Chapter 12: Crush

28 2 0
                                    

CHAPTER 12

Crush

Simula bata pa, hobby ko lang ang pagkanta. Noong maging high school student ako, saka ko lang nalamang may talento pala ako. Sa tuwing sinasabi nilang magaling ako, tumaas ang kumpiyansa ko sa sarili. Sumali ako sa mga singing contest, nag-aral ako ng instruments ar naging kabilang ako dati sa banda. Noon iyon pero hindi na ngayon.

Matagal na... simula nang tumigil ako sa pagkanta. Simula nang mapahiya ako sa stage noon, hindi ako muling sumubok. Pumiyok ako at wala sa kondisyon ang boses ko noong singing contest sa school kaya hindi ako nakapag-perform nang maayos. Idagdag pa ang unti-unting pag-alis ng mga nanonood. Hindi ko napigilang umiyak nang araw na iyon kasi para lang akong nagkalat sa stage.

Kung umaawit man ako, para kay Lord na lang 'yon. Ayaw ko nang iparinig sana sa iba. Unti-unting nawala rin ang interes ko.

"Mga kantang compose ni Ryan Cayabyab ang napunta sa group natin," sabi ng isa kong kaklase.

Nasa court ang buong section para mag-practice within fifteen minutes. Kailangan kasi naming kantahin ang isa sa mga kantang ginawa ng composer na na-assign sa amin.

Napatingin kami sa kabilang grupo nang marinig namin ang kinakanta nila. Medyo magandang pakinggan ang sa kanila. Nang inilibot ko ang paningin ko sa kanila, nagtagpo ang mga paningin namin ni Ceejay. Tumaas ang mga kilay ko at umiwas ng tingin. 

"Hindi siya kumakanta. Lagot na naman 'yon," bulong ko sa sarili ko.

"Ito na lang "Kailan" ang kantahin natin."

Tumango ako kasabay ng pagtango ng bawat isa sa amin. Hindi naman din kami pamilyar sa ibang kanta kaya iyon na lang ang pinili namin. Kinanta na namin at kahit wala akong sabihin, alam naming pangit sa pandinig ang pagkanta namin.

"Sandali," sabi ni Ella. "Ang pangit!"

Natawa na lang kami. Tinanong niya kami isa-isa kung sinong marunong kumanta. Si Jana lang naman ang alam kong may magandang boses sa grupo namin kaya siya na ang ginawa naming main vocal.

"Si Bunsay, magaling din, Ella. Narinig ko kanina."

Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi ni Angel. Hindi ko inasahang napansin niya pa 'yon kahit hininaan ko na nga ang boses ko. Sabagay, katabi ko naman siya... pero kahit pa! Ayaw kong mapukaw ang atensiyon ng mga kaklase ko.

"Kanta ka nga," utos sa akin ni Ella.

Mabilis akong umiling. "Hindi a-ako marunong."

Siniko ako ni Angel. "Aysus, huwag ka nang pa-humble. Para naman sa grades 'to! Maganda ang boses mo, promise."

Huminga nang malalim si Ella. "Sige, kayo ni Jana ang main vocal 'tapos second voice na tayong lahat."

Wala na akong nagawa nang pinagtabi niya kaming dalawa ni Jana. Bumuntong-hininga na lang ako bago kumanta. Sa totoo lang, hindi ako komportable. Kung kumanta man ako sa harap ng Grade 8 students, iyon ay dahil sila lang naman ang nakarinig at hindi naman nila ako sobrang kilala. Sa ngayon, ayaw kong marinig ng mga kaklase ko lalo pa at araw-araw ko naman silang nakasasama.

"Tapos na ang fifteen minutes, class. Go back to our room."

Humigpit ang hawak ko sa lyrics at naglakad na papunta sa room. Nakasabay ko pa si Ceejay kaya hindi ko naiwasang lumingon sa kaniya. Katulad ng ekspresiyong binibigay niya sa akin palagi, seryoso niya akong tiningnan bago takpan ng panyo ang bibig.

"Anong kakantahin ninyo, Bunsay?" tanong sa akin ni Lisa.

"Ano... "Kailan" ni Ryan Cayabyab."

Bumilog ang bibig ni Lisa sa pagkamangha. Sabagay, naintindihan ko naman siya dahil sa lahat ng kanta, mas pamilyar ang generation namin doon. Isa pa, ginamit ang kantang iyon sa isang sikat na romance movie.

My Happy CrushWhere stories live. Discover now