kami sa seciton namin ang may medal kaya kasama rin kami sa ceremony.

Kailangang may kasama akong magulang pero inunahan ko na si Mama. Ayokong ma-disappoint lang sa sasabihin niya. Kalilipat lang ulit namin ng bahay ay wala na naman kaming pera. Isang beses na lang din kaming kumakain sa isang araw kaya ayoko na siyang istorbohin sa recognition na 'yon. Isa pa, mainit ang panahon. Ayaw niya sa ganoon dahil mabilis uminit ang ulo niya. Ayokong pagbuntunan niya ako sa araw na pinaparangalan ako.

"Bahala ka." Iyon lang ang sagot sa akin ni Mama.

Umakyat na lang ako sa taas at humiga. Sa ibang magulang, kapag may award ang anak, mas excited pa pero sa kaso ni Mama, wala na siyang pakialam. Alam ko namang ako ang nag-initiate na huwag na siyang pumunta pero masakit pa rin talaga. Hindi man lang siya nagpumilit. Hindi man lang niya ako sinabihan na kahit papaano, proud siya sa akin.

Sanay na naman ako. Hindi na dapat ako nagdadrama ng ganito. Sa bawat recognition, si Papa lang ang nagsasabit sa akin ng medal. Ayaw ni Mama. Nang umalis nga si Papa, pilit na pilit pa siya noong Grade 8 ako. Kung hindi lang ako ang unang nakakuha ng with high honor na title sa batch namin, baka hindi niya ako sinabitan. Nag-attend lang naman kasi siya noon hindi dahil proud siya, nag-attend siya dahil ayaw niyang pag-usapang baka pabaya siyang ina.

Itinulog ko na lang ang mga bumabagabag sa akin. Lilipas din naman iyon. Isang araw lang naman iyon. Pagkatapos niyon, wala na.

"Bunsay, Jessa Mae, with honor."

Wala man lang akong ngiti sa mga labi nang sabitan ako ng adviser ko. Hindi ko alam. Sa sobrang sanay ko na sa entablado at harap ng maraming tao, parang hangin na lang sila sa akin.

"Congratulations, anak. Ang galing mo."

Tipid na lang akong ngumiti. "Salamat po, ma'am."

Bumalik na ako sa upuan ko. Naghintay lang kami matapos ang program. Syempre, halos lahat ng mga magulang, nakikita kong masaya sila para sa mga anak nila. Napapangiti pa ako kapag naririnig ko 'yong mga magulang ng mga katabi kong may surprise daw sa kanila ang parents nila.

Gusto ko rin 'yon. Gusto ko rin masorpresa sa mga bagay na pinaghirapan ko. Gusto kong magkaroon ng kapalit ang mga bagay na alam kong deserve ko pero hindi kasi ganoon ang takbo ng buhay ko—malayong-malayo sa direksiyon ng ibang mga kasabayan ko.

"Kate, ah... puwede ba akong umutang ng fifty?"

Binigyan naman agad ako ni Kate. "Sorry, Jessa Mae. Twenty lang ang maipapahiram ko sa'yo."

"Okay lang... pamasahe ko lang naman."

Sinungaling. Sinungaling talaga ako. Kinuyom ko ang perang inutang ko. Sa dami kong utang kay Kate, hindi ko na mabilang at hindi ko na alam kung paano ko pa babayaran. Hindi naman talaga 'yon para sa pamasahe. Kayang-kaya ko naman maglakad kahit tanghaling tapat. Gusto ko lang... i-treat ang sarili ko. Kahit limang pisong fishball at buko juice lang, deserve ko naman siguro 'yon. 'Yong sampu, ititira ko para sa mga kapatid ko. Sure naman akong wala silang ulam sa bahay kaya kahit tig-pipisong tsistirya, okay na 'yon basta matawid lang ang gutom.

Itinago ko na lang ang medal ko sa bulsa para hindi agaw-atensiyon kapag naglakad ako mamaya. Wala pang luto na fishball kaya naghintay ako sa gilid habang hawak ang baso at stick ko.

"Wala pa pong luto, kuya?"

Hindi ko napigilan ang pagtunghay nang marinig ko ang boses ni Ceejay. Nakatingin lang siya sa pagluluto na para bang hindi pa maniwala sa nakikitang wala pa ngang luto. Mabilis akong umiwas ng tingin nang bumaling siya sa direksiyon ko. Bigla na lang din kasi siyang gumilid at naghintay. Sa dami ng puwedeng puwestuhan, sa gilid pa na katapat ko. Muli kong tiningnan ang fishball pero hilaw pa.

"Kuya, pabiling siomai."

Dumating ang isang grupo ng mga estudyante kaya napalibutan ang cart pero kahit ganoon, kitang-kita ko pa rin si Ceejay. Walang-wala ang usok mula sa steamer ng tindero para hindi ko makita ang mukha niya.

Ang daming tumakbo sa isip ko. Hindi ko alam kung bakit palagi ko na lang siyang napapansin. Nang tumingin siya pabalik sa akin, pareho na yata naming alam... na sa dalas ng tinginan naming dalawa, ang hirap nang hindi pansinin ng connection na dapat wala naman simula pa nang una. Sa simpleng mga sulyap, mukhang alam na naming... naging bahagi ng school year na 'to ang isa't-isa.

My Happy CrushWhere stories live. Discover now