Chapter 14: Private Message

26 2 0
                                    

CHAPTER 14

Private Message 

Tapos na ang midterm. Kahit palagi akong may duty at may training sa journ room, nakahahabol pa rin naman ako sa klase. Kaya hindi na ako nagulat nang mag-with honor ako ngayong quarter. Isa pa, lahat kami sa room, talagang active sa academics.

Pagpasok ko sa room namin, nandoon na ang mga kaklase ko. Hindi sila abala katulad ng mga senaryong palagi kong naaabutan. Wala naman kaming hinahabol na requirements dahil kabubukas lang ng second quarter.

Wala kaming klase sa first class kaya ginamit 'yon ni Ella para pag-usapan ang bagong sitting arrangement. Napag-usapan iyon ng lahat ng officer. Ang goal ng pagbabago ay para maka-close ang iba pang mga kaklase.

"Oh, Ceejay! Paalam ka na sa bebe mo," natatawang tukso ni Sonny kay Ceejay.

Kaaangat ko lang ng bag ko sa lamesa nang biglang humarap sa akin si Ceejay. Kung wala lang bag sa pagitan namin, baka nalaman niya ang epekto niya sa akin.

"Huwag mo akong ma-miss, ah?"

Gumuhit ang ngiti sa akin. Kahit ano namang pigil kong hindi siya ngitian, hindi ko pa rin mapigilan. Kaunting salita niya lang, ramdam ko na agad ang hindi mapuknat kong ngiti.

"Hindi naman talaga," sabi ko sa kaniya.

"Baka ipagpalit mo ako, JM." Tumawa siya sa sarili niyang biro.

Umiwas na lang ako ng tingin at dinala ang bag ko. Nangingilabot ako sa mga biro niya. Baka hindi ko mapigilan at basta na lang ako umamin sa kaniya.

Alam kong biro lang lahat pero hindi ko maiwasang umasang... sana crush niya rin ako. Sana... kaya ko rin bulabugin ang sistema niya katulad ng ginagawa niya sa akin.

Katulad ng inasahan ko, magkahiwalay na kami ni Ceejay. Sa unahang table siya habang ako, sa likod. Magkalayo kami pero kahit may bahagi sa akin ang nalungkot, kontento na ako kasi tanaw ko naman siya kahit malayo. Iyon nga lang, naninibago ako sa mga bago kong kasama sa table.

Kilala ko na naman silang lahat. Part kaming lahat ng journ team kaso hindi ko lang maiwasang mahiya. Kung may matagal man akong nakakuwentuhan, iyon ang mga unang naging kasama ko lang sa table.

••••••

"Mag-adjust kayo! Hindi tayo kasya!" sigaw ni Ella sa aming mga nasa loob na ng jeep.

Bumuntong-hininga ako at umusog pa. Wala ng space. Hindi talaga kami kasya. Mainit pa sa loob dahil hindi pa umaandar ang inarkila naming jeep. Papunta kaming mga individual category journalist sa Mapora National High School para sa one day training bago ang competition.

"Ang sikip naman, pres. Wala na bang mas isisikip pa?!" walanghiyang sigaw ni Sana.

Natawa kaming mga nasa loob habang masama naman ang tingin ni Ella. "Bilis na! May sasakay pa. 'Yong maliliit, magpakandong na lang sa mga malalaki d'yan."

"Wala bang isa pang jeep?" tanong ni Kenneth.

Nasa dulo lang nakaupo si Kenneth kaya agad siyang nabatukan ni Ella. "Manahimik ka nga. Marinig ka ni Ma'am Francheska. Maliit lang ang binigay sa ating budget kaya magtiis kayo."

Nasabi na sa amin iyon ni Ella. Mabuti na lang talaga, hindi namin gastos ang pamasahe at pagkain. Kung nagkataon, baka hindi ako nakasali.

Ilang sandali pa, biglang lumitaw sina Sonny at Ceejay na may hawak na flag ng school namin. Umiwas agad ako ng tingin nang magtama ang mga paningin namin ni Ceejay. Hindi ko alam kung bakit may nagbago. Simula nang inamin ko sa sarili kong crush ko siya, parang may space sa tiyan kong hindi ko maipaliwanag, and speaking of space..

My Happy CrushWhere stories live. Discover now